“Ang Pagsisisi ng Isang Asawa”

Photo by StockSnap (Pixabay)

Ang Pagkakamali

Nakita ko siyang mahimbing na natutulog sa kama. Gusto ko siyang yakapin, ngunit baka magising ko lang siya. Umikot ako at tiningnan ang maamo niyang mukha, nakita ko ang natuyong luha sa kanyang mga mata. Dahan-dahan akong umalis sa tabi niya, hindi ko napigilang maawa sa kanya.

Ilang araw na ba akong umuuwi nang madaling araw na? Ilang araw na ba akong hindi siya kinakausap? Alam kong sa bawat gabi ay hinihintay niya ang pagdating ko. Pinagluluto ng pagkain kahit alam niyang hindi ako darating. Alam ko ang sakit ng nararamdaman niya ngayon, at gusto ko iyong pawiin.

crying man photo
Photo by LeandroDeCarvalho (Pixabay)

Alam ko!

Alam ko na sa bawat gabing wala ako sa tabi niya ay ang unan lamang ang kaulayaw niya upang kanyang mapagsabihan ng kanyang hinaing. Napatingin ako sa sanggol na mahimbing na natutulog sa kanyang kinahihigaan. Ang sanggol na nagbigkis sa amin, ang sanggol na bunga ng pagmamahalan namin. Hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking luha.

Ilang okasyon na ba ang hindi ako nakarating dahil sa kabisihan ko kuno? Alam kong napakabait ng aking asawa. Wala akong maiipintas sa kanya. Wala akong masasabing hindi niya magampanan ang kanyang tungkulin. Sa totoo nga, sobra-sobra na ang ginagawa at ibinibigay niyang pagmamahal sa akin. At doon ako nasasakal; doon ko gustong makalaya – sa ginagawa niya.

Ibang kandungan

Kaya humanap ako ng ibang kakalinga sa akin. Sa kandungan ng ibang babae na alam kong sa una pa lang ay isa nang pagkakamali. Ang bawat gabing pinagsaluhan namin ng aking babae ay kinakain din ako ng pagsisisi.

Alam ko ngayong araw na ito ang aming anibersaryo, alam kong nagluto na naman siya at hinintay ako. Tiningnan ko ang tangan kong bulaklak para sa kanya. Parang siya rin; dalisay at mabango.

crying man photo
Photo by 790734 (Pixabay)

Ang Realisasyon

Maaaring hindi pa huli ang lahat, maaaring kaya ko pang isalba ang pamilyang ito. Hindi ko maatim na saktan sila dahil sa makamundo kong kaganidan. Mahal ko sila kaya pipilitin kong magbago.

Maaaring nasaktan ko na siya, at sasaktan ko pa siya. Ngunit alam kong tatanggapin pa rin niya ako sa kabila ng ginawa ko.

Patawad Mahal Ko

Dahan-dahan ang ginawa kong paghiga sa tabi niya at bumulong sa kanya.

“Patawad, mahal ko…”, naramdaman ko ang pag-uga ng kanyang balikat. Alam kong umiiyak siya, at parang dinudurog ang puso kong iyon.

“Hinding-hindi na kita sasaktan.” Sapat na siguro iyon para patawarin niya ako. At walang anu-ano’y iniyakap niya ako. At mahigpit ko rin siyang niyakap.

Salamat, Panginoon, hindi mo pa rin ako pinabayaan.-

Akda ni WHITEANGEL 2012

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!