Ang Mensaheng Nagmula sa Iyo

Kapag binabasa kong muli ang mga mensaheng nagmula sa ‘yo, hindi ko mapigilang mapangiti.

Para bang name-memorya ko na ang bawat kataga pati na rin mga salita, emosyon at ngiti. Nakakakiliti ang mga paru-parong naglalaro sa aking tiyan kaya madalas natatagpuan ko nalang ang aking mga mata na titingin sa kaliwa hanggang sa kanan. Walang katapusan kaya’t parati kong hindi namamalayan ang pagtakbo ng oras. Paulit-ulit kong binabasa ang mga mensaheng nagmula sa’yo.

Sa totoo lang, nakakabaliw na para bang isang bawal na gamot, itigil ko man ay hahanap-hanapin ko pa rin. Subalit ‘wag naman sana dahil masama pa rin. Palagi kang dumadapo sa isip ko. Mula sa lugar kung saan ka naroon hanggang sa lugar kung saan ako nakaupo ngayon. Alam mo bang nakatago pa rin dito sa bagay na hawak ko nagmula pa sa modernong mundo, ang mga mensaheng nanggaling sa’yo? ‘Wag naman sana akong tawanan sapagkat ito’y totoo. Bagama’t hindi mapigil ang tawa, magiging masaya na rin dahil kahit paano’y napangiti ka ng sarili kong kahangalan.

Ano kayang ginagawa mo ngayon? Hawak mo rin ba ang modernong bagay na nagmula pa sa modernong mundo?

Kung oo, anong naiisip mo? O anong iniisip mo? Sapagkat ngayon, ako ay naghihintay. Ako ay naghihintay na baka sakaling may lumantad na kahit isa o kahit blankong mensahe basta galing sa’yo dito sa modernong bagay na hawak ko. Alam ko… Ibang modernong bagay ang hawak mo. Kung saan labis kang nasisiyahan, kung saan wala ka ring pakialam. ‘Wag mo sanang kalimutan…sayo’y mayroon pang naghihintay.

Hindi naman masama ang maghintay, hindi ba? Pero hanggang kelan nga ba dapat maghintay? Kapag napagod? Kapag nabagot? Kapag nalungkot? Anuman ang sagot heto, ang lahat ng mensahe mo. Kung nais mong bawiin, burahin o sunugin, magiging handa nalang ako.

Pasensya ka na ngunit matagal na akong sumuko sa pagsuko sa ‘yo. Nakababagot. Nakalulungkot. Nakapapagod. Tama…dahil tao lang din ako. Ngunit hindi ko nais ang huminto…magpapahinga ako. Magpapahinga ako at muli’y hihintayin ang magiging mensahe mo.

text messageaaa

About Badzilla

Isang naghahangad na makalaya at tuluyan ng makapaglingkod sa Kanya. Isa ring naliligaw at tanging pagsulat lamang kasiyahan at kakayahan.