Ang Mga Rosas at Bituin

rose and stars (Photo Credit: thespecialoccasions)
rose and stars (Photo Credit: thespecialoccasions)
rose and stars (Photo Credit: thespecialoccasions)

Alas kuwatro iyon ng hapon, araw ng Sabado, noong una ko siyang makita.

Nakaupo ako sa harapan ng aming bahay at nagpapahangin. Kasabay noon ay pinakikialaman ko rin ang kamera ko. Kumukuha ng litrato mula sa iba’t ibang anggulo. Mga ibon na nakadapo mula sa sanga ng punong nasa harapan ng aming tahanan. Ang asul na langit at ang mga dahon na sumasayaw sa hangin. Ginagawa ko iyon tuwing araw ng Sabado.

Dati pa, nais ko nang maging isang sikat na taga-kuha ng litrato –  litratong may kuwento. ‘Yung tipong hindi nasasayang ang bawat pag-ikot ng lente, yung bawat kuha eh tila ba may sinasabing mahalaga. Dito ko ‘yun nais simulan sa harapan ng bahay namin. Kaya naman hindi ako tumitigil hangga’t hindi ko iyon nagagawa. Hangga’t hindi ko nahahanap ang litratong makapagbibigay sa akin ng kakuntentuhan at saya.

Muli akong sumilip sa kamera ko noon, iniikot-ikot ang lente at muling kumuha ng tamang anggulo. Mula sa kanan, tapos sa kaliwa, hanggang sa dahan-dahan akong tumingala. Natuon noon ang aking pansin sa mga maliliit at pulang mga rosas na nasa rooftop ng aming kapit-bahay. Noon ko lang iyon nakita doon, ang gaganda nila at nakatatawag talaga ng pansin. Lalo pa’t ang langit at mga ulap ang nagmistulang background nila.

Humahanap na ako noon ng tamang anggulo upang kuhanan sila. Nang may nakita akong isang binatang lalaki sa tabi nila. Parang nagulat din siya nang mapatingin sa akin. Tulad ng mga rosas, noon ko rin lamang siya nakita sa malaking bahay na iyon.

Dali-dali kong tinanggal ang kamera, saka tumingala ng isa pang beses, baka nagkakamali lang ako. Ngunit nandoon pa rin siya at nakatingin. Tulad ko, tila nagtataka rin.

Dahan-dahan ko kunwaring itinuon ang kamera sa ibang direksyon. Yumuko, at dahan-dahan din na pumasok sa tahanan. Nahiya ako, marahil kanina pa siya nandoon at nakatingin. Mukha pa naman akong ewan kapag hawak ko na ang kamera ko. Kung anu-ano na kasi ang nagiging hitsura ko lalo na kapag kumukuha ng tamang anggulo.

Nawala na ang binatang iyon sa isip ko, hanggang sa dumating muli ang araw ng Sabado.

Hawak kong muli ang pangkuha ko ng litrato, heto at natanaw kong muli ang mga pulang rosas na nakasilip. Sa oras na ito, pursigido na akong kuhanan sila. Tumingala pa akong muli, tila ba sinisilip kung mayroong isang binata na muling tatabi sa kanila. Habang wala, tinutok kong muli ang mga lente ng kamera sa kanila. Handa na akong kuhanan sila ng litrato, nang may narinig akong boses sa labas ng aming bakuran.

“Mas maganda sila mula sa itaas,” ang sabi nito.

Nagulat ako noon at dalawang beses ko pa siyang tinignan, hanggang sa makilala ko kung sino ang nagsalita. Siya ‘yung binatang lalaki na nakatayo katabi ang mga rosas noong nakaraang Sabado.

“Ah… hindi okay na dito. Pasensya na kung kinukuhanan ko ah,” sabay na ibinaba ang kamerang hawak ko.

“Naku, wala ‘yun. Mukha lang kasing hirap na hirap ka dyan. Dalawa o tatlong piraso lang yata ang natatanaw mo mula dito. Mas marami sila sa itaas, iba’t ibang kulay,” sabi niya.

“Hi-hindi… hindi na. Salamat, nakahihiya naman. Pasensiya na ulit,” tanggi ko.

“Umm, sige. Wala naman talaga iyon. Pero matagal ko na kasing napapansin na naghahanap ka ng magandang litrato. Para saan ba ‘yan?” pagtataka niya.

“Wala naman… Hobby lang siguro,” nakayuko kong sagot.

“Ah… sige. Sigurado kang ayaw mong makita sila mula sa itaas?” tanong niyang muli.

Nag-isip akong muli. Ito na siguro ang pagkakataon upang makakuha ako ng litratong matagal ko nang hinahanap. Baka wala na akong pagkakataon sa susunod at magsisi pa ako.

“Seryoso ka sa sinabi mong ayos lang na kuhanan sila mula sa itaas ‘di ba?” tanong kong muli.

“Haha! Oo naman. Kanina pa nga kita niyayaya eh,” nakangiting sagot niya.

Minamasdan ko siya habang papaakyat kami sa rooftop ng kanilang tahanan. Simpleng lalaki, matangkad, tingin ko mas matanda lang siya sa akin ng kaunting taon. Naka-t-shirt ng kulay puti, naka-maong na pantalon, maayos ang pagkakasuklay sa buhok na itim na itim. Naka eyeglasses din siya, ang nagbibigay ng intelehenteng impresyon sa kahit sinong makasasalubong niya.

“Nandito na tayo,” ang sabi niya pagkatungtong niya sa huling baitang ng hagdan.

Dali-dali akong umakyat na noong mga oras na iyon ay nahuhuli, at pinagmamasdan siya mula sa likuran.

“Wooooow!” ang tanging katagang nabanggit ko noong makatungtong ako sa rooftop. Sari-saring mga kulay ng bulaklak, pula, dilaw, puti, at ilang mga orchids, hindi ko na rin kilala ang iba pa, basta marami. Napaliligiran ako ng mga bulaklak at ang presko pa ng hangin.

“Haha! Napamangha mo ako! Paano mo ‘to nagawa? Matagal ka na ba rito sa lugar namin?”

“Ang totoo niyan, Botanist ako by profession. Umm, magdadalawang buwan pa lang ako dito sa inyo. ‘yung mga nakikita mo ngayon, kaunti pa lang iyan. Mas marami sa dating bahay ko.” Ang nakangiting sagot niya.

“Waw! Astig! Botanist!” sabi ko, sabay kuha sa kamera ko. Muling kumuha ng anggulo, saka kumuha ng litrato ng bawat bulaklak na makikita ko. “Ang ganda nito! Alam mo bang matagal ko na ‘tong gusto? Kaya lang walang sense palagi yung nakukuhanan ko. Walang kuwento, alam mo na,” sabi ko habang kumukuha ng litrato. Sa sobrang tuwa, hindi ko na namamalayan na marami na pala akong nakukuwento sa kaniya.

“Oo, alam ko. Madalas kitang nakikitang hawak ang kamera mo. Minsan nga nakaluhod ka pa, makuhanan lang yung gusto mo. Pero dahil hindi ka kuntento, nakikita ko rin na madalas kang napaiiling.”

Napatigil ako sa pagkuha ng litrato. “So… matagal mo na akong nakikita?” tanong kong muli.

“Oo, magdadalawang buwan na rin, simula nang lumipat ako rito. ‘Yung mga rosas kasi. Kung saan mo sila nakikitang nakasilip mula sa ibaba, iyan ang pinakagusto kong puwesto nila. Kapag lumabas na ang mga bituin mamaya, malalaman mo kung bakit.” Sabi niya.

Nag-usap kami habang hinihintay na lumabas ang mga bituin. Hindi ko alam kung bakit sa sandaling oras ay ang lapit na ng loob ko sa kaniya. Nakikipagtawanan na ako, pati siya. Parang ang tagal na naming kilala ang bawat isa. May mga pagkakataong kinukuhanan ko siya ng litrato ng hindi niya alam. Tila ba unti-unti akong nakabubuo ng kuwento sa bawat litratong makukuhanan ko. Kuwento namin, at ng mga bulaklak, at ng dapit-hapon.

“So, gusto mo talaga ang maging isang kilalang photographer?” tanong niya.

“Oo, ang simple ‘no? Hindi ako mataas mangarap sabi nila, tuwing maririnig nila iyan,” sagot ko.

“Hindi ah, ang ganda nga eh. Ang mahirap kasi sa iba sinasabi nilang mataas ang pangarap. Ayan tuloy, hindi nila maabot,” seryosong sagot niya.

“Haha! Oo nga. Ang lalim mo rin ano?”

“Eh bakit iba ang pinili mong kurso?” tanong niya ng seryoso, sabay tawa ng mahina.

“Eh… ‘yun ang gusto nila eh,” simpleng sagot ko.

“Sana sila na lang ang pinag-aral mo,” sagot niya. Ilang segundong katahimikan ang  bumalot sa amin.

Nagulat na lang ako noong bigla siyang tumayo. Nagmamadali at nakangiti, habang hawak-hawak ang mga kamay ko.

“Ayan na. Ngayon, subukan mong tumayo sa parteng ito, yumuko ka ng kaunti, saka mo itapat yang kamera mo sa mga rosas na nasa harapan mo.” Sabi niya habang inaalalayan ako.

Ginawa ko ang mga sinabi niya. Yumuko ng kaunti, saka tinapat ang lente ng kamera ko sa gusto niyang direksyon. Pagsilip ko, namangha ako sa nakita.

Nagsama ang mga maliliit na ilaw ng mga bahay sa ibaba at ang mga maliliit na ilaw na mula sa mga bituin sa langit upang maging background. Ang mga pulang mga rosas naman ay tila lumulutang kasama nila sa himpapawid. Talagang nakamamangha, wala akong pag-aalinlangan noon na kuhanan iyon ng litrato ng maraming beses.

“Ang ganda ‘di ba? Ngayon, tuwing titingin ka sa langit sa gabi, hindi na lamang simpleng mga bituin ang makikita mo. Sa halip eh, mga bituin na may mga rosas at ikaw lang ang mayroon noon.”

Muli kong tinignan ang litratong nakuha ko. Nalaman ko sa oras ding iyon na, nakakita na ako ng litrato na may sarili nitong kuwento.

Nagpasalamat ako sa kaniya bago umuwi muli ng bahay. Hindi lang iyon ang huling pagkakataon na tumungtong ako sa rooftop ng malaking bahay na iyon. Mula doon ay nakagawa pa kami ng kuwento mula sa lirato ng mga tao mula sa itaas. Hindi lang din iyon ang huling pagkakataon na nakita ko siyang ngumiti sa akin mula sa itaas tuwing nakikita niyang hawak ko ang kamera ko. Hindi lang iyon ang huling pagkakataong may natutunan ako mula sa kaniya.

Unti-unting naging importante sa akin ang araw ng Sabado dahil sa mga rosas at bituin na sabay naming pinagmamasdan. Unti-unting naging importante sa akin ang araw ng Sabado dahil sa kaniya. Hanggang sa isang araw, bigla na lamang siyang nawala. Iwan ang mga rosas na nakasilip mula sa malaking bahay na iyon.

Apat na taon na rin ang lumipas simula nang araw na iyon. Isa na rin akong photographer ng isang magazine na tungkol sa kalikasan ang tema. Dahil ito sa kaniya, at sa litratong kinuhanan naming dalawa.

Ngayon, tuwing sasapit na ang araw ng Sabado, tuwing didilim na ang langit at lalabas ang mga bituin, sisilip ako sa lente ng kamera at sa mga rosas sa itaas. Naghihintay sa lalaking nasa tabi nila palagi at nakangiti.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.