Ang Niyog at Ang Magtutuba

Ang Niyog at Ang Magtutuba
Makabagong Pabula ni Jess Guim

Green coconuts
Green coconuts (Photo credit: Wikipedia)

Malungkot na pumunta sa niyugan si Selmo, para palipasin ang kanyang paghihinagpis sa kasawiang natamo sa kanyang pag-ibig. Sumama sa ibang lalaki ang nililigawan niyang si Maria.

Sa puno ng isang mataas at malapad na niyog, siya ay luhaang umakyat. Hindi niya kayang dalhin ang kapanglawang dulot ng sugat sa puso, kaya’t siya’y magpapakamatay. Pagdating sa ituktok ng puno, ay walang alinlangan siyang humanda sa pagtalon.

“Diyos ko, patawarin mo po ako sa gagawin kong ito. Ang tanging nagbibigay-buhay sa bawat araw ng aking pagtutuba sa niyugang ito ay wala na. Sumama siya sa lalaking mas may kakayahang siya’y buhayin at paligayahin.”

Bibitaw na siya sa kanyang pagkahawak sa palaspas, nang biglang magsalita ang niyog mismo. “Hintay, Selmo! Hindi pa katapusan ng lahat.”

Nabigla si Selmo. Pero, natanto niyang ang niyog mismo ang nagsalita. “Ngunit ano pang saysay ng aking buhay, kung ang babaing minahal ko sa buhay ay sumama sa ibang lalaki?” Tanong niya sa niyog.

“Selmo,” agaw ng niyog, “Nakikita mo ba ang mga bungang niyog sa damuhan sa ibaba? Sila’y sadyang inilaglag ng kani-kanilang punong pinanggalingan.”

“Ano ang relasyon nila sa pagpapakamatay ko ngayon?” Tanong ni Selmo.

“Sila ay katulad ko noon, linaglag din ng punong namunga sa akin. Pero, tingnan mo ako ngayon… Matayog na ang naabot. Halos abot-kamay lang ang mga alapaap sa langit… Hitik na hitik sa mga bunga.”

“Hindi ko pa rin makuha ang ibig mo’ng sabihin. Diretsahin mo na nga ako!” Pasigaw na inagaw ni Selmo ang pagpapaliwanag ng niyog.

“Sa mga damuhang iyan, hindi ako nagpadaig makipag-agawang tumubo at mabuhay. Pinilit ko’ng magka-ugat ng malalim, habang patuloy na tumataas ang aking puno sa pagsagap ng hangin, araw, at tubig, para abutin ang tayog na naabot ko ngayon.”

“Sa madaling salita, malakas at buo ang loob mo’ng magtagumpay sa buhay kahit ikaw ay nag-iisa,” dagdag ni Selmo. “Katulad ni Dawn Zulueta… ‘yong Emily sa teleserying ‘Walang Hanggan.’ Iniwanan din ng kasintahan, at nagpakayaman sa halip na malugmok sa kapighatian sa puso!”

“‘Yon! ‘Yon nga! Narinig ko ‘yan kahapon sa kuwentuhan ng dalawang magtutuba na umakyat din dito, at diyan sa katabi kong niyog. Tularan mo si Emily, bumabangon, at sumumpa sa sarili na hindi na muling magpapadaig sa mundo. Kaya’t sige na, bumaba ka na, at ihanda mo ang iyong sarili sa isang magandang bukas. Darating ang panahon, ikaw ang pag-aagawan ng mga babae, kung makita nilang kaya mo silang buhayin at bigyan ng kaligayahan sa’yong piling.”

Bumaba ng mahinahon si Selmo. Habang dumadausdos sa katawan ng niyog, nag-iisang nagsalita ito sa sarili. “Mabuti na lang naalala ko sa itaas ang teleserying ‘Walang Hanggan.’ Kung natuluyan akong nagpakamatay, hindi ko na muling makikita si Richard Gomez – ang lalaking mas mabigat sa puso ko.”

BOINK! Isang bungang-niyog ang bumagsak sa ulo ni Selmo, saka nahimatay nang bumagsak sa damuhan. Sabi ng punong-niyog, “Gago ka pala, E! Kaya naman pala iniwanan ka ng babaing nililigawan mo… Pusong-babae ka pala!…Paggising mo, sana’y maging lalaki ka na…”

(Sundan ang iba pang kuwento ni Jess Guim sa http://jessguim.com )

 

 

km

Enhanced by Zemanta