ANO ANG GAGAWIN MO?

Minsan isang araw, nang wala akong masyadong maisip na matino, biglang napakaraming katanungan ang pilit na sumusiksik sa kinakalawang ko nang utak. Mga katanungan na kung iisipan ay simple lamang pero maaring maging kumplikado kung iyong pag-iisipan. Simple lang ang buhay, nagiging kumplikado lang ito at nag-iiba ang takbo depende kung papaano natin sasagutin at haharapin ang mga simpleng katanungan sa ating araw-araw na buhay.

Ano ang gagawin mo, kung malaman mo na bakla ang anak mo? Minsan, itinanong ko na sa isang ina ang tanong na iyan (di ko na sasabihin kung sino sya, pag nabasa niya ito, alam na niya na siya ang tinutukoy ko). Ang matapang na sagot nya, “Wala. Eh ano naman ang magagawa ko kung bakla siya. Kahit nanay niya ako, di ko pa rin hawak ang buong pagkatao niya. Anak ko pa rin siya kahit ano ang kasarian niya. Ang importante lang sa akin, kahit bakla siya, ay maging mabuting bakla siya. Iyong hindi pasaway sa lipunan.” Oo nga naman. May katwiran ang nanay na iyon, di naman sagabal ang pagiging bakla para maging mabuti kang tao. Marami nga dyang bakla na kilala sa mga propesyong kanilang napili. Opppsss…wag magagalit sa akin iyong mga iba na may ibang pananaw, kanya-kanya lang naman po tayo ng opinyon, ang pinaiiral ko lang naman po ay ang malawak at bukas na kaisipan.

Eh, ito naman, ano ang gagawin mo pag bukas ay nanalo ka sa Lotto? Madalas maitanong ito. Ako mismo, naitatanong ko sa sarili ko ito. Ang lagi ko namang sagot, pag nanalo ako sa Lotto, bukas na bukas din, uuwi na ako ng Pilipìnas at mag-pa-franchise ako ng Jollibee. Tapos bibigyan ko ng balato lahat ng mga kapatid ko, kahit mga pinsan ko, pati mga kaibigan ko. Tapos, tutulungan ko iyong mga kapuspalad na nangangailangan ng tulong. Mga batang kalye pati mga pulubi. Magpapatayo ako ng dream house ko, iyong magandang-maganda! Sarap mangarap…Nang bigla kong maalaala, di pala ako madalas tumaya ng Lotto. Di kasi ako naniniwala sa biglaang suwerte. Mas gusto ko iyong pera na pinaghirapan mo talaga. Iyong ang puhunan ay dugo at pawis. Kaya malabong mangyari na manalo ako sa Lotto. Pero ang pagtulong sa kapwa, maari pa ring gawin, kahit di nanalo sa lotto. Kahit di ka mayaman, maari ka namang tumulong sa kapwa. Kung hihintayin mo pang yumaman ka, o manalo sa Lotto, baka lumipas na ang panahon, di ka pa nakakatulong sa kapwa mo.

Ito namang tanong na ito, madalas itanong sa akin ng anak ko. Ano ang gagawin mo, kapag binigyan ka ng tatlong wishes ng genie? Anu-ano ang mga wishes mo? Nang minsang itinanong sa akin ng anak ko ang tanong na iyan, ibinalik ko sa kanya ang tanong, ang sagot nya. First wish : matapos na lahat ng problema ni Papa at ni Mama. Second wish : Makahanp si Mama ng work na di siya masyadong mapapagod kasi lagi na lang siyang pagod. Third wish : Maibili na sana siya ni Mama at Papa ng hinihiling niyang bagong labas na Nintendo. Para sa isang 12 anyos na bata, masyadong napakalalim nang unang dalawang wish. Hindi makasarili. Hinuli niya ang wish niya para sa kanyang sarili. Sana ganyan din ang lahat ng mga tao. Unahin ang nakararami at hindi puro ang sarili. Hindi ba´t mas masarap gumawa para sa iba at pagkatapos ay makita mo ang kabutihang naidulot mo sa kanilang mga nakangiting mata? Minsan, masyado nang nagiging makasarili ang tao (minsan ako din). Gawin nating huwaran ang mga bata. Madalas, marami silang sinasabi at ginagawa na mas may kabuluhan at katuturan.

Napakarami pang mga katanungan na nagsusumiksik sa aking malapit nang kumitid na isipan. May mga tanong na pilit ko munang di sinasagot. Minsan kasi, nakakatakot sagutin. Pero patuloy pa rin ako sa pagmumuni-muni kung papaano ko haharapin ang mga katanungan na iyon kapag dumating na ang panahon na kailangan na itong sagutin at harapin. Ang buhay, napakaraming tanong, kulang ang sagot. O, minsan, walang sagot.

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.