Ang Mga Pangaral Ni Itay

(Photo Credit: psquare.org)
(Photo Credit: psquare.org)
(Photo Credit: psquare.org)

DAGLING napalis ang ngiti sa mga labi ng kinse anyos anyos na si Brix nang tumambad sa harap niya sa may pintuan nila ang amang si Mang Gerry.

Kunot ang noo, nakahalukipkip habang nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya na halatang nagpupuyos sa galit.

Paano’y pasado alas-diyes na nang gabi ngunit ngayon pa lang nakauwi ng bahay si Brix mula sa eskuwelahan na kanina pa hinihintay ni Mang Gerry.

Waring nakikini-kinita na ni Brix ang mga susunod na eksena. Kaya inihanda na rin niya ang sarili.

“Ano na naman ba’ng palusot ang sasabihin mo sa ‘kin ngayon, ha? Ayaw mo talagang magtino, ano?!” singhal ni Mang Gerry.

“Maaga pa naman, e. Alas-diyes pa lang. Saka, sa bahay naman ako nina Dereck tumambay. May tinapos lang kaming proyekto!” palusot niya na ni hindi man lang natinag sa ama.

Ganito makipag-usap si Brix sa ama. Ni ‘po’ at ‘opo’ ay hindi niya masabi na para bang kaedaran lang niya ang kausap.

Bagay na lalong nagpangitngit sa galit na galit na si Mang Gerry.

Bibigwasan sana ito ng ama ngunit nakapagpigil din ito.

“Kung lagi ka na lang aastang ganyan, walang magandang kinabukasan ang naghihintay sa ‘yo. Sa tingin mo ba maganda ‘yang ginagawa mong laging umuuwi ng gabi? Kailan ka ba magtitino?” mataas pa rin ang boses na hayag ng ama.

“Malaki na ako. Kaya ko nang protektahan ang sarili ko. Kung ‘yan ang ikinababahala ninyo,” ang tugon ni Brix. Hindi pa rin alintana ang mga sinasabi ng ama sa kanya.

“Sa edad mong ‘yan, marami ka pang dapat matutunan. At hindi komo nakakapaglakad ka na nang mag-isa ay babalewalain mo na rin ang mga sinasabi namin sa ‘yo. Pinapangaralan kita dahil din ‘yan sa kabutihan mo. Kaso, ikaw pa ‘tong nagmamatigas!”

“E, kasi wala naman akong ginagawang masama? Kayo lang ‘tong masyadong paranoid!” iritableng dugsong ni Brix, saka walang habas itong pumasok sa loob na nagdadabog.

Naiwan naman sa kinatatayuan nito ang nanlulumong si Mang Gerry. Para siyang aatakehin sa puso sa naging asal ng kanilang unico hijo.

ANG totoo, may katigasan talaga ng ulo si Brix. Spoiled ‘ika nga. Pero hindi nagkulang ang mag-asawang Gerry at Nancy sa pangangaral sa kanilang anak. Lalo na itong si Mang Gerry.

Malimit niya itong pagsabihan o sitahin. Lalo na kapag ganitong gabi na kung umuwi ng bahay. Minsan na rin kasi niya itong nahuli na umuwi na lango sa alak. Napakabata pa nito para malulong sa bisyo, lalo na ang alak. Bagay na lubos na ikinalulungkot nilang mag-asawa.

Kaya mula noon, todo bantay na silang mag-asawa kay Brix. Kaya lang ay sadyang matigas ang ulo nito.

NANG sumunod na araw, nagtatalo na naman ang mag-amang Gerry at Brix.

“Lumiban ka na naman sa klase. Napapadalas yata ang pag-absent mo ha?” ani Mang Gerry sa anak na prenteng nakahilata sa loob ng kuwarto nito. Mataas na ang sikat ng araw. Pero tila wala itong balak tumayo mula sa higaan.

Nagtakip lang ng unan sa mukha si Brix. Halatang ayaw niyang paistorbo.

Ngunit lalo lang nagpuyos sa galit si Mang Gerry sa inasal ng anak. Hinablot niya ang unan na nakatakip sa mukha nito.

“Kinakausap kita kaya umayos ka! Bakit hindi ka na naman pumasok?” anang ama.

“Tinatamad ako!” simpleng tugon ni Brix.

“Pa’no ka tatamarin e wala ka namang ginawa kundi humilata? Kung hindi naman, doon ka lagi sa bahay ng kung sino-sino tumatambay!”

“Buhay ko ‘to. Kaya pabayaan n’yo na lang ako!” ang pasigaw na turan ni Brix.

Nagpanting ang mga tenga ni Mang Gerry sa sinabi ng anak kaya naman hindi na niya napigilan ang sarili. Nasampal niya ito sa kanang pisngi.

May kalakasan ang pagkakasampal ni Mang Gerry kaya napasapo si Brix sa kanyang pisngi habang tigagal. Ito ang unang beses na pinagbuhatan siya ng kamay ng ama.

SIMULA noon ay mas lalong lumayo ang loob ni Brix sa ama. Lalo din siyang naging pasaway. Ni hindi niya kinakausap ang ama na para bang hindi niya ito kilala. Ang inang si Aling Nancy lang siya nakikipag-usap.

Ngunit habang tumatagal, lalong nalalagay sa masalimuot na sitwasyon si Brix. Bagama’t patuloy pa rin siyang pinapangaralan ng mga magulang, doon naman siya lalong nagpapasaway.

Bukod sa lagi siyang umuuwi ng dis-oras nang gabi sa bahay, ay mas nalulong pa siya sa alak at sigarilyo. Napapabayaan na rin niya ang kanyang pag-aaral dahil sa mga bisyong ito.

HANGGANG isang araw….

“Brix, b-buntis ako. Anong gagawin natin?” anang girlfriend na si Tanya kay Brix habang magkasama ang mga ito.

Apat na buwan pa lang na magkasintahan ang mga ito. Ngunit ilang beses na nilang ginawa ang magtalik.

Schoolmate sina Brix at Tanya. At kapwa mga menor-de-edad pa lamang ang mga ito.

Hindi alam ni Brix ang isasagot sa naging pagtatapat ni Tanya. Parang ngayon lang siya nakaramdam ng pagkabahala. O mas tamang sabihin na ‘takot’. Dahil paano na ang kanyang kinabukasan kung magiging batang ama siya? Ni hindi pa siya nakaka-graduate man lang ng high-school. Sila ni Tanya.

“Ano Brix, hindi ka man lang ba magsasalita? Iniisip mo bang gawa-gawa ko lang ito o naduduwag ka lang?” pukaw ni Tanya na halata na ang pagkairitable dahil sa kanyang pananahimik.

“Anong gusto mong sabihin ko? Na natutuwa ako na buntis ka, ganu’n ba? Napakabata pa natin para maging mga magulang!” tugon niya.

“E, gago ka naman pala! Akala ko ba mahal mo ako? Anong gusto mong gawin ko ngayon, ha? Pareho nating ginusto ‘to. Kaya magpakalalaki ka!” ang mangiyak-ngiyak nang sambit ni Tanya, saka ito mabilis na umalis.

Hindi na pinigilan ni Brix ang umiiyak na nobya. Maski siya ay na-shock din. At ngayon lang tila nag-sink in sa isip niya ang mga pangaral lagi ng kanyang ama na si Mang Gerry…

“Gusto namin ng Inay mo na mag-aral kang mabuti. Dahil para rin ‘yan sa kinabukasan mo. Nandito lang kami lagi na mga magulang mo para gabayan ka at turuan kung ano ang tama at mali…”

“Aral muna ang atupagin mo bago ang pakikipag-nobya. Ang pag-ibig ay makakapaghintay ‘yan. Kaya mag focus ka sana lagi sa pag-aaral mo anak…”

“Pinangangaralan ka namin dahil mahal ka namin. Hindi kami nagagalit sa ‘yo para pasakitan ka. Sinasabi lang namin kung ano ang tama at mas makakabuti sa ‘yo…”

“Mahirap maging ama. Lalo na kapag hindi ka handa o wala kang sapat na edukasyon. Kaya sana, isipin mo muna ang iyong kinabukasan. Para kapag dumating ‘yong tamang panahon na kailangan mo na ring magkapamilya, ay handa ka at hindi ka mahirapan.”

“Magiging ama ka rin kaya maiintindihan mo rin balang-araw kung bakit kita pinapangaralan. Walang ama na gugustuhing mapariwara ang kanyang anak!”

NAMALAYAN na lang ni Brix na unti-unti siyang dinadala ng kanyang mga paa sa kanila habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata. Ngayon niya unti-unting napagtanto ang mga naging kamalian niya. At sa unang pagkakataon, ngayon lang sumagi sa isip niya na tama ang kanyang ama sa mga pangaral nito lagi sa kanya.

Huli man para magsisi siya. Wala siyang ibang puwedeng malapitan kundi ang kanyang mga magulang lamang. Sa ganitong pagkakataon, sila lang ang makakaunawa sa kanya.

At kung nakinig lang sana siya sa mga pangaral ng kanyang ama, siguro ay hindi siya malalagay sa ganitong sitwasyon. Ang makabuntis nang wala sa takdang panahon.

Paano na ang kanyang kinabukasan kung magiging batang ama siya? Sila ni Tanya? Kakayanin na ba nila ang maging mga magulang?

“Kung nakinig lang sana ako sa inyo, Itay. Ngayon ko pinagsisisihan lahat ng pagkukulang ko sa inyo at mga katigasan ng aking ulo!” sambit ni Brix sa sarili.

At totoong laging nasa huli ang pagsisisi!!!

W A K A S

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!