Ang Transnasyunalismo sa awiting “1995” ng Eraserheads

Ang hegemonya ng OPM ay nakasentro sa Maynila noong dekada nobenta. Binago nito ang panlasang Pilipino para sa alternatibong awit. Nagsulputan ang mga banda, ballad artists, rappers at halos lahat ng genre sa musikang Pilipino.

Kasagsagan ng mga cassette tapes, mga maliliit na concerts, mga music videos at mga TV guestings ng mga kilalang OPM artist ang dekadang ito. Dekada nobenta rin maaalala si Thalia, na isang Meksikanang artista na gumanap sa primetime show na Marimar na nakilala sa TV. Siya ang umawit ng cover version ng “Nandito Ako” ni Ogie Alcasid na hanggang ngayon ay may pinakamataas na naibentang album sales of all time. Dito rin sa dekadang ito makikita sina Francis M, Eraserheads, Rivermaya, Jose Mari Chan at mga tanyag na musikerong nagbago sa musikang Pilipino. Kung sisipating mabuti, tunay ngang epitomya ng musikang Pilipino ang dekada nobenta na kailanman, hanggang ngayon ay hindi pa rin naibabalik.

Ayon sa Wikipedia, sa loob ng dalawang dekada ay makikitang hindi purong Pilipino ang tinangkilik ng mga Pilipinong nakikinig sa OPM. Makikita si Thalia, ang Westlife at si David Pomeranz noong dekada nobenta. Ibig sabihin, malakas ang OPM ngunit may pagbabago na sa panlasang Pilipino.

Hindi naman maipagkakaila na noon pa man ay nakikinig na ang mga Pilipino sa kanluraning musika ngunit ang dekada nobenta ay nagsilbing dekada na masasabing “pinakabuhay” ang OPM.

Kung titingnan sa pangkasalukuyang konteksto, sinakop na tayo nang tuluyan ng iba’t ibang mga dayuhan. Hindi sa giyera kungdi sa panlasa sa musika. Umusbong ang R&B, K-Pop at Country Music na nag-ugat sa ibang bansa. Sa mga kabataan ngayon, hindi na ito bago dahil ito ang kanilang kinagisnang awitin. Nakita ito lahat ni Ely Buendia sa awitin ng Eraserheads na “1995”. Muling nagsama-sama ang banda upang pagbigyan ang Esquire Magazine at naglabas ng dalawang bagong sulat na awitin na naisama bilang promo cd. Sa awiting ito, tinipak-tipak ng banda ang hinaing ng isang musikerong naniniwala pa rin sa dekadang pinakabuhay ang eksena ng OPM. Binanggit din ni Buendia ang diaspora ng paglipat ng mismong mga talento papunta sa ibang bansa upang doon makihalo at ipakita ang talentong Pilipino.

1995: Ang Angst ng Musikerong Sawi

Ayon sa awit:

“Saan, saan na napunta/ Kislap ng iyong mata/ Maibabalik pa ba?”
Sa persona ng isang musikero, siya ay nagtatanong kung nasaan na ang kislap ng mga mata ng kinakausap nito. Idinaraing din niya kung maibabalik pa ba ito. Dito, ginamit ni Buendia ang konotasyon ng kislap sa langit bilang pagkinang ng isang bituin. Tanyag at kilala. Tinitingala. Hinahanap niya ang posibilidad na maibalik ito dahil sa kasalukuyang panahon ay hindi na niya ito nakikita.

“Ngayon, ang langit ay bughaw/at siya’y sumasayaw/ako’y nasisilaw.”
Sa paggamit ng persona ng langit, binanggit nito na bughaw na ang langit na ibig sabihin kung babasahin nang literal ay wala nang araw, makulimlim ngunit kitang kita. May tinukoy siyang sumasayaw at ikinasilaw niya ito. Ang binabanggit ng persona ay ang kasagsagan ng panibagong uri ng musikang siya mismo ay nalalakihan at nahihirapang makita kaya ito ay ikinasilaw niya. Ito ay ang kanluraning musika. Sa pagsayaw nito na ang ibig ipahiwatig ay mas buhay at mas kapansin-pansin, hindi ito nagkaroon ng magandang impresyon sa persona.

“Sa labas, sila’y naglalaro/hindi makatayo/sinong sasalo?/ooooh..”
Ang tinutukoy ng persona na “labas” ay ang ibang bansa. Ang “paglalaro” na tinutukoy sa taludtod na ito ay ang pagtugtog at pakikipagsapalaran. Pagsubok sa maraming posibilidad. “Hindi makatayo” ay isang pang-uyam at awa ng persona sa mga nagtungo roon na kahit anong gawin nila ay hindi sila maaaring makapagtatag ng sariling timplang Pinoy. At sa awa ng persona, nagtanong siya kung sino ang “sasalo”, sino ang makikinabang at tatangkilik. Ito ay isang kataga ng unti-unting kawalang pananalig sa akto ng paglagalag sa ibang bansa upang doon ipakita ang galing at subuking magtatag ng musika.

“at kung hindi naman sa’yo ay huwag mong angkinin/diyan ka magaling/ngayon ang langit ay bughaw/ at siya’y sumasayaw/ nabulag sa araw”
Tinutukoy ng persona sa mga linyang ito ang mga Pilipinong nanatili rito sa Pilipinas ngunit hindi pa rin gumagawa ng sariling musika. Dahil sa pagkauso ng mga cover songs na pinauso rin ng ibang bansa, nanghihiram na lamang ng mga awitin ang maraming musikerong Pilipino at mas itinutuon ang pansin sa paglikha ng hindi sa kanila. Muli, binanggit ni Buendia ang langit at pagsayaw, ngunit sa pagkakataong ito ay “nabulag” na sa araw. Dumating ang araw sa pagiging makulimlim ng langit at ito ay ikinabulag ng mismong tumangkilik nito. Para sa persona, tuluyan nang nabura ang OPM at nabahiran na ito ng iba’t ibang timpla. Ikinabulag ito ng marami dahil naniwala ang mga tagatangkilik at mismong mga nanggagagad ng mga awiting ito na normal lamang ang eksenang ganoon.

“Pwede bang sunugin ang tulay/Ayokong sumabay/sinong papatay/ ako’y naghihintay../
Gumamit ang persona ng isang analohiya ng isang tulay. Pilit ginagamit upang makatawid sa isang malaking espasyong nakapagitan sa dalawang lugar. Ang akto ng galit o angst sa ‘tulay’ na nagpapatawid sa mga Pilipino upang tuluyang kalimutan ang sariling timpla at lumipat sa kabila ay nais niyang sunugin. Gusto niyang maputol ito at siya rin mismo ang nagsabi na ayaw niyang sumabay sa pagtawid. May bahagyang paghiling mula sa ibang tao na patayin ang walang hanggang koneksyon ng mga Pilipinong musikero at kanluraning impluwensiya. Sa huling bahagi ng awit bago magkoro, binanggit ng persona ang kanyang paghihintay sa isang bagay.

“Sa ninety-ninety-five / Ninety-ninety-five..”

Malinaw na nais ibalik ng persona ang taong 1995. Nais ito ibalik ni Ely Buendia dahil bukod sa personal na tagumpay ng Eraserheads na nakapagbenta ng album na Cutterpillow na isa sa pinakamalaking album na naibenta sa kasaysayan ng OPM, alam ni Ely Buendia na ito ang panahon ng totoong kislap at katanyagan ng musikang Pilipino. Alam niya ang panahong ito ay nagdulot ng tagumpay para sa nasyon at sa tumangkilik nito. Ito ay isang awiting puno ng nostalgia at pag-asa.

Patuloy ang Paghihintay

Ito ay isang hinaing ng musikerong hindi maunawaan at matanggap ang penomenong nangyari sa musikang Pilipino. Malinaw na naipakita ang pagbabagong transnasyunalismo. Bukod sa album sales ng kasaysayan ng Pilipinas, isang malaking katotohanan ang epekto ng migration ng musikang Pilipino. Hindi man ito nagkaroon ng magandang epekto sa bansa para sa mata ng mga purista, para sa akin ito ay isang pagbabagong kailangang tanggapin.

Ang panghihiram, panggagagad, paglipat at pag-awit ng mga awiting dayuhan ay malaking bahagi na ng kulturang Pilipino at kailanma’y walang posibilidad na mawala at matanggal. Sa panahon ngayon, malakas at natabunan ang paglikha ng sariling mga awit, ngunit para sa akin, hindi pa rin nawawala ang pag-asa kong makinig at makitang muli tayong makababalik sa dekada nobenta, o sa taong 1995 na kung saan nasa atin ang kislap, at hindi na natin kailangang manghiram.

Ang awiting 1995 ay maaaring mapakinggan sa YouTube.

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com