Ang Pagsisisi ay Nasa Huli

Photo Credit: www.dreamstime.com
Photo Credit: www.dreamstime.com
Photo Credit: www.dreamstime.com

“ Benito, naayos mo na ba iyong hawla ng ibon ni Junior?” tanong ng aking kapatid na panganay na si Kuya Lando

“ Eh, hindi pa nga kuya. Hayaan mo at gagawin ko pagka- almusal ko” sagot ko naman

“ Eh pakimadali sana at nagmamaktol iyong bata” medyo naiinis na sabi ni Kuya

“Ok Kuya, mag-aalmusal lang ako” tinanguan lang ako ni Kuya at nagmamadali na itong umalis patungo sa kaniyang opisina; isa siyang Geodetic Engeneer.

Pumasok na rin ako sa loob ng aming bahay, nakita ko na nananahi ang aking asawang si Doray.

“Baket, kumain muna tayo. Mamaya na iyan” sabi ko sa aking asawa. Nakaalis na ang aming mga anak patungo sa paaralan. Kami na lamang ni Doray ang mag-aalmusal. Ngunit mukhang minamadali ng aking asawa ang panunulsi ng mga damit, sa pagkakaalam ko ay kagabi pa niya iyon ginagawa at hanggang ngayon ay hindi pa tapos.

“ O eh, mauna ka na Lakay. Tatapusin ko lamang ito at nagmamadali si Myrna” sagot nito sa akin at itinuloy ang pananahi. Ang Myrnang tinutukoy niya ay ang bunso kong kapatid na isang doktora.

Nakaramdam na naman ako ng panlulumo. Talagang naging utusan na lamang kami ng aking mga kapatid, minsan ay inuutusan na rin kami ng aming mga pamangkin. Pati nga ang aming dalawang anak ay nauutusan na rin. Hindi ko mapigilan na pagsisihan na naman ang aking nagawa.

Tatlo kaming magkakapatid; ang Kuya Lando, ako at si Myrna. Pare-pareho naman kaming binigyan ng pagkakataon na mag-aral ng aming mga magulang. Nagsikap ang aking mga kapatid, ngunit ako ay pagbubulakbol ang inatupag. Malakas kasi ang hatak ng barkada sa akin at nagkabagsak-bagsak ang aking mga grado. Ilang ulit akong ginulpi ni Tatay para lang mag-aral nang mabuti pero mas matigas pa ang aking ulo sa pader. Hindi ko noon naiintindihan ang kahalagahan ng edukasyon.

Huminto na ako nang nasa third year na ako at puro pagbibilyar ang inatupag. Dito ko nakilala si Doray, taga Bicol siya na dumayong manilbihan sa isang mayamang pamilya sa aming lugar. Napakialaman ko si Doray at nagbunga ito ng isang anak na lalaki. Naging dahilan ang pagkakabuntis ko kay Doray kaya kami ay napilitang magpakasal.

Ganoon pala kapag naging Tatay na ang isang lalaki. Naramdaman ko ngayon ang bigat ng responsibilidad. Tinigilan ko ang mga bisyo at pakikipagbarkada, tuwang-tuwa kasi ako sa aking anak. Ngunit ngayon ko nakita ang sinasabi ng aking mga magulang. Wala akong mapasukang trabaho na may mataas na kita. Nakikigapas lamang ako kapag anihan, nakikipananim din kapag tag-ulan. Minsan tumutulong ako sa vulcanizing shop ng aking pinsan at heto nga utusan kami ng aking mga kapatid.

Magagaling ang mga kapatid ko, talagang ginamit nila ang pagkakataon at nag-aral silang mabuti. Ang ganda ngayon ng kanilang buhay at nakapangasawa din sila ng mga propesyonal na gaya nila. Sayang talaga, kung alam ko lamang na magkakaganito ako sana ay nakinig ako sa mga magulang ko noon. Ngunit huli na para akin. Kaya naman pilit kong iginagapang ang aking mga anak para sila man lang sana ay matapos ng pag-aaral at hindi maging gaya ko.

Nakikita ko naman na masisipag ang aking mga anak. Gayunpama’y sumasakit ang loob ko sa tuwing nakikita kong puro bigay ng mga pinsan nila ang kanilang mga gamit. Hindi ko kasi sila maibili ng mga bagong gamit.

Linggo noon, nakita kong maaga pa lamang ay dala-dala na ng aking anak na lalaki na labinlimang taong gulang ang balde ng tubig. Tinanong ko siya

“ Ano ba ang iyong gagawin, Anak?”

“ E ipinalilinis po sa akin ni Tita Myrna ang kaniyang kotse” sagot nito sa akin at nagmamadali na ngang tumungo sa malaking bahay ng aking kapatid.

Nakadama na naman ako ng kalungkutan. Hindi ko alam kung kailan kami magiging mga alipin. Sayang talaga, nang dahil sa aking pagkakamli ay nadamay ang aking mga anak. Sana lahat ng magiging mga magulang sikapin sana nila na ayusin muna ang kanilang buhay bago pumasok sa ganito kabigat na responsibilidad.

Huli na para magsisi ako, ngunit alam ko na may pag-asa pa ang aking mga anak.

Kayo na nagnanais na maging magulang. Napakabigat na responsibilidad ang pagiging ama at ina. Ngayon pa lamang ay paghandaan n’yo na iyan. Magsikap kayo sa inyong buhay, sa pag-aaral at sa pagtatrabaho, upang kapag nagkapamilya kayo ay magtatamasa sila ng maganda at matiwasay na buhay.

Sana ang aking mga anak ay hindi matulad sa akin. Sana magsikap sila upang gumanda ang buhay ng aking magiging apo.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.