Ang Senado ng hindi nakakatawang Komedya

Photo Credit: GMA News

Ang privilege speech ni Senador Bong Revilla noong June 9 ay isang malinaw at nakakahiyang indikasyon kung anong klaseng mga pulitiko at ‘statesman’ mayroon ang ating kaawa-awang bansa.

Wala akong matisod kahit katiting na intelihensiya at sinseridad sa mga binitawan niyang mga salita, gaano man ang mga iyon kabulaklak, at para ka lang nanood ng isang pelikulang Pinoy kung saan ang pangunahing tauhan ay nakatuon ang pagganap para makakuha ng isang acting award.

Bawat bigkas ng mga kataga, kumpas ng mga kamay at mga buntong-hininga sa pagitan ng mga pangungusap, aba’y iisipin mong nabuhay muli si director Lino Brocka para itimon ang pelikula ni Bong Revilla.

Ang masaklap pa, sa ending ay bigla kang kakantahan ng videoke habang ipinangangalandakan ang kaniyang mga nagawa kuno bilang isang lingkod-bayan. Anti-climactic namang palabas ito!

Sa totoo lang, hindi ko maintindihan ang tunay na layunin ni Senador Bong sa pagbibigay niya ng isang privilege speech na hindi naman sumasagot sa mga akusasyon sa kanya. Wala ka talagang maisip na dahilan maliban na lamang para umapela sa damdamin ng mga tao at umani ng simpatiya sa pamamagitan ng pagproject niya bilang isang underdog – isang api na ginigipit ng isang makapangyariahang tao, ngunit nagpipilit maging mahinahon bago lumaban na kung saan sa kahuli-hulihan ay siya ang mangingibabaw na isang bayani.

Napanood ko na ito eh…ilang beses na, sa pelikula! At kahit kailan hindi ako naantig sa drama ng isang Bong Revilla, kahit pa sa sine. Mas magaling pa si Ipe sa kaniya. Mas kumbinsido pa ako sa talumpati in Ipe sa ‘Ka Hector’ kesa sa privilege speech ng kaniyang kaibigan sa senado noong Lunes.

Pilit kong nilalabanan ang sarili para huwag tuluyang mainis habang nakikinig kay Bong sa TV, pero hindi ko na yata nasikmura noong kunwari ay gumaralgal na ang boses niya at muntik pang maiyak sa kalagitnaan ng talumpati. Umusok na ang ilong ko nang subukan naman niyang magpatawa. Tapos sisinghot-singhot pa ang kaniyang asawa sa tabi?

Pero napuno na talaga ang pasensiya ko nang pinatugtog na niya ang theme song niyang “Salamat Kaibigan.”

Nanliliit na ako bago ko tuluyang pinatay ang TV sa unang minuto pa lamang ng kanta. Nahihiya ako para sa bansang Pilipinas kung mayroon man isang dayuhan na makakakita at mag-iisip kung ano ang pinaggagawa ng isang dapat ay kagalang-galang na mambabatas sa loob ng Senado.

Naakusahan na ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at nasampahan na ng kasong pandarambong, ngunit nakuha pang kumanta at umakting habang ang buong bayan ay nanggagalaiti na sa galit.

Isang insulto ang talumpati in Bong Revilla sa karangalan ng isa sa iginagalang na institusyon ng gobyerno. Isang insulto ang isang Bong Revilla sa Senado. Isang insulto sa mga Pilipino para isipin niyang maniniwala pa tayo sa kaniyang mga salita.

May halakhakan mang nadinig sa senado mula sa kaniyang mga kasamahan dahil sa kaniyang mga biro, pero tiyak akong walang Pilipino ang natawa dito. Lalo lang pinagtibay ni Bong Revilla ang pagdududa ng tao sa kaniyang kakayahan. Lalo niyang dinagdagan ang dahilan para magalit ang mga mamamayan sa kaniya at sa kaniyang walang kuwentang talumpati.

Ang privilege speech ni Bong Revilla ay isang komedya, isang komedyang hindi nakakatawa!

Author: necessary_evil of the DFBI family

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl