Ano nga ba ang Pag-ibig?

Pag-ibig,7 letra isang salita. Maraming uri ng pag-ibig na nararamdaman; pag-ibig sa pamilya, kaibigan, sa alagang hayop o sa isang tao. Pero ano nga ba ito? Para sa akin ang pag-ibig ay isa sa pinakamasaya at pinakamasarap na puwedeng madama ng lahat ng tao.

Kung tinatanong mo kung bakit ko ito nasabi? Isa lang ang maisasagot ko; “dahil hindi makukumpleto ang buhay ng isang tao kapag hindi siya umiibig”.

Aminin mo man o hindi, napakasayang magmahal. Kapag nagmamahal tayo kahit ang mga bagay na pangit sa ating paningin ay gumaganda. Pati na ang pananaw natin sa ating buhay ay nagiging positive.

Kapag nagmamahal tayo hindi tayo natatakot na sumubok ng mga bagay na dati nating kinatatakutan lalo na’t alam natin na nandiyan ang mahal natin sa buhay para suportahan tayo lalo na ang ating pamilya.

Kaso ang iba sa mga tao ngayon natatakot nang magmahal. Bakit?

Dahil takot masaktan, takot maiwan at kung ano ano pang dahilan. Sa totoo lang pag umibig tayo hindi natin maiiwasang masaktan, kasama ‘yan sa pagdadaanan mo pag nagmahal ka. Pero sana ‘wag natin kalimutan ang pakiramdam ng taong nagmamahal. Huwag nating kalimutan ang sayang naidudulot nito sa ating pagkatao.

Kaya dapat kahit paulit-ulit tayong masaktan, masaktan sa pang-iiwan ng kasintahan, masaktan sa panloloko ng matalik na kaibigan, masaktan sa pagkamatay ng alagang hayop at masaktan sa pagkawasak ng pamilya, hindi dapat tayo matakot na sumubok ulit na magmahal dahil ang pagmamahal ang kukumpleto sa atin. Ang pagmamahal ang magpapasaya sa atin at higit sa lahat, ang pagmamahal ang magbibigay sa atin ng lakas para patuloy na lumaban sa buhay at harapin ang bukas nang may ngiti at positibong pananaw.

Kaya kung tatanungin ko ulit ang aking sarili; “Ano nga ba ang pag-ibig?” Ang maisasagot ko; “Ang pag-ibig ang pinakamagandang nilikha ng Diyos na maaaring madama ng mga tao. Dahil ang pag-ibig ang bubuo sa atin.”

About Jas

I'm just typical girl who love to write