Ang Viral na Halik ! (A True Family Story)

Photo by jikatu (Pixabay)

Sa isang barangay sa Calamba ay mayroong isang bahay na may shop sa harapang bahagi.  Isa itong tindahan na may mga unan, bags, at  kung anu-ano pa.  Sa kanang bahagi ay may mga photocopy machines at bookbinding.  Sa madaling salita, busy ang maliit na negosyong ito na pinamamahalaan ng ating bidang mommy.

Mayroon siyang apat na anak:  tatlong lalaki at ang bunsong babae.  Malapit lamang sa kanilang paaralan ang kanilang shop/tahanan; kaya nilalakad lamang nila ang papunta’t pauwi.

Siyempre, dahil malapit iyon sa paaralan, karaniwan na ang pagsama ng mga kaibigan sa kanilang tahanan.  Maliit man at magulo dahil nga ito’y may negosyo sa harapan, paboritong tambayan ng mga kabataang kamag-aral at kaibigan ng mga anak ni Mommy.  Ok lang kay Mommy ang magdala sila ng mga kaibigan; katwiran niya ay mas gusto niyang makilala ang mga kaibigan ng kanyang mga anak.  Sanay naman sila sa magulo at malaking “pamilya” dahil naka stay-in ang kanyang mga mananahi at operator na hindi na nila itinuturing na iba.

Isang araw, nanibago ang lahat ng kasambahay at mga anak ni Mommy.  Karaniwan kasing masigla at pakanta-kanta ang kanilang “bossing.”  Bakit tila masungit yata ngayon?  Tahimik?    Wala namang sakit, dahil kung mayroon, aba…nakahiga na yan.  Hindi niyan iniinda ang ang simpleng sinat at sakit ng ulo.  Kapag yan ay humiga, tiyak na may malalang nararamdaman.  Pero hindi nga eh.  Sige lang ito sa tahimik at nakasimangot na paggawa.

“Me toyo ba si Ate?”  tanong ni Kuya Marlon sa kasamang si Noemi.

“Ewan, wala akong alam.  Ok naman siya kaninang umaga.  Ngayong hapon lang yan ganyan,” sagot ni Noemi.

“Baka nagmemenopause na?  pabulong na sinabi ni Kuya Marlon ke Noemi.

“Hoy, marinig ka…” siyang daan naman ni Nelia na may dalang isasabit na paninda.

Nang malapit nang gumabi… nagtanong si Noemi kay “momsy” kung ano’ng ilulutong ulam.

Huwag na tayong kumain!” paaasik namang sagot ni momsy.

“Mom, ano’ng ulam?” siya namang lapit ng panganay na anak ni bossing.

Photo by geralt (Pixabay)

Ewan ko sa inyo!  Kainin n’yo ang daliri n’yo!”  sabay tayo ni momsy sa pagkakaupo at mabilis na pumunta sa banyo sa may likurang bahagi ng bahay.

Ano’ng problema ni Mama, Kuya Marlon?”  tanong ni panganay.

“Hindi namin alam, kanina pa yan ganyan.  Naninibago nga kami.  Alam mo naman ang Mama n’yo, masayahin, mabiro, malambing.  Hala, umpisahan na nating kainin ang ating mga daliri!” at tahimik na naghagikgikan ang mga ito.

Ang dose anyos na panganay ay hindi mapakali at kinausap ang kanyang tatlong nakababatang kapatid.  Tinanong ang mga ito kung may alam sa toyo ng kanilang nanay.  Wala naman daw silang alam.

Kinatok ni panganay ang kanilang nanay na sa hula niya ay umiiyak.  Ganoon kasi ang mama nila kapag may dinaramdam; nagkukulong sa banyo at doon umiiyak.

“Ma?  Mama, halika na.  Gabi na, baka ka ubusin diyan ng mga lamok,” pabirong sabi ni panganay.

“Hmp!  Mabuti ngang ubusin na lang ako ng mga lamok!” sagot ng kanyang nanay.

“Ma naman.  Hindi bagay sa iyo ang magdrama; babaeng Dolphy ka eh.  Halika na.  Wala pa tayong ulam.  Ano’ng ipapaluto ko kay Ate Noemi?

“Ganyan naman kayo!  Naaalala n’yo lang ako pag me kailangan kayo.  Tagabigay lang, supplier, manager,” sabay bukas ng pinto at tumingin sa anak.

Ha? Ano ba, Ma?  Ano’ng sinasabi mo?”  nagugulumihanang natatawang tanong ni panganay.

“Nakakainis kayong magkakapatid!  Dinadaan-daanan n’yo na lang ako dito.!  Para akong langaw sa pader na hindi n’yo nakikita!  huhuhu”

Nakasilip na rin ang lahat ng mga kapatid ni panganay at mga kasambahay nila at matamang nakaabang sa susunod na eksena.

“Ano bang sinasabi mo, Ma?  Paano ka namin maiintindihan?  Sabi mo, dapat me communication?” sabay hawak sa kamay ni momsy at tuluyang inilabas mula sa banyo.

“HMP! Nagsialis kayo kaninang umaga nang hindi man lang humalik, tapos nagsiuwi kayong wala ding humalik kahit sino sa inyo.  Para lang akong langaw na iniiwan at dinadatnan n’yo!!!  Nakakainis kayo!”  sabay singhot ni momsy.

“Ahhhhhhhhhh….” halos sabay-sabay na sabi ng lahat, kasunod ay tawanan.

“Yun lang pala…”  nakangiting sambit ni panganay, sabay hug sa kanyang momsy.  “Sorryyyyyy, Mama kong maganda.  Nagmamadali lang po kanina, nakalimutan ko.  Eto o…  (mwah) para sa kaninang umaga; (mwah) para kaninang tanghali; (mwah) para kaninang hapon…  O, mga kumag…(ang baling nito sa mga kapatid)…kayo din, ang utang n’yong halik!”  ngingisi-ngising sabi nito.

Photo by dconklin

 

Nagsilapit ang tatlo at sabay-sabay na nagsiyapos at halik sa kanilang nanay habang nagkakatawanan at hagikgikan.  Halik sa noo, sa pisngi, sa tenga, sa baba, ng nag-iinarteng nanay.

“O Mom,” singit ni panganay, “eto ang para bukas ng umaga. Mwahhhh Baka nasa banyo ka kapag paalis na ako eh.”

“Kami din…makikihalik na, Momsy!  hahaha” sabay sali ng kanilang mga kasambahay.

– – – – –

Ano nga ba ang mayroon sa isang halik?  Na sa kawalan nito ay sapat na upang magdamdam ang isang momsy sa kanyang mga anak?

Pakinggan  natin ang paliwanag ni Momsy mismo.

Mahalaga ang halik para sa akin.

1) Kapalit ito ng pagmamano.  Ito kasi ay isang pagbibigay-galang sa dinaratnang nakatatanda at pagkilala sa kapamilya.

2)  Ito rin kasi ang paraan ko upang malaman kung dumating na ba ang aking mga anak at kung paalis na.  Naibibigay ko ang basbas sa paglabas nila ng bahay.  Nalalaman ko din kung sino ang  ang hindi pa nakababalik.  Panatag na kasi ako kapag kumpleto na sila.

3)  Bago matulog at pagkagising, halik din ang aming batian, kasabay ng “good morning at good night.”

4)  Lagi kong sinasabi sa kanila, na “every day is to be cherished.”  Dahil walang nakakaalam kung mayroong biglang mawawala.  Gusto ko, sa kabila ng mga pagsubok at hirap namin sa pakikibaka sa buhay, manatili kaming malambing sa isa’t isa.  Parang bang halik ang siyang nagsi-seal sa koneksyon namin bilang pamilya.

5)  Gusto kong matandaan nila at makasanayan nila ang ganitong gawi na dadalhin nila hanggang sa sarili nilang pagpapamilya.

6)  Ito lang ang kasiyahan ko sa kabila ng aking pagiging solo parent sa kanila.  Sa kanila lang ako kumukuha ng lakas at ang halik ay pagpapaalala sa kanila na ako ang kanilang nagmamahal na magulang.

 – – – – – –

31 years later…

Ganito pa rin ang nakagawian sa kanilang tahanan. Maging ang magkakapatid ay naggagawad ng halik sa bawat pag-alis at pagdating. Nagsisipagtrabaho na at ang isa ay may sarili nang pamilya, ngunit ang “batas ng halik” ay hindi pa rin nawawala.  Skin-deep na ba?  lol

Sa totoo pa nga n’yan, viral na ang halik na iyon, kasi lahat ng mga kaibigan ng kanyang mga anak at mga best friends ay nakikihalik na rin at nadala na rin ang “viral na halik” sa kani-kanilang mga tahanan.  Nakita kasi ng ibang kabataan ang sarap ng samahang pamilya na me Seal ng Halik!

O siya, kiss mo na si Nanay at Tatay!

 

8 Comments

  1. agree ako mommyjoyce. ganito rin ang pinauso ng esmi ko sa bahay kaya nasanay na rin ang mga tsikiting namin pati ako. nakakatuwa naman talaga at nakakaalis pagod…

  2. Ang saya naman! Namimiss ko tuloy sa bahay namin. Bago umalis tas pagdating kiss muna kay mama at papa kahit nung college naq tas nagtrabaho, nag asawa ganun pa din. Miss ko tuloy dito na may pinag papaalaman ko bago umalis sa trabaho. Tama nga dapat ng ipagpatuloy sa susunod na pamilya ang ganitong nakagawian..

  3. Ang sweet sweet naman..makikihalik din mommyj..mwuahh..ang nanay ko rin kapag hinahalikan, naku, tulo luha talaga siya..hagulhol ng todo..sa saya.

Leave a Reply

Your email address will not be published.