Ang Malaking Pagkakamali ni Renato Constantino sa kanyang aklat na “The Philippines: A Past Revisited”

Sa kanyang aklat na The Philippines: A Past Revisited (Lungsod ng Quezon: Tala Publishing Services, 1975), ipinagdiinan ni Renato Constantino na ang mga unang tao raw na tinawag na Filipino ay ang mga insulares o ang mga Espanyol na isinilang sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas (1565-1898). Kayâ, ang mga Espanyol na iyon daw ang mga orihinal na Pilipino, at hindi ang mga katutubo ng Pilipinas.

Sa pagdiriin na iyon ni Constantino, wala siyang ipinakitang anumang batayan, lalo na ang napakahalagang primary sources (pangunahing sanggunian). Wala. Basta sinabi lang niya na ang mga orihinal na Pilipino ay ang mga insulares.

Ang ginawang iyon ni Constantino ay isang malaking pagkakamali sa principles of historical research and writing (mga pamamaraan ng pananaliksik at pagsusulat sa kasaysayan). Kasi isang batas sa historyograpiya na kung may sasabihin o isusulat na paksa ang isang historyador o sinupamang tao, dapat ay mayroon siyang kapani-paniwalang batayan, gaya ng mga primary sources, bilang patunay sa kanyang sasabihin o isusulat.

Heto ang katotohanan. Sa kanyang aklat naman na Relación de las Islas Filipinas (Roma, Italya: 1604), tinawag ng may-akda niyon na si Padre Pedro Chirino ang mga Tagalog, Bisaya, Ita, at iba pang katutubo ng Pilipinas na Filipino. Iyon ang unang pagkakataon na ginamit ang teminong Filipino, at ipinantukoy iyon sa mga katutubo ng Pilipinas.

Si Chirino ay isang Heswita na inutusan ng kanyang Orden na magtungo sa Pilipinas upang tumulong sa pagpapalaganap ng Katolisismo. Dumating siya sa bansa noong 1590. Labindalawang ulit na tinawag ni Chirino sa kanyang aklat na Filipino ang mga katutubo:

“Ginagamit ng mga Filipino ang mga [dahon ng balete] sa kanilang pagluluto.”

“Ang mga [Ati] ay higit na barbaro at hindi pa napaaamo kaysa mga Bisaya at karamihan sa mga Filipino.”

“Tungkol sa pagpipitagan, paraan ng paggalang, at mabubuting asal ng mga Filipino.”

“Sa kanilang mga kilos, ang mga Filipino ay hindi kasingkiyas ng mga Tsino at Hapones; subalit mayroon siláng sariling mga akda ng pagkamagalang at mabubuting asal, lalo na ang mga Tagalo na kaygagalang sa salita at kilos.”

“Ang mga Titik [Alpabeto] ng mga Filipino.”

“Tungkol sa mga huwad na paganong relihiyon, idolatriya, at pamahiin ng mga Filipino.”

“Tungkol sa pag-aasawa, bigay-káya, at diborsiyo ng mga Filipino.”

“Ang una at huling paraan ng paglutas ng mga Filipino sa mga suliranin ng pagkakasakit ay, gaya ng atin nang nabanggit, ang paghahandog ng mga alay sa kanilang mga anito o divata, na siyang mga panginoon nila.”

“Tungkol sa mga kasiyahan at paglalasing ng mga Filipino.”

“Tungkol sa pagpapautang at pang-aalipin ng mga Filipino.”

“Hindi kailanman nagkaroon ang mga Filipino … .”

“Ang mga paraan ng pagbibigay ng pangalan ng mga Filipino.

Hayan, malinaw pa sa síkat ng araw na ang mga unang tao na tinawag na Filipino—o ang mga orihinal na Pilipino—ay ang mga katutubo mismo ng Pilipinas.

Kayâ, tungkol sa usaping kung sino ang mga orihinal na Pilipino, sino ang paniniwalaan natin? Ang isang historyador na walang anumang kapuranggit na patunay sa kanyang sinasabi? O ang isang aklat—ang aklat ni Chirino—na isang primary source tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas?

Talâsanggunian

Chirino, Pedro, Relación de las Islas Filipinas, Roma, 1604. Ang salin sa Ingles, “Relation of the Philippine Islands,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 12 at Tomo 13, Cleveland: The Arthur H. Clark Company, 1903. Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, mga patnugot.