Ang Talambuhay ni Cleo: Pira-pirasong Pangarap (Part 22)

cryingAng first day sa pagiging isang graduating student ay ordinaryo lang, ngunit yung moment ng paghakbang ko sa loob ng classroon ni Mrs. Diamante ay parang may kakaiba akong naramdaman. Kagaya ng tanawin sa isang pampublikong paaralan, hindi na bago sa akin ang jam packed na classroom, maiingay na estudyante at maalinsangang silid. Pinagdadaanan ko na yan simula pa noong elementary days.

Ang hindi bago sakin ay ang teacher at adviser namin na si Mrs. Diamante. May naramdaman akong tila kakaiba sa kanya. Matiim siyang tumitig at malumanay siya magsalita. Kapag lunch break ay palagi ko siyang nakikita sa classroom namin, tila ayaw man lang nitong makihalubilo sa kapwa niya teacher sa maliit na canteen ng school. Lihim akong na curious sa kanya.

Bagamat palakaibigan ang teacher ko ay nanatili akong nakamasid lang sa kanya. Sa literal na pagkakasabi, nakikita nya ako, pero hindi kami nabigyan ng pagkakataong makilala ang isat-isa. Nakikinig ako sa lecture nya, nakikinig ako sa mga kwento nya. Kapag nagkakasalubong kami ay nginingitian nya ako habang ako naman ay tumugon din ng isang nahihiyang ngiti.

Halos lahat na ng mga kaklase ko ay “kaibigan” nya, at ayoko nang makipagkumpetensya sa atensyon nya. Nanatili akong nasa likod ng limelight at nagmamasid.

Isang Lunes  na pumasok ako sa classroom ay may napansin ako na nakasabit sa pinakataas na parte ng blackboard, kagaya ng napansin ko dati na larawan ng isang kalabaw  noong  unang baitang ko sa elementarya. Kapansin pansin ang nakasulat doon dahil bukod sa bago pa iyon nakadikit ay kapansin pansin din ang laki ng mga letra. Pinalitan ni Mrs. Diamante ang dating nang nakasulat na quotes na hindi ko man lang napansin kung ano ang nakasulat doon. Ito ang bago kong nabasa sa dingding.

“If you have that flame of a dream deep down inside you somewhere, thank God for it, and do something about it. Don’t let anyone else blow it out. Keep hoping! Keep trying! The sky is the limit.”

Buong araw ay iyon ang laman ng isip ko.

May mga taong bigla na lang dumarating  sa buhay natin para tulungan tayo sa  paglinang ang ating mga kakayahan, malaman ang mga kaya pa nating gawin, at matanggap ang ating mga kahinaan. Sa kaso ni Mrs. Diamante, hindi sya naging malapit sa akin, maging ako ay hindi napalapit sa kanya. Pero malaki ang naging impact ng quotes na nabasa ko mula sa araw na yon dahil kahit na hanggang ngayon ay napanatiling sariwa  sa isip at puso ko ang ipinapakahulugan ng bawat kataga nun. Naging inspirasyon ito sa akin upang patuloy na tahakin ang landas na kasalukuyan kong tinatahak ngayon.

Kalat na ang dilim sa paligid nang baybayin ko ang maalikabok na kalsada, pauwi sa  tapahan. Huwebes noon at may CAT kami kaya ginabi ako ng uwi. Nag-aalala ako dahil siguradong sermon na naman ang aabutin ko sa nanay ko. At nang medyo malapit na ako sa tapahan ay hindi nga ako nagkamali. Inilapag ko ang bag ko sa upuan at tahimik akong nagbibihis habang walang humpay na nagsesermon ang nanay ko sa kapatid kong si Ben.

Nagugutom ako at napapagod at wala ako sa mood nun. Isa yun sa pinakamaraming araw na parang hinalukay ang isip ko sa dami ng mga naglilitawang imahinasyon at ideya. Madalas ay basta na lang akong nakakapag-isip ng mga bagay bagay maging ang mga bagay na wala namang kinalaman sa kasalukuyang sitwasyon. Lumilipad ang isip ko at hindi ko alam kung bakit.

Tila nagising naman ako  sa kasalukuyan sa pamamagitan ng isang kalabog ng kaldero at mga plastic na plato.  Ang kapatid kong si Ben ay padabog na naghahagilap ng kung anong makakain sa aming maliit na kusina na gawa sa kawayan. Nagtaas ng boses ang nanay ko habang walang kasawa sawang nagtutungayaw. Sa patuloy na pakikinig ay naintindihan kong ang kinagagalit ng nanay ko ay ang madalas nitong pag-alis sa tapahan. Madalas ay tahimik lang ang kuya ko kapag pinagsasabihan siya at walang sabi sabing umaalis. Pero ngayon, narinig ko ang galit nyang pagsigaw.

“Bakit? Sino ba naman ang tanga na gustong manatili sa pesteng bahay na to? Ni hindi ko nga alam kung bahay ba na matatawag to eh. May bahay bang may malaking yungib sa gitna at sinisindihan ng apoy para magluto ng copra? Na kapag kelan gustong gamitin ng may-ari ang letseng tapahan na to ay tameme kayo. Natural, hindi naman inyo to eh. Umaasa lang kayo sa iba. At  kapag gabi, sa kasarapan ng tulog ko ay gigisingin ako ng pagtulo ng ulan? Pesteng buhay na to!”

Napahinto ako sa aking pagbibihis at nabigla sa tinuran ng kuya ko. Patuloy parin ang pagtutungayaw ni Nanay sa gumagaralgal na boses pero noon ay hindi ko yun pansin. Naiirita ako dahil madalas naman kasing manirmon si Nanay. Mga bagay na paulit-ulit nyang sinasabi kagaya ng “Palibhasa malaki na kayo at matatag na ang mga buto nyo sa katawan kaya ganun na lang kayo kung sumagot sakin. Pero noong mga musmos pa kayo ay inalagaan ko. Binihisan. Pinapakain. Tiniis ko lahat ng hirap, maitaguyod ko lang kayo ng maayos.”

Sa puntong yon ay iba ang pagkakaintindi ko sa sinabi ni Nanay. Sinusumbat nya sa amin ang mga paghihirap nya upang alagaan kami. Upang maitaguyod at  mapalaki kami. E di nga ba’t sariling desisyon nila ni Tatay ang bumuo ng pamilya? Wala pa kami nun. Kaya sila ang may pananagutan kung ano man ang mangyari sa pamilyang binuo nila.

Hindi ko alam pero parang sinaniban ako ng maitim na espiritu. Dahil nagbuhos ng hinanakit ang kuya ko ay parang naramdaman ko na may kakampi ako sa mga hinanakit ko sa mga magulang ko. Mga hinanakit na sa umpisa ay isang simpleng tampo lang- sa kadahilanang  hindi ako kayang bilhan ng tatay ko ng white rabbit araw-araw-hanggang sa ang damdaming inalagaan ko ay lumago at naging sama ng loob.

Sama ng loob dahil hindi ako magkaroon ng mga bagay na gusto kong magkaroon. Dahil araw-araw akong nagbabaon ng kaning mais at pinagtatawanan ako ng mga kaklase ko. Dahil sira na at punit ang sapatos na pampasok ko sa school. Dahil araw-araw akong naiinggit sa mga kaklase ko na palaging may baon kahit hindi man lang katalinuhan. Dahil lihim akong nag-asam na sanay mag-iba ang takbo ng buhay ko. Na sana’y iba na lang ang pamilya ko, na sana hindi sila ang mga magulang ko. O kaya naman ay hindi ako si Cleopatra Kumandang. Sana’y hindi ako naghihirap ng ganito.

Ang pagbubunganga ni Nanay ay napunta sakin. Bakit daw ako ginabi? Ano ba daw ang ginawa ko sa school? Mabuti pa daw ako dahil nasa school lang at nag-aaral samantalang siya, anong ginagawa? Nag-

Pinutol ko ang sasabihin pa sana ni Nanay dahil sinagot ko siya.

“Bakit mo isinisisi sa amin ang paghihirap nyo? Ginusto ba namin to? Kayo may gusto nito ah!” sa pagitan ng pagbuntunghininga ay nagpatuloy ako. Parati ka na lang ganyan sa amin. Sa akin. Kahit nagsasabi ako ng totoo ay hindi kayo naniniwala. Kasalanan ko ba na gabihin ako? Nag-CAT kami!”. Kahit gusto ko nang umiyak ay hindi ko ginawa. Sa isip ko, “Ikaw ang may sabi sakin na bawal akong umiyak. Tandang tanda ko lagi mo akong pinapalo kapag umiyak ako. Kaya ngayon, nagtagumpay ka na. Hindi na ako iiyak.”

Natahimik si Nanay. Siguro ay hindi niya sukat akalain na magagawa kong magrebelde sa kanya. Siguro ay nasanay siyang tahimik lang ako at nagmamasid. Mahabang katahimikan. Tila nagkaroon ako ng pagkakataong suriin ang mga nasabi ko pero parang nabubulag ako sa magkahalong emosyon na nararamdaman ko sa mga oras na yon. Tumalikod si Nanay samin.

Madalas kong masaksihan ang pagsagot sagot ng kapatid kong si Carmina noon kay Nanay nung andito pa siya. Ngayon nasa Maynila na ito at nagtatrabaho bilang isang kasambahay. Dahil sa pagrerebelde at mga naipong samut-saring emosyon ay nahiling kong sana ay nasa Maynila na ako, hindi sana ako maghihirap ng ganito.

Mula sa mahabang pananahimik ay nagsalita muli si Nanay habang nakatalikod sa akin.Pabulong na lang yun at waring sarili na lang ang kausap nya. Pero kahit ganun ay naririnig ko parin ang bawat katagang sinasabi nya.  Ang kapatid kong si Ben ay kanina pa humaharurot ng alis.

“Naging katulong ako sa Bayan para hindi kayo magutom ng mga anak ko. Pinagpalit ko ang mga panahon na pwede ko kayong maalagaan dahil nakikita  ko na  sa ganung paraan  kayo mapapabuti. Hindi ko inaasahan na ganyang kayo kung makasagot sa akin na para bang kasalanan ko na ang pagiging mahirap natin”.

May maliit na burol malapit sa tapahan. Nakalimutan kong sabihin sa inyo. Sa bandang baba ng maliit na burol na kinauupuan ko ay makikita ang kalsada sa gilid ng palayan. Napaismid pa ako nang makita kong hitik na ng bunga ang palayan. Sa isip ko, abot-kamay namin ang kaning bigas, pero kaning mais parin ang kinakain namin.

Sa lugar na ito  ako nagpupunta kapag may mga nararamdaman ako. Madalas akong magpunta dun para mapag-isa at makapag-isip. Maraming bagay ang sabay sabay kong naiisip sa mga oras na yun. Sa dami nun, hindi ko na maisa-isa pa kung anu-ano ang mga yun. Basta bigla ko na lang naramdaman ang pagyugyog ng mga balikat ko. Sa simula ay mahinang hikbi hanggang sa lumakas ng lumakas habang walang patid ang pagdaloy ng luha sa mga mata ko.

(Itutuloy)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.