“Anino Ng OFW Sa Disyerto”

Photo by Moyan_Brenn

Isa, dalawa, tatlo! Tatlong taon ka na pala dito, parang kailan lang suot mo pa ang butas na spartan mo na tsinelas habang binaybay ang maalikabok at mabatong kalsada. Dama ng iyong talampakan ang matutulis na bato sa kinakalyo mo nang mga paa. Kay bilis ng panahon, parang kailan lang na nagtalimpasaw ka sa patak ng ulan sa gitna ng inyong luntiang sakahan.

Parang kailan lang ang huling hapunan na kasama mo ang iyong mga mahal sa buhay. Sa engrandeng pagtitipon na kung saan daing at ginataang monggo ang masarap na pinagsasaluhan. Parang kailan lang nang huli mong nasilayan ang kanilang mukha at anino na nakatayo sa pier. Parang kailan lang nang huli mong pinunasan ang mainit na luha sa iyong paglisan kasabay na kumaway ang iyong anino para sa ganap na pamaalam.

Sa unang paglipad ng eroplano na dati’y abot tanaw at pangarap mo lang. Isa ka sa mga pasahero na kaligayahan ang naramdaman. At may agam-agam kung anong buhay ang kahihinatnan sa bansang patutunguhan subalit may kayamanan na hindi mo matagpuan sa baryo na iyong pinanggalingan. Hakbang na pasulong bawal ang umurong dahil ito na ang katuparan ng pangarap mo sa buhay.

“Welcome, OFW, sa disyerto!”

Bansa na walang luntiang kapaligiran ang iyong makikita. Bansa na wala si Amihan at habagat. Bansa na iba ang batas kay inang bayan. Ang tradisyon at kultura ay kaiba sa bansang kinagisnan. Wala na ang mabatong kalsada dahil dito ay aspalto na. Wala na ang kalabaw, baka, at tandang na mga alaga mo. Dito’y wala ang hinaing ni Inang kalikasan na nagbibigay ng banayad na haplos ng sariwang hangin. Dito’y puro hagupit ni Amang araw ang bagsik ng init na dadapo sa kaibuturan ng iyong katawan. Kalbong kapaligaran ng disyerto ang iyong agarang masisilayan.

Tama ka. Ito’y isang bagong hamon sa ‘yo dahil ang buhay mo dito ay magiging puno ng bagong obligasyon, responsibilidad at sakripisyo. Sa bawat kabanata ng ating pakipagsapalaran; pagod at pangungulila ang pilit na nilalabanan. Damdaming mas naging matatag sa bawat hamon at pakikibaka. Sa bawat kabanata ng ating pakipagsapalaran; pagod at pangungulila ang pilit na nilalabanan. Isang mainit na pagtutuos na pilit nating ipagpapatuloy para sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay.

Ito ang bagong bayan na iyong paglilingukuran at makikinabang sa angkin mong katalinuhan na dapat sana ay si Inang Bayan ang nakikinabang. Subalit ito ka o tayo na ibinubuhos ang mga bukod tanging kakayahan para kumita ng Riyal para sa kinabukasan ng ating mga pamilya at ikauunland ng ating Inang Bayan.

Parang kailan ka lang nagsimula, kasama mo ang iyong anino sa pagtanaw ng isang pangarap. Pangarap na binigyan ng pursigidong aksyon sabay sa agos ng buhay. Kaya, ito ka ngayon isang pangarap ang nabigyan mo ng katuparan. Hindi man toneladang kayamanan ang hawak mo, pero ang makita ang pamilya mong hindi nagugutom at nakasuot nang maayos na damit; nakapag-aral sa kurso na pangarap nila ay isang tagumpay na bilang OFW!

Mabuhay ka, OFW…Ika’y isang tunay na bayani ng sambayanang Pilipino.

Photo by Moyan_Brenn

Unang nailimbag sa adobochannel.com/anino-ng-ofw-sa-disyerto/

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)