Ang Paghanga ko sa iyo ……. Dear Ms. Alice Dixson

Ms.Alice DixsonI was around 12 or 13 years old nang unang naging matunog ang pangalan mo.

Tandang tanda ko pa ang mga katagang “I CAN FEEL IT” na naging linya ng bawat bahay, umpukan at kahit mga musmos ay bukambibig ang mga salitang ito.

Sa simpleng TV Commercial nagsimula ang kasaysayan ng iyong bagong buhay.

Palmolive, Okay Ka Fairy Ko, Dyesebel ilan ito sa mga nagpasikat ng husto sa iyo. Alice Dixson.

Hindi ko pa masyadong alintana ang iyong pagsikat ni hindi ko naisip na kahit sa hinagap ako ay iyong mabibighani.

Lumipas ang maraming taon, marami na ang nangyari, natapos ako sa kursong pinili ko, nakapagtrabaho, at nagkaanak. Nabalitaan ko sa mga showbiz talkshows na lumagay ka na rin sa tahimik at mas pinili mong igive up ang career na matagal mo ring iningatan at pinaghirapan. Ngunit dumarating din sa punto ng buhay natin na binabalik-balikan natin ang mga bagay na nakapagbibigay saya at ligaya sa atin.

Nagbalik ka sa kinagisnan mong mundo, wala sa mga plano mo ang magtagal, sa una ay mag bakasyon lamang sa bansang iyong kinilalang tahanan. Dahil sa ipinamalas mong angking galing sa pag-arte, humamig ka ng maraming palakpakan at paghanga na naging daan, tulay at dahilan para ikaw ay magtagal muli sa iyong minamahal na propesyon.

Sa mga panahong ito ako ay abala sa pagiging ina. Plain mom kung tawagin nila. Kasabay ng pagiging plain mom ay ang pagkakaroon ko ng extra time para ako ay makapanood ng mga TV Series.

Minsan akong naghahanap ng mapapanood nang mapalipat ako sa TV5, noon ay November 7 2013 alas otso y medya ng gabi, nasumpungan ko na lang na tinatapos ko na pala ang episode ng seryeng ito ang FOR LOVE OR MONEY na isa ka sa mga bida.

Magmula nang mga panahon na iyon ay nabighani ako sa taglay mong galing sa pag-arte bukod pa sa taglay mong gandang mala anghel ang dating.

Sa wari ko ay napapaibig ako sa isang kabaro ko. Ngunit ito ay hindi pag-ibig sa pangit na anggulo, ito ay isang malalim na paghanga. Magmula nang araw na ito ay nag-umpisa akong mag-research ng mga tungkol sa iyo, mga lumang teleserye ay binalikan ko, mga lumang pelikula na araw araw kung aking panoorin.

Dito ko rin nalaman na napakabait mo pala. Mas ninanais mo pang tumulong sa mga batang nasa mga bahay ampunan kaysa gumastos sa mga walang kapararakang pagkakagastusan. Sa pagtatanong tanong ay nalaman ko rin na hindi ka pala suplada sa mga tagahanga mo, at ang pinakahinahangaan ko sa iyo ay ang hindi mo pagpa-publicize ng iyong pagtulong.

Ito sa lahat ang nagbigay daan sa akin na lalong humanga sa iyo.

Ang lahat ng ito ay hindi naililihim sa aking asawa, higit sa lahat ay sa aking anak na sa bawat minuto ng aking buhay ay kasa-kasama ko. Kung kaya hindi ako magtataka na pati ang aking unico hijo ay mapapahanga sa iyo lalo na at sa edad niyang 6 ay marunong na rin siyang humanga.

Laking tuwa ko nang isang araw ay sabihin niyang ” she’s beautiful mom, I like her”. Sa tuwa ko ay iningganyo ko pa siyang sulatan ka, I even taught him to send you IG Messages at minsan ay nakikita ko na lang na may mga sent messages siya para sa iyo. Na ang tanging dasal ko lang ay ” ma-appreciate sana at huwag makulitan si Ms. A”.

Minsan ay gusto kong lumubog sa hiya dahil pati sa IG ay makulit ang anak ko. Pero naiisip ko na kasalanan ko rin dahil kagagawan ko kung bakit ka niya nakilala at hinangaan. Kung sakali at mabasa mo ito humihingi ako ng paumanhin at pagpapasensya, kami ay mga tagahanga mo lamang, ikinatutuwa at ikinasasaya na ang mumunting pagsulat at pangungulit sa iyo.

Minsan sa pangungulit namin sa isa sa mga account ng bago mong tawa-serye, ay napagbigyan mo ng dalawang beses ang kahilingan namin. Naku Ms. A, hindi mo lang alam kung gaano mo napasaya ang anak ko, ngiting may kasamang kilig ang nadama ng anak ko kasiyahang dama din ng inang tulad ko.

Inspirasyon ka niya, pangako niyang gagalingan niya para makakuha ng magandang grades dahil gusto daw niyang isend sa iyo ang grades niya. Haaay, Ms. Alice Dixson, isa kang hulog ng langit. Isa kang anghel na nagpapagaan ng aming araw araw na pamumuhay. Sana ay huwag kang magbabago. Maraming salamat sa pagiging inspirasyon hindi lang sa amin kundi sa lahat ng humahanga at nagmamahal sa iyo.

About raspberry tea

I never judge because i don't want to be judged on the same way as i had judged others... I believe in KARMA... What comes around goes around... Everyone has a story to tell so i base my posts on everyone i meet, their stories and their experiences...