Ang Paghahanap ng mga Pantas sa Newborn King (Kung Ito ay Naganap sa Makabagong Henerasyon)

[email protected]
[email protected]

Nakatitig sa maliwanag na kalangitan si Melchor habang nakahiga sa kama. Pinagbubulay-bulayan ang mga hanay ng maningning na mga tala. Pinoproseso ng kanyang henyong utak kung may mas malalim pang kahulugan ang mga bituin. Dahil iyon ang trabaho niya kahit wala siyang suweldo. Ito ang basahin ang mensaheng dala ng mga tala bago gawing horoscope na ililimbag sa isang makamundong tabloid kinabukasan.

Nagulantang siya nang mapagtanto niya ang lahat. Agad niyang tinawag ang dalawa pang katropa na sina Gaspar at Baltazar. Mabilisang pumunta ang dalawa sa loob ng kuwarto ni Melchor.

Melchor: Nakikita n’yo ba ang nakikita ko?

Gaspar: Parang ang redundant ng sinabi mo ha.

Baltazar: Banat ba yan? Kailangan ko bang itanong kung bakit?

Melchor: Eh kung sagutin n’yo na lang kaya ako noh?

Gaspar: E ‘di mga bituin sa langit. What’s new?

Baltazar: Pare, ang tagal na nating astrologist. Malamang naman kung dinosaur ang nakatambay sa langit pag gabi. Duh.

Gaspar: Ang lame ng joke mo. Pangit pa ang delivery. Fail.

Melchor: Pinapahaba n’yo itong 600-character blog na ito sa awayan n’yo eh. Hindi n’yo ba napapansin?

Gaspar (titingin ng matiim sa langit): Oo nga, dre’. Ang ganda ng mensahe ng mga bituin. Maaring natalo si Pacman; at least makukuha na ni Miss Philippines ang Miss Universe Crown. Pero dapat muna siyang madapa. Literally. Lagi kasing mabenta ‘yun sa mga huradong sadista.

Baltazar: Hindi. Mali ang pagkakabasa mo. Sabi ng mga bituin lalong lalagapak ang rate ng piso dahil lumakas na ito. Parang tanga lang.

Gaspar: Ay hindi. Hindi raw masosolusyunan ng bagong bus scheme ang  matinding trapiko sa EDSA. Solusyon lang daw ito sa mga taong matindi ang pagka-OC.

Baltazar: Hindi pa rin. Hindi na raw magkakaroon ng asawa si Pnoy. Dahil…bawal ang magsabi ng masyadong berdeng biro dito.

Melchor: Mali kayong dalawa! Hindi n’yo pa rin ba nahahalata?

B&G: Ang alin nga?!

Melchor: Na walang BUBONG! 

Gaspar: Letse, oo nga ano!

Baltazar: Kaya pala diretso ang star gazing natin mula dito.

Gaspar: Ultra fail, dre’. Tara, i-tweet natin si Haring Herodes.

Baltazar: Bakit pa?

Gaspar: Para magpatuloy na ang kuwento, gungong.

Melchor: Saka para pondohan niya ang paglalagay ng bubong dahil parang may sapi lang ang gumawa ng bahay. At para maibalita na rin natin.

Baltazar: Ang alin?

Melchor: Na transgendered si Justin Beiber. Malamang.

Baltazar: Seryoso, ano nga kasi? Ang gulo ng dialogue natin.

Gaspar: S’yempre, ano pa bang ibabalita?

Baltazar: Ano nga?

Gaspar: Tanong ko rin iyan diba? Ang olats mo naman sa batuhan ng linya dre’. Tanong ko, ang sagot tanong rin? Tsk.

Melchor: Oh seryoso na. Buksan na natin ang aking Facebook.

Baltazar: Bakit?

Melchor: Dahil magbabalat ako ng saging.

Gaspar: Boom! Angas mo Pick-up!

Baltazar: (Insert makasalanang mura here)

Melchor: May malaking anunsyo sa isang manger. Ano yun sa tagalog?

Gaspar: Hindi ko rin alam. Saglit i-google ko sa aking Iphone 5. Ano bang meron, dre’?

Baltazar: Bakit ka ba dre’ nang dre? Dahil ba masyadong pangkanto ang pagsabi ng pare at feeling sosyal na gangster ka na kapag ginamit mo yan? Ganoon ba kalakas amag n’yan?

Gaspar: Care mo ba. Even the Care Bears don’t care.

Melchor: May LQ na naman kayo. Eto na. May pinanganak daw sa isang…Gaspar, tagalog ng manger nakita mo na?

Gaspar: Sabsaban, dre’.

Melchor: Got it. May pinanganak sa sabsaban. Trending topic pa sa twitter under #newbornkingrises. Parang pamagat lang ng Batman movie.

Baltazar: Teka, hindi ba may propesiya tungkol sa ganyan?

Gaspar: Nagpauto ka na naman kay Nostradamus. Galit lang yun sa mundo dahil mas sikat ang Gangnam Style kesa sa kanya.

Baltazar: Saglit nga, i-wikipedia ko lang ang propesiyang yun’.

Melchor: At nagtitiwala ka dun? Buti pa halungkatin mo sa archives ng teachings natin.

Baltazar: Nasaan ba ang archives?

Gaspar: Heto ang 1 terabyte na external hard drive. Ang folder name ay “Don’t Open”. Ang file name ay “Don’t Read.”

 Melchor: Nakakaloko nga yan’. Dahil para kang nagka-instant na pagkakasala dahil nilabag mo ang kautusan. You open the folder that says “Don’t Open”. You read the file that says “Don’t Read.”

Gaspar: Tama ka dre’. Instant slot sa impyerno ang dating. Wag kang mag-alala Baltazar, ipapanalangin ka naman namin. Kapag hindi kami tinamad.

Baltazar: Ano ba talaga? Bahala na nga, para sa sanlibutan.

Melchor: Shaider, ikaw ba yan?!

Baltazar: Che! (Pagkatapos ng ilang minutong paghahanap) Eto na! Nakita ko na!

Gaspar: Holy—wow ang LAKI!

Melchor: ANG LAKI?!?!

Gaspar: Nang file size. Ang mag-isip ng iba, agarang magpahid ng holy water sa katawan. Agarang lunas sa makating utak.

Baltazar (matapos mabasa ang buong file): Bwakanang butete! Sabi na nga ba! Nagkatotoo na ang propesiya! Isinilang na ang Hari nang sangkatauhan! Ang tagapagligtas!

Melchor: Weh?! Talaga lang ha. Pero matagal nang nag-eexist si Sailor Moon.

Gaspar: Tungak! Si Naruto kaya hindi pa pinapanganak sa tunay na buhay.

Baltazar (hindi alintana ang pag-uusap ng dalawa): Humayo tayo’t ibalita natin kay Haring Herodes ang malaking rebelasyong ito!

Gaspar: Nakakatamad. Magagasgasan pa ang bagong bili kong Prada shoes.

Baltazar: Malamang naman lakarin natin. Kung sa tamang era kung saan talaga naganap lahat ng ito, doon ka pwedeng magreklamo. Kaso uso na kaya ang kotse, caveman na bulok.

Melchor: Sayang ang gas. Matrapik pa sa EDSA.

Baltazar: Edi mag-LRT na lang tayo.

Gaspar: Nagkakatrapik din dun.

Baltazar: Paano?

Gaspar: Kapag may manganganak. O kaya kapag may trip magpakamatay kung saan nag-aagrabyado ka pa nang iba sa suicidal attempt mo.

Melchor: I-DM na lang natin si Haring Herodes.

G & B: Ang bright mo!!!

Melchor (nagtwe-tweet): @therealkingherod pupuntahan po namin ang newborn king. Pakitransfer na lang po ang pamasahe sa aking ATM Account.

(After a few seconds…)

King Herod: @akongatalagasimelchor Huwawz! Ang GhAlInGzZZ NhMaN nHyAnZz. siGeHzZ. bHaLiKaNz nHiNyOwZZ aQoWHz paGkHaTAfPoWz. Jejeje.

Baltazar: Ang hapdi sa matang basahin.

Gaspar: Ang sakit sa tearducts.

Melchor: O ayan guys! Puntahan na natin ang newborn king! Teka, saan nga ba?

Gaspar: I-google map natin. Kung mas exact peg mo, google earth!

Melchor: Ayon sa Facebook account, nasa Bethlehem daw siya along with two others. Click ko lang saglit ang like.

Gaspar: Ako din magko-comment. Less than three.

Baltazar: Less than three?

Gaspar: Gumagawa ako ng heart tanga.

Melchor: Nakakahiya naman kung pupunta tayo doon na walang regalo. Any ideas guys?

Gaspar: Naman dre’. Ang hassle mag-shopping ngayon dahil last minute na.

Baltazar:I-online shopping na lang natin. Ipa-expedite na natin ang shipping.

Melchor: Good idea Baltazar. So, anong ireregalo natin?

Gaspar: Digital camera, para lagi nilang makuhanan ang segu-segundo niyang pag-galaw. I-edit na lang nila sa Instagram para kyot.

Baltazar: Laptop, para doon ma-save ang mga pictures at kung ano pang files. Tapos makilagok na lang sila ng tubig sa Starbucks para may free wifi. Nang ma-update din nila tayo.

Melchor: Ok. Ako isang complete DVD Collection ng Harry Potter.

Baltazar: Aanhin niya?!

Melchor: Kesa naman complete series ng 50 Shades of Gray. Ano?

Baltazar: Point taken.

Gaspar: Ihanda na natin ang mga kailangan. Matulog din tayo ng maaga.

Melchor: Tama, kaya wag muna tayong makipagpulbusan sa DOTA sa kalapit na computer shop ngayong gabi.

Baltazar: At wag muna nating ipaalam kay Haring Herodes kung nasaan ang sanggol. Para may thrill.

M & G: Sureness.

 

Pagkatapos ng kanilang paghahanda ay sinimulan na nilang baybayin patungo sa abang pinaglalagakan ng Hari. Halos mapa-indak sa tono ng Rubadabango ang tatlong pantas nang makadaupang palad nila ang sanggol. Laking tuwa din ni Maria nang makita ang regalo lalo na ang complete DVD Collection ng Harry Potter. Kung bakit ay mananatili itong misteryo kay JK Rowling.

Nanuot ang kaligayahan sa puso ng tatlong pantas sa once-in-a-lifetime-meet-and-greet sa mahiwagang sanggol na siyang magsusuko ng kanyang buhay kinalaunan upang iligtas tayo sa kasalanan.

Sa huli, hindi na sila bumalik kay Herodes. Inutusan din nila ang grupo ng mga naglalamyerdang hackers sa 4chan na burahin lahat ng ebidensya na makakapag-trace sa kinaroroonan nito. Bakit kamo? Divine intervention. Bawal mag-ungas dyan. Lagot ka kay Lord.

Nakatitig sa maliwanag na kalangitan si Melchor habang nakahiga sa kama. Pinagbubulay-bulayan ang mga hanay nang maningning na mga tala. At hanggang ngayon, sa kasamaang palad…ay wala pa rin siyang bubong.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.