Angelo

Cerebral Palsy (Credits: www.123rf.com)

Bago umalis ng boarding house, tiningnan ko pa ‘yung bag ko kung nadala ko ba yung ibinilin niya. Kinapa ko ‘yung zipper ng bag na may key chain na gitara. Mabilis ko namang nakita ‘yung kulay asul na plastic. Ok na, sure na ako na nadala ko ‘yung bilin niya. Chocolates, request ni Angelo. Nagkataon na may dumating na balikbayan box si Lola, nakasalisi ako ng ilang Hershey’s bar.

Mabilis akong lumabas ng boarding house; 6:30 am ang call time.  Ilang minuto na lang at malapit na akong iwan ng service namin. Duty na naman at sa pagkakataong ito, sa isang center para sa mga batang may special needs kami naka-assign.

Last week kami nagsimulang magduty, at ilang araw na rin nang makilala ko si Angelo. Ang tanda ko, nasa walong taon siya noon, at madalas ko siyang makita na kasama ang nanay niya. Pulis daw ang tatay niya at teacher ang nanay niya sa isang private school. Three times a week ang session niya, at dalawa sa tatlong sessions na iyun, natatapat na naka-duty ako.

Hindi siya originally na naka-assign sa akin; nagkataon na kinulang ng student nurse kaya nadagdagan ng isa ang hawak ko na patient. Ang totoo, noong una ko siyang nakita, medyo kinabahan ako. Para kasing hindi ko kayang alagaan ang gaya niya. Parang napakahirap at napakakumplikado.

May cerebral palsy si Angelo.  May problema sa koordinasyon ang parte ng utak niya na kumokontrol sa paggalaw ng katawan. Patuloy na gumagalaw ang ilang bahagi ng katawan niya kahit hindi niya ito pagalawin, habang ang ilang bahagi naman ay hindi gumagalaw kahit pa gusto niya itong pagalawin. Isang problema pa niya ang pagsasalita, dahil hindi niya maiposisyon nang maayos ang dila niya, kasabay ng walang sistemang paggalaw ng panga at leeg; napakahirap sa kaniya ang makipag-usap sa iba.

Pero maayos ang pag-iisip niya. Sasabihin ko pa nga na sobrang talino niya. Sobrang lambing niya, at ayaw niyang nakikitang malungkot ang tao sa paligid niya.  Ilang araw din bago ako nasanay sa pautal-utal niyang pagsasalita.

“A-a-a-nooooohhh.. pa-pi-pa-na-nga-nga-la-laan.. mu-mu-mooh, Ku-ku-ku.. Kuya?”

Ngumiti ako. Bakas sa mukha ang pagkalito, dahil aminado ako na ako mismo ay nahirapan sa kanyang makinig. Ngumiti ako sa Nanay niya; wari ay naintindihan nito ang problema ko.

“Tinatanong niya kung ano daw ang pangalan mo.” Tumango ako at sumagot, na  wari ay daig pa ang sasagot sa 1 million question ng Who Wants to be a Millionaire.

“Robert.   Kuya Robert. Ikaw? Ano’ng pangalan mo?”

“Ah.. A.. Ah.. Ang.. An-ge..Gel. Gel.. Oh.. An-gel-oh..”

Ngumiti ako ulit. Angelo, bagay sa kanya ‘yung pangalan niya.

Doon kami nagsimulang magkakilala ni Angelo. Magugulat ka na sa kabila ng hirap na dinaranas niya sa pagsasalita, hindi siya nauubusan ng kuwento. Lagi mong maririnig ang tawa niya, matinis at malakas. Tawa na marahil sa iba ay nakaiirita, pero para sa akin ay hindi.   Natutunan kong kilalanin ang kaunting sayang ipinapakita nila. Natuto akong igalang ang kaunting saya na mayroon sila.

Sa tuwing kakanta siya, masaya siyang makita na seryoso akong nakikinig sa kanya. Tumatango at pumapalakpak sa bawat bitaw niya ng kanta. Masaya rin siyang pumapalakpak lalo na at nakikita niyang panahon na ng dance therapy nila.

Minsan, natapat na masama ang mood ko. Bad trip kasi, puro problema ang sumalubong sa araw ko. Wala ang normal kong sigla, pero nagduty pa rin ako. Umupo ako n ang malayo sa karamihan, nag-iisip kung ano ang gagawin ko mamaya sa problema ko. Nakalapit si Angelo nang hindi ko namamalayan.

“O-oh.. O.. Ok ka-ka-ka la-lang Ko-ko-Ku-yaah..?” (Ok ka lang kuya?)

 

“Uy, Angelo. Sali ka doon sa therapy ninyo,” mabilis akong sumagot sa kanya. Ewan kung bakit parang itinataboy ko na siya agad; marahil ayaw ko lang na sa kanya ko maibuhos ang ano mang badtrip na nararamdaman ko.

“A-a-ay-ay-aw ku-ko.. Guh.. Guh.. Gus.. tu.. to.. ko.. kah-ka.. sa-ma.. ki-ki.. ta.. (Ayaw ko, gusto ko kasama kita).

“May problema kasi si Kuya, kaya dito muna ko ha?” Pinilit kong ngumiti sa kanya. Natigilan siya; mukhang may gusto siyang sabihin, pero pinili niyang tumahimik at naglakad pabalik sa therapy area nila.

Natapos ang araw na ‘yun nang hindi ko ulit nakausap si Angelo. Marahil may tampo siya sa akin; marahil hindi nga niya naiintindihan na minsan may kailangan lang harapin ang mga tao.

Nang sumunod na linggo, huling araw namin sa center, nagkaroon kami ng maikling program para sa mga bata. Nagbigay ng maliit na regalo na magpapaalala sa amin sa kanila. Binilhan ko si Angelo ng bagong cap at shades. Sabi ko sa kanya, bagay ‘yun sa kanya para pumorma siya. Totoo naman, bagay naman talaga sa kanya dahil likas na maamo ang mukha ng bata.

Nang tinawag na si Angelo sa harap ng stage para tanggapin yung regalo ko, nagulat ako dahil may inabot siya na papel. At gusto pa niya na basahin ko ‘yun nang malakas sa harap ng lahat ng nasa center. Tumingin ako sa kanya, nakangiti, pero may pagtatanong sa mukha. Tumango ang nanay niya, at pabulong na sinabing, pinagpuyatan nilang mag-ina ‘yun kagabi. Binuksan ko ang papel at nakita ang may kahabaan ding sulat. Hindi yun sulat ni Angelo, mukhang sulat ng nanay niya, pero ang mga salitang ginamit ay parang sa isang bata.

Nagsimula akong magbasa. Malakas at dahan-dahan, habang nakatingin sa akin ang mga tao doon.

Salamat po, kuya, sa lahat ng itinuro mo sa akin na kanta. Salamat po kasi mabait ka sa akin kahit mahirap akong alagaan. Salamat po kasi hindi ka sa akin nagalit kahit lagi kong natatapunan ‘yung white uniform mo ng food ko. Salamat po kasi hindi ka nagalit kahit minsan kapag natutuluan kita ng laway ko.

(Literal akong tumawa dito, at sa hindi maipaliwanag na dahilan, may ilang luha na nagbabantang tumulo sa mata ko. Nakita ko rin kasi si Angelo, natatawa siya sa reaction ko.)

Alam ko po na mahirap ang trabaho mo, dahil kahit po ako, ayaw kong natutuluan ng laway ng iba. Pero kinakaya mo po, kuya; ok lang po sa inyo kahit na hindi ok sa iba.  Salamat po sa lahat ng chocolates na bigay mo, ang sarap po talaga, sa TV ko lang po nakikita ‘yun dati.  Ngayon po ay natikman ko na.

 Salamat po sa lahat ng panahon na nakinig ka, kahit po mahirap ako pakinggan. I love you po, Kuya.

 At alam ko po na may problema ka, sorry po kung nangulit ako sa ’yo. Sana hindi ka po galit sa akin. Gusto ko pong sabihin sana sa iyo noon na dapat ngumiti ka pa rin kahit may problema ka.  Dahil kahit may mali pa, may ibang dahilan pa rin para sumaya.

 

Niyakap ko si Angelo; ewan ko kung iyakin lang talaga ako, pero ilang luha ang hindi ko napigilang pakawalan. Bago natapos ang araw na yun, nagpasalamat ako sa nanay ni Angelo sa pagtitiyagang isulat ang lahat ng binasa ko. Nagpasalamat din ang nanay niya, at sinabing siya ang dapat magpasalamat dahil maaaring isa lang si Angelo sa mgapasyente ko, pero ako ang magiging nag-iisang panghahawakan niyang ehemplo ng nurse at kuya. At isang magandang ehemplo ang ipinakita ko sa kanya.

Binasa ko ulit ang sulat ni Angelo. Nakatutuwang mabasa na nagpapasalamat siya sa kanta, sa sayaw, sa chocolates o sa pakikinig ko sa kanya. Napakaliit na mga bagay. Wala man lang ako’ng narinig na nagreklamo siya kasi mahirap ang pinagagawa ko sa therapy, na makulit ako dahil tanong ako nang tanong sa kanya. Puro positibo, wala kahit isang reklamo.

Ngumiti ulit ako. Nag-isip at nagsimulang magpasalamat sa natutunan ko sa karanasan ko.

Dahil kahit may mali pa, may ibang dahilan pa rin para sumaya.”

Nakatutuwa na kay Angelo pa manggagaling ang ganoong salita. Isang tao na kung tutuusin ay may karapatang magreklamo sa lahat ng bagay na nangyayari sa kanya. Pero siya pa ang magpapaalala sa iyo na kailangan mong matutong humanap ng positibo sa buhay mo. Siya pa ang magpapaalala sa iyo kung gaano kahalaga sa iba ang simpleng bagay na ginagawa mo. Na minsan, mas masuwerte ka sa ibang tao, pero mas marunong silang magbigay halaga sa kung ano’ng mayroon sila.

Sana matuto rin tayong maging kagaya ni Angelo.

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^