Ang May Akda ng libro

Minsan may nagtanong sa akin, bakit daw ang hilig kong magsulat ng mga tula at maiiksing kuwento samantalang wala namang nagbabasa?

Sa pagkakataong iyon, napahinto ako at napatitig sa kanya. Ngunit naisip ko rin na tama ang mga salitang sinabi niya. Nakakatawa nang minsang matagpuan ko ang sarili kong tumatawa. Nakababaliw pala ang mabaliw sa ‘yo kaya nagsulat ako noon. Binuhay ko ang bagong ikaw. Ikaw na aangkop sa katangian ng isang prinsipeng magliligtas sa kanyang prinsesa.

Naglakbay ka kung saan dala ang pag-ibig mong nakalaan lamang sa kanya at wala nang iba. Sa pamamagitan ng espada mong dala na hinulma pa sa apoy at asupre, ay pinuksa mo ang mga halimaw na humahadlang sa iyong daan. Sa mga salitang iyong naulinigan na pakiwari mo ay hindi totoo, ay pinansalag mo ang isang metal na yari pa sa mamahaling ginto na hindi mahahanap ng sinuman.

Binagtas mo ang isang masukal na gubat nang hindi alintana ang pagal at puyat. Pero sa loob mo ika’y nagtataka, ang prinsesang iyong sinisinta ay tila ba iba. Mahiwaga ngunit kataka-taka. Kakaiba para bang bago sa iyong pandama. Pero ayaw mong ikaila dahil sa paniniwala mong puso ang nagdidikta. Habang binabaybay mo ang daan patungo sa iyong minamahal ay binabagtas na rin ng iyong minamahal ang daan patungo sa iyo.

Ang prinsesang nag-iisa ay nagsimula na ring maglakbay. Sa kahabahaan ng isang tulay siya ay naghihintay taglay man ang  pusong nalulumbay. Baka sakaling ang prinsipeng kanyang sinisinta ay masaksihan ng kanyang mga mata. Nagpaikot-ikot siya dahil sa kaba, isang libro ang nasumpungan niya. Sinimulan niyang basahin at unti-unti’y kanyang nalirip ang katotohan sa pagitan nila. Nakakaawa dahil kahit ang sarili niya ay napaniwala niya sa mga sakim niyang kataga. Umagos ang kanyang mga luha at totoo nga…Ang May Akda ng librong hawak niya, ang Siyang tunay na magpapasiya.

Sa wakas, ngayon hangad ko na ang katapusan ng istorya nating dalawa. Ikaw na gawa lamang ng aking imahinasyon at munting pag-asa. Ikaw na binigyan ko ng bagong pagkatao upang ang bagong ikaw ay mabuhay sa kwentong ako ang bumuo. Handa na ako. Paalam aking prinsipe. Ang huling pahina ay akin ng isasara. Tapos na. Tapos na ang kwentong ito.

Dumating ang taglamig at ang prinsipe ay napagod sa kawalan ng pag-asa…ang mga alaalang itinapon sa walang hanggang bangin ay unti-unti niyang nasisilayan. Siya’y  nagpaagos na lamang sa mga ingay at masamang amoy ng kasinungalingan. Naunawaan na niya…isa siyang hangal. Dahil ang babaeng kanyang ipinaglalabanan ay hindi ang tunay niyang minamahal.

About Badzilla

Isang naghahangad na makalaya at tuluyan ng makapaglingkod sa Kanya. Isa ring naliligaw at tanging pagsulat lamang kasiyahan at kakayahan.