Ang Pag-ibig at Pansamantalang Kilig

Guy On A Bench (Photo Credit: picfor.me)
Guy On A Bench (Photo Credit: picfor.me)
Guy On A Bench (Photo Credit: picfor.me)

Bigla na lamang siyang bumalik sa ala-ala noong makita kong muli ang pangalan niya.

Isa siya sa mga babaeng kilala sa buong eskuwelahan noong kolehiyo. Maganda siya, palakaibigan at talaga namang matalino. Karapat-dapat lang siyang ipagmalaki ng  eskuwelahan lalong lalo na sa usaping akademiya.

Tanda ko pa nang unang beses kong nakita ang pangalan niya. Iyon ay noong minsang mapadaan ako sa  sa banal na opisina ng aming Dean. Hindi lang siya kabilang, ngunit unang-una sa kung tawagin namin noon ay “banal na listahan” – isa siyang Dean’s lister.

Ang pangalan ko ay Ronnie, mas kilala sa tawag na Ron-ron. Katulad ng iba, isa ako sa minsang nangarap na mapabilang sa listahan na iyon. Ngunit kahit anong gawin eh, hindi ko talaga kaya. Hindi sapat ang kakayahan ko. Kahit na makailan kong tignan ang listahan, walang nagbabago. Kahit sana makasabit, wala. Unti-unting lumubong ng sariling pangarap na iyon. Ngunit kasabay noon ay unti-unti ring napukaw ang aking kuryosidad. Kuryosidad sa pangalan ng isang babaeng laging una sa listahan.

Julie M. Valdez, iyan ang pangalan niya. ‘Yan ang pangalang pinangarap ko minsang malagpasan, kahit hindi ko pa siya nakikita sa personal.

Hanggang sa isang araw, unang araw iyon ng pasukan  ng ikalawang taon sa kolehiyo, unang beses ko siyang nakita. Kaklase ko siya, doon ko napatunayan na totoo nga ang sinasabi nila. Hindi siya isang ordinaryong babae, kakaiba siya sa lahat; sa pananamit, kilos, at pananalita. Doon napalitan ang kuryosidad ng kagustuhang lalo pa siyang makilala.

Dumating ang araw na napatunayan kong hindi naman pala madamot ang tadhana.

Na-late na naman ako noon sa  subject na Chemistry. Hindi ko alam kung bakit ba laging nasasakto ang pagkabuhol-buhol ng mga sasakyan tuwing papasok ako para sa subject na ‘yun. Kung hindi laging limang minuto, lumalagpas hanggang tatlumpung minuto ang pagkahuli ko noon sa klase. Ngunit ibahin mo ngayon, dahil isang oras akong nahuli.

Dahan-dahan pa ko noong pumapasok sa pintuan ng aming silid aralan, nang biglang; “Mr. Ronnie Saavedra! Anong oras na?” Nagulat ako noon at napahinto. Kadalasan kasi ay pinababayaan lang ako ni Ma’am professor, pero sabi  ko nga, iba ngayon.

“Ahh.. alas dos na Ma’am. Pasensiya po, na-traffic lang,” sabi ko nang nakayuko. Una, dahil sa pagkakapahiya. Pangalawa ay dahil sa alam kong nakatingin siya – si Julie.

“Naiinis na akong marinig ang pa-ulit ulit na dahilan na iyan mula sa mga estudyante. Hindi ‘to laro! Kaya naman maraming bumabagsak dahil sa hindi ninyo sineseryoso itong mga tinuturo namin!” pasigaw niyang sabi. Parang nananaginip ako noong mga oras na iyon. Para bang bigla ko nang gustong lumipad papalayo o ‘di naman kaya ay magpakain na lang sa lupa.

“Ma’am, kasi, ” nais ko pa sanang magpaliwanag at humingi ng patawad.

“Ano? Mr. Saavedra, kapag ganyan ka nang ganyan hindi mo maaabot ang pangarap mo. Ang tanong eh, may pangarap ka ba sa buhay? Sige nga, sabihin mo sa klase kung ano ‘yun. Para naman malaman namin kung may pag-asa ka pang maabot kung ano man ‘yun dahil sa ugali mong ‘yan?”

Talaga namang pumanting ang tainga ko noong marinig ko iyon. Tinaas ko ang tingin ko, at tinignan ang buong klase upang maalis ang kaba. Hindi nga ako nagkamali, andoon si Julie, at nakatingin sa akin.

“Mayroon po akong pangarap,” sagot ko. Nakita ko ang mga mukha ng mga magagaling kong kaklase na handang nang making sa sagot kong iyon. Habang nakapamewang naman si Ma’am professor at nakataas ang isang kilay. Si Julie? Nakatingin pa rin sa akin. Ako naman ay nakatingin din ng diretso sa mga mata niya, sabay sabing, “Gusto ko pong mapasama sa dean’s list. Ay, hindi, gusto ko pong maging una sa dean’s list, at matalo si Ms. Valdez,”

Sandaling katahimikan ang namayani sa loob ng silid aralan. Nakita ko rin kung papaanong lumaki ang mga mata ni Julie dahil sa gulat sa naging sagot ko. Ngunit mas nagulat ako sa naging ingay ng buong klase. Akala ko ay mananahimik na ang lahat sa sagot kong iyon, pero mali ako. Nanunukso sila.

“Ooooy!! Pwede! May Chemistry!!!” sabi ng isa, sabay tawanan lahat, ‘yung iba naman kinikilig. Hindi ko na lang sila pinansin. Pumunta ako sa upuan ko at tumahimik. Si Ma’am na lang ang narinig ko na nagsabing “Oh… Well, Goodluck,” sa akin.

Sabi ko nga, hindi madamot si tadhana. Kahit ganoon pa ang paraan niya, at least naging maayos naman pagkatapos.

Lumapit sa akin si Julie pagkatapos ng klase, nagulat ako sa ginawa niyang iyon. Akala ko ay galit siya, pero hindi. Nakangiti siya sa akin, sabay sabi ng “Thank you,”

“Ah, pasensiya ka na. Wala lang talaga akong maisip kanina. Ahh… ‘wag ka sanang magalit,” pag-aalala kong sabi noon.

“Ano ka ba, ayos lang. Gusto mo, sabay na tayo palaging mag-review? Sabi kasi nila, para matalo mo ang kaaway, kailangan maging mabuti ka muna niyang kaibigan. So… Friends?” sabay abot ng palad niya upang makipag-kamay.

Ah… oo naman, my pleasure,” sabi ko habang nakikipagkamay. Akala ko magagalit siya, pero sabi ko rin nga, iba siya.

Isa sa mga pinakamatalino sa buong eskuwelahan, kaibigan mo? Kasama mo pa sa pag-re-review? Sino ba naman ang aayaw? Hindi lamang siguro sa kagustuhang mapataas ng marka sa klase. Pati na rin siguro sa popularidad. Pati na rin sa pribilehiyo at pangalan.

Dumaaan ang ilang araw, natupad ang minsang kahilingan na sana ay maging malapit kami sa isa’t isa. Naging tampulan na rin ng tukso dahil sa nakikita kaming palaging magkasama. Unti-unti aaminin kong, nagustuhan ko rin ang lahat. Gusto kong kasama siyang palagi, gusto ko siyang kausap, gusto ko na araw-araw ko siyang nakikita. Gusto ko na tinutukso kami sa isa’t isa. Higit sa lahat, gusto ko siya.

Hindi ko alam ang tunay niyang nararamdaman. Kung gusto niya rin ba ako, o ganito lang siya talaga? Naging parang mag-best friend kami. Lumalabas kapag walang klase, kung mayroon naman ay sabay ring kumakain, tambay ng library at internet shop kapag may kailangang i-research. Naging inspirasyon ko ang bawat araw, naging inspirasyon ko siya. Higit sa lahat, minahal ko rin siya.

Kinikilig na rin ako tuwing may naririnig na tukso, lalo na kapag tinatanong nila kung kami na ba talaga. Si Julie? Tahimik siya sa gitna ng mga tuksong iyon. Nangingiti lang siya kapag kinukuwento ko.

“Pabayaan na lang natin sila, sumakay na lang tayo kung kailangan. Dun sila masaya eh, mas maraming mahahalagang bagay kaysa diyan,”

Ang narinig ko lang yata noong mga panahong iyon eh ‘yung parteng “…sumakay na lang tayo kung kailangan,”. Dahil doon ay umasa ako na parehas kami ng nararamdaman. Dahil doon inakala ko na parehas kaming umiibig. Ngayon ko lang na-isip na lahat pala iyon ay pansamantala lang, pati na ‘yung kilig sa bawat tukso na maririnig.

Ang malungkot lang na parte, hindi ko nasabi ang tunay na naramdaman ko. Hindi rin kasi siya nagpaalam, bigla na lang siyang nawala at lumipat ng eskuwelahan. Hindi rin ako nakapagpasalamat, dahil sa inspirasyon na binigay niya, napasama ako at nanguna sa tinatawag naming noong “banal na listahan”.

Iba’t iba ang naging balita noon tungkol sa dahilan ng bigla niyang pagkawala sa eskuwelahan. Sabi ng iba ay lumipat na raw sila sa ibang bansa, ang iba naman ay kahihiyan daw sa sa pamilya ang dahilan kaya’t nagtago. Ngunit kahit isa doon ay wala silang napatunayan. Nawala na lang siya bigla sa sirkulasyon ng paaralan. Nawala na lang siya bigla sa sirkulasyon ng araw-araw na buhay ko.

Bigla ko na lang siyang naalala noong makita kong muli ang pangalan niya.

Sa pagkakataong ito, unang-una pa rin siya. Sa isang dyaryo, katatapos lang magpakasal sa iba.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.