Ang Pocketbook ng Aking Buhay

Pocketbook (Photo credit: Analou-meandmydog)
Pocketbook (Photo credit: Analou-meandmydog)
Pocketbook   (Photo credit:     Analou-meandmydog)
Pocketbook (Photo credit: Analou-meandmydog)

Ako ay isang kabataan nang matutunan kong magbasa ng pocketbook, noong una parang nakakaboring itong basahin. Ngunit nang lumaon, ito’y aking naging  libangan. Hindi kumpleto ang aking araw pag hindi ako nakababasa nito..

Isa itong maliit na libro, na kasya sa bulsa. Tipikal ang daloy ng kuwento, Isang mayaman, at guwapong lalaki ang iibig sa isang dukha at magandang babae. Kadalasan, ito ay nagwawakas sa isang matamis na halik o sa isang masaya at engrandeng kasal, pagkalipas  ng lahat ng unos at pagsubok sa kanilang pag-iibigan.

Minsan naisip ko, nawa ang buhay ko ay nasa libro na lang na ito, sapagkat batid ng reader o sinumang nagbabasa nito, na sa huli, sa pagtatapos ng kuwentong ito ay isa sa matatawag na “Happy Ending”.

Malinaw pa sa aking alaala nang minsan na mahuli ako ng aking paborito at nirerespetong guro, na nagbabasa ako ng Pocketbook sa loob ng klase habang siya ay nagtuturo. Pasimple ko itong inipit sa aking libro, dahil sa maliit ito,  ay para lamang akong isang mabait na estudyante na nagbabasa nang taimtim.

Ako ay malapit na sa katapusan, at parang nakakaiyak itong itiklop at hintayin ang oras ng ‘break time’.   Halos kasing bilis ng tibok ng puso ko, ang tibok ng puso ng bidang babae sa librong aking binabasa. Nakikinita ko na ang katapusan ng kanilang pagmamahalan. Ngunit hindi ko namalayan na ang aking paboritong guro ay naglakad patungo sa aking likod at kanyang nakita na ako ay isang estudyante na nagpapanggap.

At kanyang tinuran, “Ikaw ay isa sa kabataan na batang mag-aasawa!” Sa aking murang kaisipan, ito ay tumatak, at dahil sa kahihiyan sa aking mga kaklase at guro, ako ay napayuko na lamang at pinipigilan ang pagtulo ng butil ng luha mula sa aking kanang mata. Hindi ko alam kung saan iyon nagmula, sa naudlot kong pagbabasa sa katapusan? O dahil sa kahihiyan?

Sa aking kaisipan nang mga panahong ito, “Kung ako man ay mag-aasawa ng maaga, sisiguraduhin kong ito ay parang pocketbook at ako ang bidang babae sa sarili kong ‘Love Story’.

Lumipas pa ang mga araw, buwan at taon, at araw na ng Pagtatapos sa Mataas na Paaralan. Ako ay labing-pitong taong gulang na, at kasama sa tropang NBSB. Na ang ibig sabihin ay, ‘No BF since Birth’.

Unang nabiyak ang puso ko sa sakit, nang nagmakaawa ako upang makapag- enroll sa kolehiyo. Ngunit sadyang mahirap ang buhay, hindi ito naganap.. At ito ang isa sa pinakamalungkot na taon ng buhay ko. Mabilis na lumipas ang isang taon, at nagkaroon ako ng pagkakataon na makapag-aral. Isang kurso, na pang anim na buwan lamang. Ngunit kay bilis lumipas ng isang taon, at ang anim na buwan na pag-aaral ay bitin. Nais ko itong ituloy sa pang apat na taon na pag-aaral. Ngunit malupit ang tadhana.. Wala nang pag- kakataon.

Dito ay naranasan ko ng magkaroon ng nobyo, ngunit sadyang mapaglaro ang pagkakataon. Akalain mo ba naman na, ang taong nobyo mo sa loob ng tatlong Linggo ay “Closet queen” pala! Malayong malayo sa karakter ng bidang lalaki sa pocketbook na aking patuloy na binabasa, na nang lumaon ay  aking naging inspirasyon sa aking paghahanap ng ‘Tuna’y na Pag-ibig.

Ito ay bukam-bibig sa isang teleserye na Marina. Ang paghahanap sa tunay na halik, na magmumula sa tuna’y na pag-ibig upang mawala ang sumpa ng pagiging sirena. Sa kabilang banda, nais ko namang ibigay ang aking unang “halik” sa aking ‘Leading Man’ sa aking mapalad na bidang lalaki, na bubuhay sa natutulog kong puso.

Katulad ng sa Pocketbook, ang buhay ng bidang babae ay naghihirap, miserable, ngunit punong puno ng pagmamahal mula sa kanyang pamilya. Yung tipong dumating na ako sa punto ng aking buhay na Diyos na lamang ang aking kakampi. Halos sa simbahan na ako tumira, kapag nakikita kong nahihirapan na ang mahal kong ina, kapag wala kaming makain, dagdag pa ang problemang pampamilya. Parang pakiramdam ko ay pasan ko lahat, ilang simbang gabi din ang aking nakumpleto kapalit ng aking walang hanggang mga wishes.

Kung bakit naman kasi, pagkatapos ng lahat ng bagyo at unos, darating din ang araw, na muling sisikat si haring Araw.

Isang araw naglibot ako sa aming bahay sa kabilang baryo, tuloy dinayo ko na din ang anak ng aking pinsan, sapagkat nalaman ko na dumating ang kanyang ‘BF’ na “puti”, at may kasamang pinsan. Tinawag ko ang anak ng aking pinsan, sa pagpasok ko sa maliit nilang sala, nakita ko ang dalawang “puti” na nakaupo, na ang ulo ay muntik nang umabot sa yero na bubong.

Ang isa ay parang kawayan sa tangkad, at katawan. Ang isa naman ay parang “Leading man” . Kung sa aking paboritong libro, ang kadalasang deskripsyon ay “Tall dark and Handsome”, siya naman sa aking paningin ay “Tall White and Handsome”.  Parang sa pocketbook lang, ‘feeling ko ‘slow motion’ ang bawat galaw. Natulala ako sa kanyang kaguwapuhan.

Pagkalipas ng dalawang araw, namalayan ko na lamang na kasama ako sa loob ng sasakyan patungo sa Norte ng Arkipeligo ng Pilipinas. Apat lamang kami sa sasakyan, katabi ko sa ‘back seat’ ang aking pamangkin. May usapan kami na tabi kami sa pagtulog ng aking pamangkin. Sa aming paglalakbay, napuno ng kasiyahan ang aking puso, at nakatakda kaming magbiyahe sa loob ng isang Linggo.

Ang una naming destinasyon ay Subic. Pagkatapos ng aming check-in excited na akong tumakbo patungo sa dagat, hindi ko napansin na nakita pala niya akong tumakbo na parang isang batang paslit, na excited maligo.

Sa edad kong Labingsiyam, 5’6″ ang aking tangkad at mapayat na katawan, hindi ko siya masisi na nakita niya akong isang bata. Natatandaan ko pa, nang kinausap niya ako.. Ang sabi niya, “Is it your first time to see beach? Sa Inglis carabao na salita, sinabi ko ang isang malutong na “Yes”. At iyon na nagsimula ng aming “Getting to Know each other stage.”

Ang pangarap kong maglakad sa beach habang pinapanood ang sunset ay natupad, After subic, muli kaming naglakbay patungo sa Hundred Islands, dahil sa hindi  maiwasang tensyon sa loob ng family room ng Hotel nag- desisyong akong maglakad lakad sa dalampasigan ng Hundred Islands malapit sa hotel.  Ngunit pareho yata kami ng isip, hindi naglaon, magkasama na kaming naglalakad, muli upang panoorin ang paglubog ni Haring Araw, habang ang mga mangingisda ay sakay ng mga bangkang de motor pauwi sa kanilang pamilya, pagkatapos ng buong araw sa gitna ng karagatan.

Ang eksena na daig pa ang anumang Love story sa pelikula. Umiral ang aking imahinasyon, sa nakita kong parang tulay na patay na Corals, patungo sa malalim na parte ng dagat. Sa bandang dulo nun, may malaking bato na puwedeng maupo. Sinabi kong nais kong magtungo duon, ngunit sabi niya delikado daw dahil madulas ang corals. Dahil laking bukid, sanay sa makitid na pilapil malakas ang loob ko.  Nagpunta pa din ako, at tinimbang ang aking sarili. Sa aking likuran, ay kasunod ko siya.

Nang marating ko ang malaking bato, sabi ko gusto ko ng picture, ang sabi niya dala daw niya ang cp niya na may camera. Pose naman ako, ang siste ang nadala pala niya ay ang luma niyang Sony ericsson, na sira ang camera. Sa huli naupo na lamang ako, habang pinapanood ang sunset. Gayundin siya, ang kaibahan lang ako na ang pinapanood niya.:)

Marahil hindi ko na muna tatapusan ang Pocketbook ng aking buhay, masyadong mahaba.:) Hanggang sa muli, nawa ay ma i-publish ang aking blog. Na hango sa aking tunay na karanasan. Abangan ang Part 2..

author:  wintersun27

p.e./mj

Enhanced by Zemanta

3 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.