“Ang pogi mo, ‘Dre!”

(Photo Credit: menshealth.co.uk)
(Photo Credit:  menshealth.co.uk)
(Photo Credit: menshealth.co.uk)

NASIPAT na naman ng lente ng mga mata ko ang mahangin at ma-epal na estudyante ng BS–Criminology na si Val. At gaya ang madalas nitong gawin, pasipol-sipol ito habang naka-headphone na pagkalaki-laki. Feeling pogi talaga. At lahat ng mga estudyanteng madaanan nito, kinakamayan at kinakawayan pa nito na akala mo isang hearttrob celebrity na may Mall Show. Sarap bangasan ang mukha at nang lalong mamaga ang namamaga na nitong nguso na mas makapal pa sa tapa. Hitsurang maski si hudas, babaligtad ang sikmura kapag ito ang kahalikan.

Ewan kung bakit ang taas ng self-confidence ni Val sa sarili. At ang masaklap, kung makapagyabang ng mga naging syota nito, hiyang-hiya si Willie R sa dami ng tsikas nito. Salamat sa pera. Dahil kung hindi, baka wala ni isa mang babae ang lalapit o mangangahas man lang na kausapin ang gaya nitong Hari ng yabang!

Anak mayaman si Val na ang mga magulang ay kilalang mga negosyante. Bukod sa nasusunod lagi ang luho nito, ay ‘di rin kataka-takang babae na mismo ang maghahabol rito. Kahit hitsurang ewan ang hilatsa ng pagmumukha. Kung puwede nga lang i-rekomenda kay Vicki Belo nang umayos-ayos naman ang pagmumukha. Pero sa isang mayaman na tulad nito, pogi na rin siya sa tingin ng mga kababaihan.

Madalas kong natitiyempuhan si Val na iba-iba ang mga babaeng isinasakay nito sa kotse nitong Ferrari. Iba-ibang mga klase ng babae na siyempre, ang karamihan ay mga magaganda at pamatay sa kaseksihan. Marunong ding pumili si kupal. Sabagay, tama nga namang masulit ang perang wawaldasin nito sa mga babaeng halatang pera lang ang habol kay Mr. Kupal.

Minsan, nagawi kami ng mga barkada ko sa disco. At kamukat-mukat mo, naispatan ko na naman si Val sa dance floor na may kasayawang tsiks na kung makalingkis, daig pa ang sawa. Sa isip isip ko, iba na naman ang syota ni kupal. At maya-maya lamang, naghahalikan na ang mga ito sa gitna ng dance floor. Napapalatak na napatingin na lamang ako sa kanila na napapangiwi. Buhay nila iyon at malaya silang gawin ang gusto nila. Kahit pa nasa pampublikong lugar sila. Walang basagan ng trip, ‘ika nga!

Nang sumunod na araw, iba na naman ang pinagyayabang na girlfriend ni Val sa buong university; ang muse ng buong Nursing department na si Maya. Maganda at maraming kalalakihan ang nagpapantasya rito at isa na ako doon. Jackpot si kupal! Pero bigla akong naawa kay Maya. Alam ko kasing dagdag lamang ito sa koleksyon ng mga babae ni Val. Na hindi seseryosohin at kapag nakuha ang gusto, ay saka ito iitsapuwerahin. Ganoon ang ugali ni Val pagdating sa mga babae. Babaerong palaka!

Hindi ko maintindihan kung bakit may mga babaeng nasisilaw sa pera na kahit ang katumbas nito ay ang kanilang puri at dignidad.

Sa modernong panahon ngayon, marami na sa atin ang praktikal kung mag-isip, mabuti man o sa masamang paraan. At ang nakabibilib sa lahat, kayang pagwapuhin ng salapi kahit ang pinaka-ngetpa na nilalang sa balat ng lupa. Na kapag mapera ang isang Adan, instant pogi na siya agad sa paningin ng lahat. Iba rin ang nagagawa ng pera para makuha mo ang isang bagay na gusto mo. Lalo na kapag may babae kang natitipuhan.

Sa madaling sabi…No Money, No Honey!

Pero kadalasan din, pera ang pangunahing dahilan kung bakit nag-iiba ang ugali ng tao. Nagiging mataas ang tingin ng iba sa sarili, na akala mo kung sinong Hari makaasta at ang matindi sa lahat, nagiging dahilan ng iba ang pera para yurakan at apakan ang mga taong nakakababa sa kanila.

At si Val na hari ng yabang, makatatagpo rin ng katapat balang-araw. Ng isang babaeng magpapaiyak rito at magmumulat na hindi lang pera pera ang mahalaga pagdating sa pagpili ng taong mamahalin.

Gusto kong sabihin kay Val…“Ang pogi mo, ‘dre!” Pero mas pogi sana siya kung babaguhin niya ang masamang ugali at ang trato sa mga kababaihan.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.