Ang Mahiwagang babae at ang Kabayong Itim

Imahe mula sa Pinterest

Noong dekada 60 o noong taong 1965, ikinuwento ni Mang Erning Rowedas, 70-anyos na ngayon, ang kanyang karanasan sa sinasabing Balete Drive sa New Manila sa Lungsod ng Quezon. Dating taxi driver si Manong Ernie na madalas bumabagtas sa Aurora Boulevard noon, gayundin sa Gilmore Avenue at sa lokasyon ng St. Paul College ng Quezon City.

Naaalala pa ni Manong Erning, petsang Setyembre 2, 1965, umaambon noon sa mga oras na alas 9:00 ng gabi, may pasahero siyang dalawang babae at isang matandang lalaki na nagpahatid sa lunan ngayon ng Lacson sa Maynila.

Natural lamang na kahit noon pa, ang nasabing lokasyon ay kinahihimlayan ng maraming puno ng Balete. Habang nagbibiyahe. ikinuwento ng isang babae, mga nasa edad 33-anyos na naniniwala raw ba siya sa mga kakatwang nilalang, partikular sa galang mga espiritu.

“Sabi ko, naniniwala akong may mga kakatwang nilalang na hindi nakikita— o may puwersang ganito na lumilikha ng anyo. Pero, wala pa akong nakikitang sinasabi nilang babaeng umiiyak o white lady man, gaya ng tinuturan ng ilang nagagawi o nakaranas makakita nun,” pahayag ni Manong Erning sa isang panayam.

Ayon pa sa salaysay ni Manong Erning, ikinuwento ng babae na nakakita umano siya ng usok mula sa malaking puno ng balete na malapit sa isang inabandonang bahay. Yung babae raw ay umiiyak na nakasuot ng puti. Pagtapos ay lumaki ang mukha at pumasok ang usok sa isang butas sa puno ng balete. At mula sa butas na kung saan ay lumalabas ang usok, may lumabas na isang itim na kabayo. Kaya natakot ang babae.

“Hindi naman ako kinikilabutan sa kuwento nung babae na nagpakilala sa aking si ” Saleng”. Kasi, hindi ko pa naman naranasan. May kabatiran ako sa sinasabing white lady na nagpapakita umano roon, na ginahasa ng mga sundalong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig— kung saan, ang bansa ay nasa ilalim ng mga Hapones. Pero, noong maihatid ko na sila at makabalik ako sa Aurora Boulevard dahil sa may inihatid akong pasahero, may nakita akong usok sa dinaanang puno ng balete. Sa sitwasyong iyon, biniro ako ng aking pasaherong lalaki na hindi raw ba ako takot sa aming nakita,” turan ni Manong Erning.

Aniya, nang maihatid ang kanyang pasahero, nagkayayaan sila ng kanyang kapwa taxi drivers, tatalo sila ay pumuwesto sa isang tindahan malapit sa mga puno ng balete at doon may nakita siyang kabayong itim.

Kitang- kita ni Manong Erning ang kahiwagaan nang mga sandaling iyon kaaalinsabay ng pag-ulan. Nakasaksihan niya ang malaking mukha ng babae na lumabas sa puno ng balete kasama ang kabayong itim. Nakita rin ito ng kanyang kaibigang si Mamerto Yumol, 69-anyos na sa ngayon.

“Kitang-kita namin ang eksenang iyon. Habang lumalabas ang mukha ng babae na tila umiiyak, lumabas ang kabayong itim. Parang lagaslas ng tubig sa ilog ang tunog ng iyak ng babae. Ang yabag ng kabayo ay parang paparating at umaandar na tren. Totoo iyon. Hindi pa naman kami lasing nung sandaling iyon. Sinabi namin sa aming mga kasamahan ang aming nakita, may ilan na hindi naniwala at may mangilan-ngilan namang naniwala,” pahayag ni Lolo Mamerto.

Bukod kina Manong Erning at Mamerto, isa pa sa nakaranas makakita ng hiwagang ito ay si Lolo Rodolfo Calansingin, 65-anyos na sa ngayon. Nangyari ang insidente noong Ika- 13 ng Marso 1968 sa kalsada patungong Cubao. Naglalakad noon si Lolo Rodolfo bitbit ang ilang net basket na pinaglalagyan ng tuyo at daing na kanyang ititinda. Madaling araw na noon ng Marso 13, 1968 at nagkataong umuulan din. Sumilong si Lolo Rodolfo sa isang puno ng niyog na ang layo sa tapat ng isang puno ng baleteay 120 metro. Dahil sa may dalang sigarilyo, sinindihan muna iyon ni Lolo habang nagpapatila ng ulan.

Habang gayun, nagulat na lang siya nang makitang umuusok ang puno ng balete. At doon nga ay nakakita siya ng mukha ngbabae na tumataghoy na ang tinig ay parang daluyong ng alon sa dalampasigan. Gayundin ng itim na kabayo.

“Kitang-kita ko iyon. Hindi ako makapaniwala. Pero, sa isang kisapmata, bigla ring nawala. Hindi ko alam kung bakit nangyayari ang kababalaghang iyon. HIndi ko maintindihan ang mensahe. Pero alam kong meron. Hindi ko masasabing mga ligaw silang kaluluwa dahil ang paniwala ko, ang isang patay ay wala nang kakayahang makipag-usap at makipagkita sa buhay. Siguro, mga kakatwang nilalang sila. Mula nun, wala nang nakikitang ganun maliban sa babaeng nakaputi na nakatayo sa puno ng balete. Pero, sa isang -kisapmata lang din,” pahayag ni Lolo Rodolfo.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.