Ang Pakawalang OFW…Paano Ka Nagbago?

(Photo credit: minimalexposition.blog)

 

(Photo credit: minimalexposition.blog)
(Photo credit: minimalexposition.blog)

“Pasahan mo ko ng load, habibi!”

Ito ang lagi kong bukambibig sa bawat makausap ko sa phone. Ako si Trina,  isang OFW dito sa Gitnang Silangan.  Bunsod din ng kahirapan kaya ito ako, isa sa milyong kababaihan na nakipagsapalaran. Isa akong Inday na ang batas sa bahay ni Madam ay:

No Off! No life!

Ito ang naging drama ng buhay ko, pero dahil nga ‘di maipagkaila na mautak tayo kaya ang bawal ay laging sinusuway iyan, lalo pa’t kung cellphone ang usapan. Patago ang aking laruan; laging tambayan sa loob ng aking bra o sa mga personal ko na gamit na bihira makita sa mata ni Kwago. Simpleng kaligayahan sa tulad kong bilanggo na ang buhay ko, at ang tanging kalayaan pag nakapasok na ako sa kuwarto ko. Isang kasiyahan na ang mapindot ang mumurahing cellphone. Basa sa mga messages na galing sa pamilya at kinakasama, at karaniwan ay ang linyang:

“Padala ka ng pera, wala nang bgas! Ayaw na kaming pautangin sa tindahan!”

Walang kumusta; diretso agad na pera ang puntirya! At ang masaklap pa, ang pera kong padala ay winaldas ng aking kinakasama! Sugal at pambabae;  ako ang ginawang huthutan o gatasan.  Sa mga masamang balitang natanggap ko mula sa mga taong parte ng buhay ko na ‘di man inisip ang kalagayan ko.  Ang sakit na nadarama ko dito sa puso ko ay dinamdam ko nang labis!

Sa paglipas ng mga buwan, tanging libangan ko ang pakipagtextmate. Wala pang Facebook dati, kaya ‘in‘ ang tawagan. Dito ko binuhos ang oras ko para makalimot sa lahat ng masasakit na pinagdaanan. Marami akong naging kaibigan; mga ligaw na numero ang naging sumbungan sa mga iyakan at pati na rin sa tawanan. Kunyari wrong dial, yun pala bigay ni Kaibigan, sa simpleng Hi at sa kalaunan ay ligawan hanggang relasyon sa phone ay umusbong.  Lambingan sa tawagan na halos langgamin na. Parang mayaman ako; tawag at text talaga kada oras, ang dating ‘no life‘ ko ay naging FULL OF ENERGY dahil pag nagva-vibrate ang cellphone sa loob ng bra ko. Tiyak may mensahe ako galing sa mga textmate ko.

Naging adik ako sa tawagan dahil ‘di lang isa  ang naging katxtmate ko.   Sa bawat maligaw na numero ay naging daily caller ko, kahit ‘di nila ako nakita. Naging busy ang buhay ko kaya minsan ay nagkakabukingan, dahil naro-wrong send pa ako sa mga messages ko. Imbis para kay Pana o Patan? Ay na send ko kay Kabayan!  Nawala na ang dating babae na iyakin; ngayon ay ibang nilalang na ako. Magaling mang-uto sa kapwa at ibang lahi para maka-load at sa puso ko ay ang makaganti sa mga lalaki! Tinahak ko dati ang landas na tuwid, ngayon ito ako, nasa kabilang guhit ng palad na tinik ang pilit kong tinapakan.

Naging pakawalang OFW ako!  Halos kada sahod ko ay ubos sa mga walang kuwentang bagay na binibili ko.  Lagi kong linya, may isang taon pa ako na makaipon! Kaya, hala todo gastos, bili dito, tawag doon na walang katapusan hanggang sahod ko ay walang tira kahit sentimos; ang pitaka ay walang laman.

Dumating ang buwan at taon na dapat ko nang lisanin ang bansang pinagtatrabahuan ko.  Kaba at awa sa sarili, dahil pera ko ay ‘di sapat na pamasahe pauwing probinsya ko. Luha ay nagsipatakan at ang mga dating resibo  ay pinagmasdan.  Ang masalimuot na nakaraan ay  sinisi ko kung bakit natuliro ang utak ko.  Mabigat ang bawat hakbang sa aking pagbabalik sa lupang sinilangan. Dahil ito ako, isang OFW na sinayang ang pagkakataon na makapag-ipon, dahil nalulong sa isang bisyo sa cellphone!  Kung puwede ko lang ibalik ang lahat, pero tapos na, ‘ika nga, leksyon sa buhay ko nahin di ko na uulitin pa.

Dumating ako sa baryo at pinagpistahan ang pagbabalik ko.  Tawanan at bulungan sa matang mapanghusga ay hinayaan ko. Ang mahalaga nakauwi ako at nakita ang mga magulang ko.  Minsan, malalim na buntong-hininga ang hugot galing sa dibdib. Daming pera ang nawaldas ko sa Gitnang Silangan! Pera na kinain lang ng hangin, pero ilang buwan na pawis at pagod ang aking pinuhunan. Nakapanghihinayang talaga.

Sa bawat kamalian ay may natututunan tayong aral; leksyon na maging gabay sana para maituwid ang lahat ng mga maling nilandas para sa magandang bukas. Kaya ito ako ngayon, sa pangalawang pagkakataon, isang OFW dito sa Gitnang Silangan. Isang dating pakawalang OFW ngayon ay nagbago na! Dahil naimulat ko na ang aking mga mata sa isang katotohanan na ang bawat sentimo ay dapat pahalagahan!  Kahit sa pagpili ng mga kaibigan ngayon ay maingat na ako.  Dahil bihira lang ang mga totoong tao na dadamayan ka pag ikaw ay walang-wala na.

At ang minsang paglalaro ko sa cellphone sa mga tawagan na iyan? Ay!  Hindi ko na ginawa pang muli! Dahil iba pala pag KARMA ang bumalik sa pagkatao mo. Ngayon isang matinong tao na ako sa isang pagsisimula sa bagong kabanata ng buhay abroad ko.

Note: Hango sa tunay na buhay sa isa kong bagong kaibigan dito sa Facebook maraming salamat.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)