Ang Masasayang Alaala Tuwing Umuulan

image

Tag-ulan na naman. Kapag umuulan ay bumabalik sa akin ang mga masasayang alaala ng aking kabataan.

Kahit pa minsan ang dulot nito ay pagbaha sa ibang lugar sa Pilipinas, sa amin naman sa Mindanao ay kasiyahan ang hatid nito sa mga kabataan. Mas malakas at matagal na ulan ay mas masaya.

Kapag mag-uumpisa na ang pagpatak ng ulan ay pinagdarasal namin na mas lumakas pa ito para makaligo. Kasi pag magpapaalam kami sa Nanay namin ay isasagot niya na hintayin munang lumakas ito.

Kaya kapag ambon lang ay walang ligong magaganap. Pero kapag lumakas pa ito ay sigurado na ang kasiyahan.Takbuhan na kami sa tapat namin na school at doon maghahabulan.

Hindi namin alintana ang lakas ng ulan na minsan may kasama pang hangin. Kahit pa luma na ang school namin ay matibay naman ito at hindi nililipad ng hangin ang mga yero. At kahit pa malalaki ang mga puno ng mahogany at makopa o mangga sa bakod ng school ay hindi naman ito nababalian ng sanga.

Tumatapat kami sa alulod ng school at doon dinarama ang patak ng malalakas na ulan.

Gumagawa kami ng parang dam sa kanal. Tinatabunan namin ng lupa at putik ang maliit na kanal at nilalagyan ng tangkay ng dahon ng papaya. Itutusok ito sa ginawang harang sa kanal at ayun may parang poso ka na!

Doon din sa kanal na ‘yun kami magpapalutang ng bangkang papel. Malilit at malalaking papel ang ginagawa namin. Maya-maya pupunta na kami sa plaza dala ang basketbol at doon maglalaro habang umuulan.

Hangga’t hindi kami nanginginig sa lamig ay hindi kami umuuwi. O kaya naman kapag pinatawag na kami ng mga magulang namin at kadalasan may kasamang palo dahil sa kadalasan ay hindi namin pinapakingan ang tawag nito lalo na kapag nasa kasarapan ng laro.

Pagkatapos ng masayang paliligo sa ulan ay magbabanlaw sa poso. Pagkatapos ay kakain na ng sinabawang gulay tapos may tuyo o bagoong na isda na may sili at kalamansi. Minsan naman ay nilagang hilaw na saging na isasawsaw sa bagoong na isda na may sili at kalamansi ang tanghalian o miryenda, ang sarap talaga! (Sa mga hindi pa nakakatikim nito ay subukan n’yo).

Kahit kadalasan kapag tag ulan ay panahon naman ng taghirap, hindi namin ito alintana noong kabataan pa namin dahil ang mahalaga ay mag-enjoy sa paliligo sa ulan. Kahit ano pa ang kakainin, basta ang mahalaga ay masaya kasama ang mga kaibigan at kapamilya, gaano paman katagal ang tag ulan!

Ikaw, Kabayan, ano ang masasayang naaalala mo tuwing umuulan?

About Tonyo

OFW from UAE who wants to share life experiences while working abroad.I hope I will be an inspiration sa mga readers.