Ang Manika ni Lilay

manika“LILAY, anak, halika na’t kumain na tayo ng hapunan at para maaga ka na ring makatulog. May pasok na kayo bukas,” ang malambing na yaya ni Rosemarie sa unica-hija nang gabing iyon.

Nakahiga lang si Lilibeth o Lilay habang mahigpit nitong yakap ang manika na halos kasing-laki niya. Iyon ang regalo ng kanyang daddy Xavier noong kaarawan niya nang nakaraang buwan lamang. Lagi iyong niyayakap ni Lilay at halos ayaw na niyang bitawan kapag nasa bahay siya.

Anim na taong gulang na si Lilay at grade-one na ito.

“Hindi pa po ako gutom, Mi,” ang sagot ni Lilay.

“Naku anak, paborito mo pa naman ang niluto ko. Diba request mong pagkaen ngayon ay adobong manok?”

“Mamaya na lang po ako kakain,” ang matamlay na pilit ni Lilay.

Napapabuntong-hininga na napatitig na lang si Rosemarie sa anak. Batid niyang malaki ang itinamlay at ikinalungkot ng kanyang unica hija simula nang pumanaw ang daddy Xavier nito dalawang linggo pa lamang ang nakararaan.

Namatay ang kanyang asawa sa isang aksidente sa motor nang papauwi ito mula sa trabaho. Kasagsagan iyon nang pagbuhos ng malakas na ulan at sa kahabaan ng highway ito binangga ng rumaragasang bus na dead on the spot.

At ang kanilang si Lilay ang higit na apektado sa pagkawala ng pinakamamahal nitong si Daddy Xavier. Simula’t sapul kasi ay malapit sa kanyang daddy si Lilay. Daddy’s girl ito. Kaya ganito na lamang katindi ang naging epekto sa murang edad ng bata sa maagang pagpanaw ng kanilang padre de pamilya.

Siya ma’y ganoon din kaapektado sa pagkawala ng asawang si Xavier. Pero pinipilit niyang magpakatatag para sa kanila ng kanyang unica hija. Sila na lang kasi ngayong dalawa ang magkasama sa loob ng bahay na iyon na ipinundar nilang mag-asawa. At ayaw niyang makita ni Lilay na masyado pa rin siyang nalulungkot sa pagkawala ng mister.

“Miss ko na si daddy, Mi,” pagdaka’y bulalas ni Lilay.

Ramdan ni Rosemarie ang pangungulila ng anak sa asawa.

“Bakit maaga siyang kinuha ni Jesus, Mi? Wala na tuloy akong daddy.”

Niyakap ni Rosemarie ang anak. “Anak, kahit wala na si daddy. Lagi ka pa rin niyang binabantayan at tinitignan mula sa langit. Saka, nandito naman ako, diba? Love na love ka rin ni mommy.”

Hinawakan ni Rosemarie ang manika na yakap pa rin ng anak. Kulay asul ang mga mata nito na may mahabang pilik-mata. Mahabang buhok na kulay dilaw at maputing balat. Parang may buhay ang manika kung iyong pagmamasdan.

“Saka, nandito din si Emily kasama natin. Siya ang best gift na binigay ni daddy Xavier sa’yo, diba?”

“Opo. Kaya kapag malungkot ako at naaalala ko si daddy, si Emily ang niyayakap ko,” ani Lilay.

Napamahal na sa kanyang anak ang manika na huling regalo ni Xavier rito. At tanda pa ni Rosemarie ang huling sinabi ng kanyang asawa sa kanilang anak bago nito ibigay ang manika na noo’y kaarawan nito.

“Ito ang gift ni daddy sa’yo ngayong birthday mo. Hindi ba matagal mo nang pinabibili sa’kin ‘to?” ani Xavier habang iniaabot ang manika na hindi pa natatanggal mula sa plastic na kinalalagyan nito.

Tuwang-tuwang inabot ito ni Lilay. “Yehey! Salamat da. I love you!” sabay halik sa ama.

Niyakap naman ni Xavier ang anak pagkatapos.

“Ingatan mo ‘yan anak, ha? At kapag nasa trabaho si daddy at wala kang kalaro’t busy si mommy dito sa loob ng bahay, si Emily ang makakalaro mo.”

“Emily ang pangalan niya daddy?” namilog ang mga mata ni Lilay.

“Oo. Ayaw mo ba ng Emily?”

“Gusto po. Saka, pramis, iingatan ko siya kasi gift mo po ito, e.”

“Pero pramis mo din na mag-aaral ka ng mabuti ha? Para masaya kami ni mommy. Dapat mataas din lagi ang grades mo sa school,” ani Xavier.

“Pramis po.”

Hinalikan ni Xavier sa labi ang anak. “I love you, ‘nak. Tatandaan mo lagi na love na love ka ni daddy at mommy!”

“Love na love ko din po kayo ni mommy!”

SIMULA noon ay madalas na ngang nilalaro ni Lilay ang manika nito. Lalo na kapag nasa bahay ito at tapos na nito ang mga assignment. Para na nga ring kapatid kung ituring niya ito na madalas din niyang binibihisan ng iba-ibang klase ng damit. At doon din mas lalong naging malapit ang mag-ama. Nakita ni Rosemarie na simula noong dumating si Emily ay mas naging close at masaya ang bonding ng dalawa.

Kaya lang, isang buwan lang ang nakararaan ay binawian na ng buhay ang kanyang pinakamamahal na asawa. At iyon na rin ang pinakamalungkot na sandali sa buhay nilang mag-ina. Lalo na sa kanyang unica hija. Na mas napalapit pa lalo sa manika nitong si Emily.

Marahil ay tumatak na sa isip ni Lilay na malaki ang naging bahagi ni Emily sa buhay at relasyon nilang mag-ama noong nabubuhay pa si Xavier. At kahit manika lamang itong maituturing na walang buhay, ay naging daan din ito para mas mapahalagahan ng kanilang anak ang pagmamahal niya sa kanyang daddy Xavier kahit pa ito ay sumakabilang-buhay na.

At si Rosemarie naman ay mananatiling isang mapagmahal at mabuting ama’t ina kay Lilay hanggang siya’y nabubuhay sa mundo!

W A K A S

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.