Ang Patatas Kong Karanasan

(Photo Credit : Shutterstock)
(Photo Credit : Shutterstock)

Masyado akong masaya ngayon, at wala akong mapagkuwentuhan. Buti na lang may nakita akong notebook. Dito ko na lang ilalahad. (kaninong notebook kaya ito?)

Unang araw sa training. Ayos! Parang nag-aaral lang, airconditioned pa ang rooms.

Yung tinuturo? Basic English lang naman, pero madugo pa rin ang labanan. Wala akong dalang first-aid kit. The end.

Hindi tungkol dun ang kuwento ko; nagsimula ang lahat nang makasabay ko ang crush ko sa pag-uwi. (naks!) Kasama ko  rin siya sa nasabing training. Maganda siya, maputi, medyo singkit ang mga mata (alangan namang ilong), matangos ang ilong (alangan namang mata), may mahabang buhok at katamtaman lang ang tangkad.

Kumbaga sa games, distributed ang kanyang attributes. Tama lang ang timpla. Kakaiba ang kanyang mga ngiti, nagbibigay liwanag tulad ng mga emergency lights sa tuwing may brownout. Ang kislap ng kanyang mata ay maikukumpara sa mga Christmas lights *twing twing*. Ang boses niya, malumanay; one pitch lower lang sa boses ni Jigglypuff. Nabasag lang ang aking maitim na balak, este, pag-iisip nang nilapitan niya ako at kinausap.

A : San ka pupunta? May mapaglilipasan ka ba ng oras?
B : Wala nga eh.
A : Kung okay lang sa ’yo, dito ka muna sa puso ko.

Pero siyempre, imbento ko lang yun. Eto talaga ang tunay.

A : Uuwi ka na?
B : Hindi pa.
A : Saan ka pupunta?
B : Di ko nga alam eh. Ikaw?
A : Uuwi na.
A : . . . .
A : Kung okay lang sa ‘yo, puwede ka namang tumambay sa amin.
B : ‘kunwaring nag-isip’ uhhmm. . .sige.

Hindi ko alam kung bakit niya ako niyaya, hindi ko rin alam kung bakit ako pumayag na sumama. Sa mga oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko. “Ang galing niyang kidnapper”.

Medyo malayo na rin ang inabutan ng sinasakyan namin, at sa puntong yun, puwede na niyang tawagan ang mga magulang ko at sabihing “BWAHAHAHA! Nasa akin ang anak ninyo, kung gusto n’yo pa siyang makitang buhay, magpadala kayo ng 20 milyon pesos at isang Lucky Me pancit canton. Kung gusto niyong makita ang pruweba na nasa akin siya, follow me on instagram, i-uupload ko ang pictures *toot*”. Pero wala, hindi niya alam ang number ng nanay o ng tatay ko, tahimik lang siyang nakaupo habang nawawasiwas ng malakas na hangin ang kanyang buhok. After 15 minutes and 3 years, nakarating kami sa bahay nila.

Naghanda siya ng meryenda at nagtimpla ng juice, iniisip kong may pampatulog ang juice at kapag nakatulog ako, baka may gawin siyang masama. *fingers crossed* pero walang lason o pampatulog ang juice. Guni-guni ko lang yun. Maraming kuwento ang aming napagdaanan. Tungkol sa trabaho, karanasan sa buhay, sa pamilya, pag-aaral, World War III, kung ano ba talaga ang world’s #1 anti-dandruff shampoo, medical history, afterlife at lucky number ng Zodiac signs.

Umabot din sa puntong nagkaroon ng katahimikan. Naubusan na ako ng maihahaing kuwento. Nagpang-abot ang aming mga mata, nagkatitigan, nagkalapit ang aming mga mukha, at dito ko na ititigil ang aking maimbentong imahinasyon.

Naghanda na siya ng pananghalian, hindi ko na ininda ang hiya, dadalawa lang din naman kami. Tinanong niya ako kung kumakain ako ng gulay. . . . . .Patay! Oh my GULAY!!! Gusto kong sabihing hindi, pero ayaw kong isipin niyang maarte ako. Tumango na lang ako sabay pahabol na paborito ko ang talong at okra. Sinisigawan na ako ng aking sikmura. “Paker ka!! SINUNGALING!!!”. Sinagot niya naman ako na tama lang pala ang inihanda niyang okra at tortang talong. Gusto ko nang mahimatay. Bukod kasi sa green peas na makikita sa tig-pipisong ding-dong at patatas na ginagawang French fries, wala na akong ibang gulay na kinakain. (Gulay ba ang green peas?) Naisip ko tuloy ang patalastas sa t.v., “Isipin mo na lang, Ham yan!”.

Moment of truth. Kumuha ako ng tatlong pirasong okra at isang talong. Nagsimula na akong kumain, iniisip ko na lang na sumali ako sa Fear Factor at kailangan kong maubos ang gulay para makuha ang Jackpot prize at nang puwede na akong makaalis sa mesa. Kung nakikita lang siguro ako ngayon ng nanay ko, magtatatalon yun at maluluha sa tuwa. Magpapatawag ng press-con at ilalathala sa buong mundo na matapos ang ilang siglo, sa wakas ay kumain na din ng gulay ang anak niya.

“Ang pagkain n’yo ng gulay, Ligaya naming mga nanay”. Tulad ng tagumpay ni David kay Goliath at ng pagtawid ni Moses sa Red Sea, naubos ko rin ang gulay. Ubos nardin ang tinta ng bolpen ko.

The rest is history.

About emanzpanal