“Ang Putopao”

Imahe mula sa beautycoladablog

“Speech! Speech!” hiling ng mga bisita sa lalaking nakaupo sa gitna ng mahabang lamesa.

Kaibigan ko ang lalaki, si Walter. Siya ang nanalong mayor dito sa amin noong pinakahuling eleksiyon. Inimbitahan niya ako sa kanyang Victory Party na ginanap sa bahay niya kaya naroon ako at saksi sa kanyang kasiyahan at ng kanyang mga supporters.

“Klap, klap, klap, klap.” Masigabong palakpakan ang sumasalubong sa bawat puntong sinasabi ni mayor. Nakikipalakpak din ako bagaman hindi ako masyadong nakatuon sa kanyang speech dahil narinig ko na iyon noong panahon ng kampanyahan. Ang atensiyon ko ay nasa mga pagkaing nasa isang buffet table.

Ang mga pagkaing nakahain ay ang mga pangkaraniwan nang makikita sa isang simpleng handaan. Naroon ang kanin, pancit, lumpiang shanghai, fried chicken, lechon kawali, kare-kare at ilang minatamis.

Naintriga ako sa isang uri ng puto na natikman ko. Akala ko ay pangkaraniwang puto lang pero iba ang isang ito. May filling na karneng giniling. “Parang siopao,” sa isip-isip ko.

“Paborito ni Mayor ‘yan,” nagulat ako sa paglapit ng kusinera ni mayor. Napansin niya pala akong sinisipat-sipat ang hawak kong puto.

“Masarap at kakaiba. Ano ba’ng tawag dito?,” tanong ko sa kusinera sabay kagat sa putong hawak ko.

“Putopao.”

“Ahhh,” bigla akong naliwanagan. Puto at siopao na pinaghalo equals Putopao. Ang galing talaga ng mga pinoy mag-imbento.

“Madali lang ba gawin ‘to, manang?”

“Ay, napakadali lang. Simpleng-simple. Punta ka lang sa terminal ng jeep at sumakay ka papuntang Biñan, Laguna. Bago dumating ng Central Mall ay bumaba ka at maraming nagtitinda doon ng putopao. Bumili ka na lang.”

Si manang nagpapatawa hindi naman kalbo. Ang tanong ko kung paano gawin at hindi kung saan nakakabili.

Biglang may umakbay sa akin. Nang tingnan ko ay ‘yung isang re-electionist na konsehal. Hindi ko ibinoto ‘tong mama na ‘to pero nanalo na naman kahit walang kalatuy-latoy ang performance.

Nakikinig pala siya sa usapan namin ni manang. Sabi niya’y livelihood program ang tututukan niya ngayon at ang naisip niya ay turuang mag-negosyo ang mga tao. Isa sa naisip niya ay ang paggawa ng mga kakanin. May inabot siya sa aking isang manipis na booklet. Recipe book. Nandoon daw ang recipe ng putopao.

“Salamat, kons…hindi ako nagkamali ng pagboto ko sa’yo,” pagsisinungaling ko pero sincere ang pasalamat ko dahil sa recipe book.

Imahe kuha sa video ng Pagkaing Pinoy TV

Narito ang recipe ng Putopao.

Ingredients ng Puto

½ kg all-purpose flour
1/4 kg white sugar
2 ½ cups water
3 tbsp melted butter

Ingredients ng filling o topping na giniling asado

½ kg giniling na baboy
1 pc dahon ng laurel
1 pc maliit na star anise
½ cup toyo
½ cup water
125 g white sugar
1 tsp cornstarch
2 cloves garlic

Unang lutuin ang asadong giniling para gawing filling o topping.

Magpainit ng kawali. Habang pinapainit ito ay tadtarin ang bawang. Kapag mainit na ang kawali ay ilagay ang lahat ng sangkap at haluin ng mabuti hanggang lumambot na ang giniling.

Hindi kailangang igisa ang giniling sa mantika upang hindi ito maging malutong. Lutuin lang ito sa tubig at toyo. Hayaang sipsipin ng giniling ang tubig at toyo hanggang matuyo ito. Alisin ang dahon ng laurel at star anise pagkatapos. Itabi muna ang nalutong asadong giniling.

Isunod ang paggawa ng puto.

Paghaluin ang arina, asukal at baking powder sa isang mixing bowl. Ihalo ang tubig at haluing maigi gamit ang wooden ladle hanggang matunaw na ang mga sangkap at maging smooth ang texture nito. Isama ang melted butter at muling haluin. Maaring gumamit ng mantika kung walang butter.

Isalin sa ounce-size na molde ang mixture.

Magsalin muna ng konting mixture (a quarter full) sa molde at maglagay ng isang kutsaritang asado. Magsalin ulit ng mixture hanggang sa halos mapuno na ang molde at matabunan ang asado. Maari din namang gawing topping ang giniling. Lagyan din ng hiniwang nilagang itlog at keso sa ibabaw.

Kapag nasalinan na ang lahat ng molde ay ilagay na ang mga ito sa isang steamer.

Steam for 30 minutes in boiling temperature.

Voila! Ready na ang putopao after steaming.

Masarap iterno ang putopao sa kahit anong malamig na inumin. Para sa akin, kahit tubig lang ang katerno ay ayos na.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.