Ang Taong Gipit, Sa Bading Kumakapit ( A Story of A Painful Struggle)

Hard Times (Photo Credit:: familyfare.blogspot.com)
Hard Times (Photo Credit:: familyfare.blogspot.com)

Hatinggabi na nang umuwi si Bartolome, 25years old, matangkad, gwapo,matikas at macho, 5’9 ang tangkad. Hindi mapagkakailang siya ay lapitin ng mga babae sa kanilang lugar. Sabi nila, siya ay my magnet na humahatak sa mga kababaihan. Napapalingon kahit ang  bading at napapatitig kahit na nga mga tibo. Ganun siya kagwapo. Iyon nga lang, sayang si Bart (palayaw niya). Hindi kasi siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan.

Maaga siyang naulila sa edad na 13.  Dahil siya ang panganay,  kinailangan niyang tumigil para mamasukan.  Marami na siyang pinasukan. Naging  carwash boy, nangalakal, maging pagtitinda ng basahan ay nagawa na niya.

Laking kalye si Bart. Marami siyang katropa at kainuman. Mga basag-ulo at madalas napapasabak sa gulo at bakbakan sa kanto. Palibhasa siya ang leader ng mga kanto boys at sunog baga sa tindahan ni Aling Puring. Kaya ayon, madalas din siyang naaabutan ng mga kapatid niyang sina Mike, 18 years old at Jane, 16years old. Pero kahit na madalas siyang napapasabak sa gulo, kahanga-hanga si Bart dahil naitaguyod niya ang kanyang buhay na mag-isa, at napa-aral niya ang kanyang mga kapatid sa kanyang pagsisikap.

Isa siyang tricycle driver at ang kinikita niya,  iniipon niya dahil sa susunod na pasukan, college na si Jane. Pangarap daw kasi ng kapatid niya maging nurse. Kaya kahit mahirap lang sila, nagsusumikap siyang na mapag-aral ang bunso niyang kapatid. Araw-araw itong naglalaan ng  sampung piso para sa lotto. Umaasa siyang mananalo.  Baka sakaling swertehin ito at matutupad ang pangarap niyang yumaman.

Nang gabing yon nagmamadali siyang umuwi, nabalitaan niya kasi may nangyaring masama sa kapatid nitong si Jane. May sakit na hemophilia si Jane.  Hinimatay ito at sinugod sa hospital. Pagdating niya ng bahay,  wala ang kapatid niya kaya’t napagtanto nito na totoo nga ang nasagap niyang balita. Kaya’t pumunta agad ito sa hospital at doon niya nakita ang umiiyak ng kapatid na si Mike.

”Mike, nasaan na si Jane?” tanong nito sa kapatid niya na hindi halos maipinta ang itsura.

‘Kuya Bart, nasa ICU nawalan siya ng dugo kaya nag-collapse.  Kailangan daw masalinan ng sampung bag ng dugo.”

Parang binagsakan ng langit si Bart sa narinig.

”Ano? Sampung bag ng dugo?”

”Opo Kuya, humingi na sila ng limang libong down kanina, wala akong maibigay kaya nangutang ako sa kapitbahay pero  dalawang libo lang ang nahiram ko.”

Hindi lubos maisip ni Bart na mangyayari ang ganito sa kanila.  Ito ang unang pagkakataon na humarap siya sa ganitong sitwasyon mula noong pumanaw ang magulang nito. Wala siyang magawa kundi umalis at maghanap ng paraan. Umalis agad ito at sa unang pagkakataon, pumasok ito ng simbahan at mataimtim na nagdasal para sa kaligtasan ng kanyang kapatid.

“Diyos ko po, tulungan mo ako na makahanap ng paraan para mailigtas ang kapatid ko.  Gagawin ko po lahat para matupad ang pangarap niyang maging nurse.”

Agad na lumabas ng simbahan si Bart at nagpahangin sa park. Naupo siya at nakayuko nang napansin nitong may huminto na pulang kotse sa kanyang harapan. Isang mayamang bading na naghahanap ng panandaliang aliw.

”Hi Papa, pwede ka ba?”

Dahil mainit ang ulo ng maangas na si Bart, nasigawan nito ang bading.

”Huwag mo akong matawag-tawag kung ayaw mong makatikim!!”

”Eto naman nagtatanong lang.  Sayang, gwapo kapa naman.” Biglang isinara ng bading ang bintana ng kotse nito at umalis.

Si Bart naman ay napapikit na lamang at tuloy sa pag-iisip nang nilapitan siya ng isang magandang babae, sexy at nakapostura.

”Hi,pogi.  Bago ka dito no?”

Hindi kasi madalas na nagtatambay si Bart sa park kaya hindi niya alam ang mga nangyayari dito.

“Hi,Pogi.  Ako si Karen ,Kar for short pwede ring Ren.” Sabay tawa ito at umupo sa tabi ni Bart.

“Ako Si Bart. Tumambay lang ako para magpahangin, ikaw?”

“Sabi ko na nga ba, bago ka lang dito, kaya tinanggihan mo si Aloha.”

“Sinong Aloha?”

“ Si Aloha ang bading na mayaman na tumawag sa’yo kanina.”

Hindi alam ni Bart na pokpok pala si Karen at napagkamalan naman siyang lalakeng nagbebenta ng aliw.

”Anong tinanggihan?”

“Bakit hindi mo ba alam na malaki magbayad yun? Hindi bumababa sa limang libo ang binibigay niya at pag nagustuhan ka,  ibabahay ka pa.”

Naisip ni Bart ang kapatid nitong nakaratay sa hospital, kaya’t napaisip siya sa sinabi ni Karen. Umalis na lamang ito.

Bumalik si Bart sa hospital . Kinumusta niya ang kanyang kapatid.

”Mike, kumusta na si Jane?’

“Kuya,  hindi pa nagising.  Kailangan daw maghanap ng dugo para masalinan siya agad.”

Bumalik si Bart sa park at hinanap si Karen.  Sa pagkakataong ito,  papasukin niya ang isang gawaing ngayon lang niya gagawin dahil wala siyang mahanap na paraan. Pero wala na si Karen, umalis na ito at sumama sa customer niya. Napanghinaan na ito ng loob nang  biglang bumalik si Aloha at kinausap si Bart.  Sumakay agad ito sa kotse at nag check-in sila. Nang gabing yun, binigyan siya ng sampung libo, kaya binigay agad ito sa kapatid na si Mike. Pero hindi lang sampung libo ang kailangan niya. Kaya nang sumunod na gabi, pumunta ulit ito sa park at hinanap si Aloha. Nasundan pa ang mga pangyayari hanggang sa gumaling nga ang kapatid niya.

Tuloy parin ang lihim nilang pagkikita ni Aloha. Nagtataka ang mga kapatid nito kung saan siya kumukuha ng pera. Dumating ang araw na gusto na siyang ibahay ni Aloha.

”Aloha, hindi pwede yan.  Hindi alam ng mga kapatid ko kung anong mayroon tayo.”

”Ipaalam mo, Bart.  Mahal na kita.  Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo, pangako.”

Naisip ni Bart na kailangan niyang tuparin ang pangako nito sa kapatid niya na pag-aralin ng nursing at si Mike naman ay engineering. Kaya’t nagsinungaling siya sa mga kapatid.  Diumano ay mag a-abroad ito. Akala ng mga kapatid niya pupunta siya ng Saudi.  Yun pala sumama ito kay Aloha sa Amerika. Ginawa niya ang lahat para makatapos ng pag-aaral ang mga kapatid niya. Nagpapadala ito ng 50 thousand, buwan- buwan.  Umasenso ang buhay nila sa tulong ni Aloha. Pagkatapos ng  dalawang taon umuwi siya sa bahay na binili niya para sa mga kapatid.

Gusto na niyang makipaghiwalay kay Aloha pero ayaw siyang pakawalan nito kaya nag-away sila. Nasaksak siya ni Aloha at isinugod siya sa ospital.  Sa pagkakataong ito, siya naman ang nangailangan ng dugo. Nagulat ang mga kapatid niya at may naipon itong halos na limang milyon na bigay lahat ni Aloha.  Nalaman na rin ng kapatid niya ang relasyon ng dalawa. Pinatawad niya si Aloha sa nagawa nito sa kanya.

Sa hospital, laking gulat niya na nakita niya si Karen. Ang dating G.R.O ang siyang nurse na umaasikaso sa kanya.

”Hi Karen.  Nurse ka na pala?”

“Oo,  di ba ikaw si Bart? Naalala pa kita. Anong nangyari?  Sino ang sumaksak sa’yo?”

‘Si Aloha.”

“Huh? Aloha, ang mayamang bading?”

“Oo nagkaroon kami ng relasyon.  Gusto ko nang makipaghiwalay pero ayaw niya.”

Nag-usap ang dalawa at doon nalaman ni Bart na kinailangan lang pala ni Karen na makapagtapos kaya siya pumasok sa ganoong trabaho dati. Nalaman na rin ni Karen ang kwento ni Bart at sa  dalawang linggo na naka-confine si Bart,  na in love ito kay Karen.  Ganun din naman ang dalaga. Nagkagustuhan ang dalawa at naging sila. Ang mga dating nagtatrabaho na kapit sa patalim at nagbibigay-aliw, ay natagpuan ang isa’t isa.

Walang nakaalam ng lihim ng dalawa maliban sa mga naging customer nila. Bumalik si Aloha ng States at pinalaya na si Bart.  Masaya na si  Bart sa piling ni Karen.

After 3 years, nalaman ni Bart na namatay si Aloha dahil sa AIDS. Buti na lamang at hindi siya nahawaan at nakipaghiwalay na ito agad. Pero mabait si Aloha at pinamana kay Bart ang ari-arian nito. Yumaman siya at nagpakasal sila ni Karen. Tumira sila ibang bansa at nakapagtapos naman ng pag-aaral si Mike at si Jane.

About mjsweetiecarreon

My writings are filled with angst. Deep emotions and a wild imagination are a source of creativity. It is powerful and consuming. I like to entertain people through my stories. Life is one colorful rollercoaster ride . http://www.facebook.com/maryjoy.carreon.9