“Ano Nga Ba Ang Buhay?”

Masyado nang malamig. Konting-konti na lang, titigil na ang pintig. Ano pa ba ang kaya nitong ipahiwatig? Na ano? Nasasaktan tayo dahil nagmamahal tayo ng totoo? Na sa ayaw natin at gusto, parte pa rin tayo ng iisang pamilya? Hindi man magkasundo-sundo, di rin masasabing watak-watak? K’se iisang dugo lang ang pumapatak? O, kung ikaw ay kasalukuyang nasa isang relasyon na may namumuong tensyon? At ang dala nito sayo’y puro kunsumisyon? Sa tingin mo, uulan pa kaya mula sa langit ng bendisyon? Di kaya mas lalo lang lalala ang iyong alta-presyon? Kanino mo isisisi ang lahat? Ni hindi mo alam ang puno’t dulo, o ugat? Ang alam mo lang sa bawat sugat, maghilom man ‘to, laging may maiiwang peklat?

Image credit: alwaysloneliness; rebelsmarket

Bakit? K’se kadalasan napupunta tayo sa sitwasyon kung saan hindi natin alam kung saan tayo dapat lulugar? Umangat ka lang nang konti, hinihila ka na pababa. Bawat sabihin mo, mali. Bawat kilos mo, palpak. Wala na tayong ginawang tama. Ang liit, liit ng tingin nila sa’yo. Sa sobrang liit, hindi ka na makita. Nawawala na ang halaga mo bilang tao – Anak. Kapatid. Kaibigan.

Minsan naiisip mo, ano ba ang ginawa mo para maging worth it ‘tong mga hindi mo maintindihan? Sa pagkakaalam mo, naging mabuti ka namang tao – Anak. Kapatid. Kaibigan. Siguro k’se hindi sila kuntento sa kung ano meron ka, kung ano ang kaya mong ibigay. Ang hirap k’se sa iba, pera lang ang mahalaga. Yung ngingitian ka lang abot-tenga kung magbibigay ka ng pera. Isa, dalawa, tatlong libo. Minsan ‘yun lang ang katapat ng kaligayahan mo. Doon mo lang napagtatanto na nagiging parte ka lang ng mga buhay nila dahil sa pera. Pag walang pera. Walang ikaw.

Ayoko nito. Ayaw kong makaramdam ng ganito dahil hindi ‘to ako. Ako na kilala bilang si #indayluwag – the funniest version of myself, pero ‘eto, tatalunin pa yata ang K-drama sa kadramahan. Totoo nga yata ‘yung kasabihan, kung sino ‘yung palaging nagpapatawa, sila ‘yung mga pinakamalungkot na nilalang sa mundong ‘to.

“Sad indeed is too lonely a word, cuts like a sword, getting over someone you behold…”

Behold – malalim na English pero ang ibig sabihin ay sadyang napakasimple – masdan.

“Ano nga ba ang buhay?” Masdan mo lang. Damhin. Wala ka mang makita k’se pumapatak na ang iyong mga luha, tandaan mo, titigil din ‘yan gaya ng pagtila ng ulan. Malungkot man ang ngayon, masaya ka naman kahapon. Maliit man ang tingin nila sa’yo, malaki naman ang puso mo. Kaya nitong dalhin lahat ng bigat na pinapasan ng mga balikat mo. Kaya mong labanan lahat ng iyong pag-aalinlangan. Paniwalaan mo lang ang sarili mong kakayahan.

Dahil hindi mo pagmamasdan ang sarili mong kalungkutan kung nanaisin mo lang ‘to manatili sa harapan mo at hindi maglaho.

Hangga’t hampas ng alon ay bumabalik sa dalampasigan,

Hangga’t ang kapaligiran ay luntian at may mga ibong humuhuni,

Hangga’t ang himig ng hangin ay may dalang panalingin,

Ang makita ang sarili mong masaya at punumpuno ng pag-asa,

Image credit: alwaysloneliness; rebelsmarket

Iyon pa rin ang iyong pipiliin.

 

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.