Ang Pagsisimula

Maraming pangyayari na ang lumipas. Kahit hindi magandang pangyayari ay tila hindi inaalintana dahil siguro sa pagmamahal at sa nakasanayan na na tila ba isang ordinaryong bahagi na lamang ng pang araw araw na pamumuhay.

Dito nagsimula ang lahat.

Isa akong kawani ng gobyerno sa isang lungsod sa Ka Maynilaan. May mga dokumento akong dapat asikasuhin sa munisipyo upang ganap na maisaayos ang paglilipat ng aking appointment (alam mo naman sa gobyerno natin puro pulitika). Dito ko nakilala si “Kuya”. Siya ang tumulong sa aking upang mapabilis ang aking pag-aayos ng nasabing dokumento.

Naging magiliw siya sa akin at ako naman ay laging lumalapit sa kanya sa mga panahong may kailangan akong asikasuhin sa munisipyo.  Ganun lang ang aming sitwasyon hanggang sa mawalan na ng communication.

October 2009, nag krus na naman ang landas naming ni “kuya”, pero sa pag kakataong ito may kakaibang saya akong naramdaman.  Nagsimula kaming mag text at chat umaga at gabi. Naging malapit kami sa isat isa. May pagkakataon pa na nagyayaya siya na kumain kami sa labas, pero hindi ako sumasama. Dahil sa marami siyang mga kakilala, nang minsang nagsabi ako sa kanya na binabalak kong kumuha ng lisensya upang magamit ko ang aming sasakyan nagprisinta siyang samahan ako.

Siyempre gusto ko yun dahil sa hindi na ako mahihirapan pumila pa nang mahaba. Iyong ang unang pagkakataon namin na magkasama na kaming dalawa lamang. Habang piniproseso ang aking lisensya, umupo kaming dalawa. Nasa likuran ko siya, ewan ko ba kung guni guni ko lang ba yung pakiramdam ko na inaamoy niya ang buhok ko. May kiliti akong naramdaman sa ganoong sitwasyon.

Doon na nagsimula na pati sa pinagtatrabahuhan ko ay pumupunta siya upang magdala ng pagkain at kung anu-ano pa. Hindi ko naisip na masama ang nangyayari dahil pareho kaming may asawa at anak. Dahil nang minsan magkachat kami, tinanong ko siya kung bakit masyadong malaki ang atensyon na binibigay niya sa akin.

Nilinaw ko sa kanya na ayoko ng gulo. Nagulat ako sa reply niya at mukhang ako pa ang napahiya… “bakit may malisya ba sa iyo ito? Walang malisya ito, sister,” kaya simula noon naging mas lalo akong kampante sa kanya.

Ang unang pagsasama namin nang kaming dalawa lang ay nasundan ng isang gabing inuman.  Sa isang siyudad sa labas ng Maynila kami nagpunta upang kumain at uminom. Doon ko nakita kung gaano siya kamaginoo, kabait, at tila ba ramdam na ramdam ko na mahal na mahal niya ako. Pero iwinaksi ko sa aking isipan ang ganyang kaisipan kasi nga “kuya” “sister” lang ang relasyon namin.

Masaya ang gabing iyon, hindi ko na namalayan na nalalasing na pala ako. Madaling araw na nang kami ay natapos. Habang nasa sasakyan niya kami, sinabi ko na magpahinga muna kami dahil nahihilo ako (first time kong malasing). Naramdaman ko na lang na hinalikan niya ako sa labi. Nagulat ako at lumabas ng sasakyan niya. Nag sorry naman siya at nagyayang magkape upang mahimasmasan kami pareho. Tinanong ko siya kung bakit niya ako hinalikan, sagot niya sa aking “dahil mahal kita…”

Naguluhan ako nang mga panahong iyon, hindi ko alam ang irereact ko dahil wala iyon sa plano ko… may asawa kami pareho, magkapatid ang turingan naming dalawa, sampung taon ang tanda niya sa akin, naguguluhan ako pero sa likod ng aking isipan ay masaya ako.

Simula noon pag may pagkakataon na wala ang asawa ko sa bahay  ay lumalabas kami at nagpupunta sa malalayong lugar upang mamasyal. Kumakain kami kung saan saang lugar. Masaya ang mundo namin na tila ba kulang ang oras pag magkasama kaming dalawa. Unti unti napapamahal na siya sa akin… mahal ko na siya at patuloy na minamahal hindi dahil sa masaya siyang kasama, hindi dahil lagi ko siyang kasama, hindi rin dahil sa ibinibigay niya ang gusto ko. Minahal ko siya dahil isa siyang maginoo, totoong tao, responsible at tunay na nagmamahal sa akin.

Alam kong mali pero nasimulan ko na. Alam ko ang dapat gawin, pero hindi ko magawang putulin ang sinimulan namin. Masarap at nakalulunod ang kaligayahang aking nadarama. Alam kong mali ang aming ginagawa, mali ang aming tinatahak, pero puno ng tunay na pagmamahal ang aming simula.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.