Ang Tatay Ko

 

Ang Tatay ko, suplado pero magaling magluto, maglaba at magplantsa. Kahit noong buhay pa ang nanay ko, Tatay ko na ang nakagisnan kong gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Kaya nang mamatay si Nanay, hindi  na siya nahirapang asikasuhin kami.

Kung sa pagpapaputi lang naman ng damit, ilalaban ko ang Tatay ko. Pati sa pagplantsa ng uniform ko, ‘di mo aakalain na ulila na pala ako sa ina. At sa pagluluto, mananaba ka nga talaga sa sarap ng mga ulam na luto niya. Sabi ko nga, sa kanya ko tiyak namana ang hilig ko sa kusina.

Ang Tatay ko, matigas ang ulo pero sweet.

Naalala ko pa noon, madalas siyang sawayin at pagalitan ng mga Auntie ko, pati ni Lola kasi nga, pag nayaya na sa inuman, hay naku, parang wala nang bukas. Kahit nga kapag nagluluto, tagay nang tagay habang ako rin tagay nang tagay ng Coke kasi iyon ang chaser niya.

Isang gabi, hintay ako nang hintay sa pag-uwi niya, madaling araw na, wala pa. Grabe kasi ang naging trauma ko nang mamatay ang Nanay ko, kaya hindi ako natatahimik hanggang hindi nakakauwi sa bahay si Tatay. Inumaga na ako sa kahihintay, wala si Tatay. Nakipag-inuman na naman. Nagtampo ako. Hindi ko siya inimik.

Kinabukasan, pag-uwi ko ng bahay, may “love letter” ako galing sa kanya. Sinulatan niya ang pinto ng bagong-bago naming ref. Nagso-sorry. ‘Di na daw mauulit (siyempre naulit pa rin). Nawala ang tampo ko sa “sweetness” ng Tatay ko. Kaso, natagalan bago nabura ang “love letter” niya  sa ref kasi permanent pen ang ginamit niya.

Ang Tatay ko, ‘di kaguwapuhan pero magaling pumorma.

Alam kong mahal na mahal niya ang Nanay ko. Hindi maitatanggi iyon. Pero nalulungkot din siya. Kailangan niya ng kasama. Kaya siguro ang sipag manligaw ng Tatay ko. Lahat ng mga sulat na para sa mga nililigawan niya, sa akin niya ipinapa-mail. Nagtataka siya dahil ni isa, walang sumagot sa sulat niya.  Ang hindi niya alam, ni isa, wala akong inihulog sa post office. At kung meron mang nagtangkang sumulat sa Tatay ko, nabasa at napunit ko na ang sulat bago pa mapasakamay niya.

Nang malaman ni Tatay na ganun ang ginawa ko, napagalitan ako nang husto. Umiyak ako. Ang sabi ko sa kanya, ayaw kong may mamahalin siyang iba bukod sa amin. Ang sabi, niya, kaming magkakapatid lang ang mamahalin niya nang husto at walang kapantay. At totoo iyon. Walang katulad na pagmamahal ang ipinadama sa amin ni Tatay. Pero nag-asawa siyang muli. Na alam ko, sa bandang huli ay pinagsisihan din niya.

Ang Tatay ko, iyakin pero tunay na lalaki.

Hindi biro ang magpalaki mag-isa sa tatlong anak. Maraming beses, nakikita ko si Tatay, umiiyak. Hindi niya sinasabi kung bakit basta, umuuwi na lang siya sa bahay at gigisingin kaming magkakapatid at saka kami yayakapin nang mahigpit na mahigpit. Matagal niya kaming yayakapin na para bang sa amin siya kumukuha ng lakas o pag-asa sa kung ano man ang pinagdaraanan niya.

Ngayong magulang na rin ako, at kahit hindi ko nalaman kahit kailan kung ano ang dahilan nung mga tagpo na iyon, naiintindihan ko na siya. Sa mga anak ko na rin ako kumukuha ng pag-asa at lakas para lumaban sa buhay.

Ang Tatay ko, mahirap lang, pero sosyal.

Tama, sosyal sya kasi, siya ang una kong English teacher. May tindahan kami noon, at doon, habang nagtitinda siya, “English speaking” kaming dalawa habang nag-uusap. Masyadong mataas ang standard ni Tatay pagdating sa pag-aaral. Ang gusto niya, pinakamagandang edukasyon para sa mga anak niya. Kahit mga test papers ko, dino-double check niya pa at baka daw tama ang sagot ko pero minarkahan ng mali ng teacher ko.

Lahat ng kailangan namin sa school, binigay niya. Noong mag-college na ako, nainggit ako sa mga kaibigan kong nagtatrabaho habang nag-aaral. Ang gusto ko lang, magkaroon ng sariling pera. Kaya sabi ko kay Tatay, gusto kong mag-working student. Nagalit siya. Masuwerte daw ako, at tinutustusan niya ang aking pag-aaral . Kaya niya daw akong paaralin. Mag-aral lang daw ako. Mas mahalaga daw ang kinabukasan ko.

Iyan and Tatay ko.

Marami siyang mga kahinaan. Maraming naging pagkakamali. May mga naging kapalpakan din. Pero mahal ko siya. Ipinagmamalaki ko siya. Masuwerte ako, kasi siya ang Tatay ko.

Pero wala na si Tatay.

Mahigit isang taon na mula nang siya ay mamatay.

Masaya ako. Kasi hindi na siya muli pang mahihirapan. Maraming taon din siyang pinahirapan ng sakit niya. Alam ko, hindi lang niya sinasabi noon,  hirap at pagod na siya. Pero kahit na anong gawin ko, nalulungkot ako kasi kahit kailan hindi ko na siya makakakuwentuhan. Hindi ko na makakabiruan. Hindi ko na mayayakap at mahahalikan.

Ang Tatay ko, malayo sa pagiging perpekto. Sino ba ang may amang perpekto? Wala rin namang anak na perpekto. At kahit pa ano ang sabihin ng iba, “Da best” ang Tatay ko!

About Joy Rebanal-Laygo

Residente ng ibang bansa, Pilipino pa rin sa puso at diwa. Isang anak, kapatid, asawa at ina. Walang pakialam sa sasabihin ng iba.