Ang Unang Paglalakbay (OFW Story)

Paglayo sa binuong pamilya. Ito na yata iyong pinakamasakit na sakripisyong gagawin mo para sa pangarap. Para kumita ng katiting para sa ikabubuti ng iniwang pamilya. Akala ninyo masarap? Akala ninyo masaya mangibang bansa? Akala n’yo kapag abroad marami ka nang pera? Depende kung saan mapupunta iyong perang pinaghirapan mo.

Sige, umpisahan na natin..

Ang simula ng paglalakbay…

Dumating ang araw ng pag-alis. Akala mo excitement ‘yung nararamdaman ko? Hindi! Isang malaking hindi! Umpisa na ng araw na hindi ko makakasama o makikita ang asawa at anak ko; pamilya ko, kaibigan, kamag-anak at kahit iyong aso ng kapitbahay namin.

suitcase photo
Photo by TheDigitalWay (Pixabay)

Sa loob ng taxi…
papuntang airport iba’t ibang pakiramdam, iba’t ibang emosyon na nagrarambolan iyung nararamdaman ko. Iyung isip ko parang nire-rewind na time machine. Para akong baguhan sa lugar na dinadaanan ko. Iyong kalsada, billboards, tulay ng Guadalupe, buildings ng makati, nagtataasang skyway at iyong paborito kong sakyan na MRT. Palinga-linga kong tinitingnan na tila ba sinusulit ko nang pagmasdan ang maliit na parteng ito ng Pilipinas kasi baka dalawang taon bago ko ulit makita o baka nga hindi ko na makita? Haha! Ano ba naman malay ko kung ano’ng kahihinatnan ko sa bansang pupuntahan ko? Ang dami na ring kuwento ng kabiguan na sinapit ng mga kababayan na nagtangka iahon ang pamilya. Pero nganga at p’wede kang umuwing bayani! (na nakakahon). Saklap, ‘di ba?

Sa airport…
Unti-unti nang nagbabago ang mundo ko. Inspection sa imigration para ka nang kriminal na hindi mapagkakatiwalaan. Check ng papeles kukunin ‘yung finger prints sabay picture picture muna. Inspection ulit sa mga dala-dalahan. Wala naman ako dalang paborito kong lutuing adobo kaya siguro pinatuloy na ko. Carpeted na iyong nilalakaran ko last ako nakalakad sa ganito noong kasal ko pa.  May pailan-ilan na ibang lahi na rin ang nakakasabay ko. (nasa pinas pa ko pero mejo naaamoy ko na yung pupuntahan ko). Ibang iba to kumpara sa uuwi ka lng ng probinsya. Triple ‘yung laki ng eroplanong sasakyan ko o baka sobra pa. Parang ayoko pang humakbang papasok ng eroplano pero nandito na ko kaya sinamahan ko na lang ng dasal. Hindi para sa sarili ko kundi sa pamilyang iiwan ko. Okay lang ako. Gaya ng lagi ko sinasabi sa asawa ko..

Sa eroplano…
Dito na medyo bumibigat na ‘yung paghinga ko. Para bang may gusto kang pakawalan na ‘di mo mailabas. Eksakto sa pag-e-emote ko iyong sa tabi ako ng bintana nakaupo. Iyong malayo ang tingin wala namang tinatanaw. (music video lang ang dating). Pero bago pa ko madala ng emosyon ko nakakita ako ng mapaglilibangan. May monitor sa harap ko. Nood muna movie kahit wala naman talaga ako maintindihan dahil wala naman sa movie iyong isip ko. Laro naman ng games kahit wala naman ‘yung loob ko sa nilalaro ko. Maya’t maya ang hatid ng pagkain, kape, sandwhich at kung ano ano pa. Masarap pala bumiyahe sa malayong lugar. Mas masarap sana kung kasama ko sila pero wala eh. Ako lang ‘to. ‘Di ko talaga ma-enjoy. After 9 hrs sa himpapawid. Nakarating na rin ako nang ligtas.. from airport to airport pa lang iyan. At palala ng palala iyong pakiramdam ko para akong lalagnatin. Iyong tipong nasaan ako? Anong lugar ito? Nasa ibang dimension ba ako? O feeling ko nasa ibang planeta na ko?

Photo by Gribiche

 

Nang isilang akong muli…

Hindi na ako pamilyar sa paligid ko. Ibang lengguwahe, ibang kasuotan, ibang kapaligiran, at higit sa lahat hindi na amoy Pinas ito. Bago lahat sa akin. Kailangan kong makibagay sa kung ano ang nasa kapaligiran ko ngayon. Kailangan kong sumunod sa kung anong batas meron sila dito ultimo pananamit; hindi na katulad sa Pinas na kahit ano’ng gusto mong isuot o kahit walang suot ay okay lang. Dito, hindi. At kailangan ko ulit mag-aral magsalita. Oo, magsalita katulad ng lengguwahe ng mga lokal dito. Kasi kung hindi mo aaralin mahihirapan kang makipag- communicate sa mga tao dito. Ultimo pagtatanong lang ng lugar ay mahihirapan ka.

Ang laking adjustment ang ginawa ko…

Sa pagkain…
Madalas at masasanay ka na lang na kumain ng dalawang beses sa isang araw. Well, choice ko ‘yun at karamihan iyon talaga ang ginagawa dahil iyong ibang natitirang oras ay itutulog mo na lang o itatawag para makausap ang pamilya sa Pinas.

Sa pagtulog…
Madalas at masasanay ka na lang din na matulog ng apat hanggang anim na oras at sapat na sa ‘kin iyon. Disiplinado ka na kapag magawa mo iyon. Congratulation kung naka-8 oras ka ngayong araw.

Sa pag-budget ng pera…
Simple lang nman, kinukuha ko lang iyong budget na alam kong sasapat sa pagkain at magagamit ko sa loob ng isang buwan(pero madalas kulang iyan) at iyong naiwan padala na sa naiwang pamilya sa Pinas. Sa mga unang buwan medyo mahirap pa kasi kailangan kong gawin ‘yan, ang unahin obligasyon ko lalo na sa mga pinagkautangan ko para makaalis. (Tapos na ko sa obligasyon kong ‘yan; yahoo!) pero ‘di pa rin dapat i-celebrate iyan. Marami pa akong plano para sa perang kinikita ko dito. (Anong gagawin sa perang pinaghirapan abroad? isusulat ko rin iyan sa mga susunod kapag sinipag ulit magsulat).

 money in hand photo
Photo by Mike Schmid

Sa pag-budget ng oras…
Importante ito. Pero nahirapan ako dito. Pero sinusubukan kong i-manage ang oras ko para sa trabaho, pamilya, pagkain, pagtulog, pagsusulat at pag-aaral (oo, nag-aaral ako! self study ng kung anong bagay na alam kong may kabuluhan para sa akin. Ano’ng ginagawa ni Google at Youtube? May mga pisikal activities pa like basketball at work-out kung minsan. Nadagdagan pa nga iyan dahil nahihilig na rin ako magbasa ng libro/e-book. (“Rich dad Poor dad by Robert Kiyosaki” – ito ‘yung unang librong natapos ko dito). Mahirap kapag masyadong malikot ang kukote mo sa pag-explore sa maraming bagay. Kulang iyong 24hrs na ibinigay sa iyo para magawa lahat ng iyan.

Sa ngayon ay 7 months na akong nandito sa malayong lugar. Malayo sa pamilya at umaasang magkakaroon ng magandang kahihinatnan ang ano mang pinaghihirapan.

-LumangTao-

 

About LumangTao

writer/blogger/investor/stocktrader. kung gusto nyo matuto how to invest sa stock market. visit nyo po ako. https://lumangtao.blogspot.com Salamat! #LumangTao