Ang Lihim Kong Pag-ibig(Part 2)

photocredit: asianpopcorn.com
photocredit: asianpopcorn.com
photocredit: asianpopcorn.com

Napapahanga talaga ako ni Jonathan. Kungsabagay nasabi sa akin ng isa kong kaibigan na si Madel na mabait nga ito at matalino pa. Pareho kasi sila na sa pampublikong paaralan nag-aaral, ako kasi ay sa private school sa bayan.
Lagi ko na nga siyang nakikita, minsan nagtitinda ng balot at sitsaron sa gabi. Naging parang katulong siya ng buong barangay. Taga- akyat ng mga puno, taga- linis ng mga bakuran, minsan taga-igib pa ng tubig. Dahil na rin siguro sa mabibigat na gawaing ito kaya medyo maskulado ang kaniyang katawan.
Ewan ko ba pero sa bata kong puso ay nagsimpan ako ng paghanga kay Jonathan. Lagi ko siyang sinisilip sa bintana kapag nagdaraan ito sa kalsada. Parati na rin akong nagpapabili ng balot sa Mommy ko. Lagi akong gumagawa ng paraan para makipag- kwentuhan kay Madel; ang gusto ko lang naman ay makibalita sa aking hinihangaan.
Minsan, may project kami sa Art; pinakukuha kami ng tuod ng teacher ko at gamitin daw namin ang aming pagkamalikhain. Alam ko na kung saan ako kukuha ng tuod. Isang hapon ay pumunta ako sa bahay ng Lolo ko at sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa tuod.
“Naku e Apo, marami tayo niyan sa Tumana (bakuran iyon na pinagtatamnan ng mga gulay at mayroon ding mga bungangkahoy; katabi rin ito ng ilog), pero hindi na kita masasamahan at sumasakit ang rayuma ko” malungkot na sabi ni Lolo
“Pero teka, pasasabihan ko si Jonathan, iyong Binatilyong pinagkakatiwalaan ko at siya na lang ang kukuha ng tuod para sa iyo” patuloy nito
Parang dinilig ang puso ko, masaya ako at nagtagumpay ang plano ko. Isang bata sa Baryo namin ang inutusan ni Lolo para tawagin si Jonathan. Sakto naman na naglalako pala ito ng kakanin, kaya nakarating siya agad sa bahay ni Lolo.
“Iho ikuha mo nga ng tuod areng Apo ko sa tumana” pakiusap ni Lolo
“Opo, wala pong problem, kailan po ba kailangan?” sagot nito
Tumingin sa akin si Lolo, sinabi kong sa ikatlong Linggo na, pero ang totoo sa isang buwan pa.
“E iyon naman po pala, sa Linggo po siguro may oras ako para gawin iyon” sabi ni Jonathan
Lolo maganda po siguro, sumama ako kay Jonathan, para makapamili ako ng tuod” suhestiyon ko kay Lolo
Sa Baryo namin, hindi pwedeng magkasama ang lalaki at babae, conservative masyado; kaya parang alanganin si Lolo, pero nakumbinsi ko siya.Pumayag din siya sa huli, pero dapat kasama ko ang pinsan kong si Buchoy. Medyo nainis nga ako eh, pero bata pa naman si Buchoy; puro laro lang ang aatupagin noon.
Araw ng Linggo, magkakasama na nga kaming tatlo na tumungo sa tumana. Napaka-gentleman talaga ni Jonathan, napapansin ko iyon tuwing aalalayan niya ako. Tapos may mga pagkakataon na nagnanakaw ako ng tingin sa kaniya at tama ba iyon? Nahuhuli ko na nakatingin din siya. Naiisip ko tuloy, baka may paghanga din siya sa akin he he.
Nakita namin na talagang maraming tuod roon, pero puputulin pa ito sa puno nito. Madre cacao ang napili namin, dahil napakatibay daw ng tuod nito. Si Buchoy ay nagsimula ng manghuli ng gagamba, sinabihan naman namin siya na huwag masyadong lalayo; dapat abot –mata lang namin siya.
Nagsimula kong kausapin si Jonathan “ Ang sipag mo naman, humahanga ako sa kasipagan na ipinakikita mo
“ Salamat naman, kailangan ko kasing tulungan si Nanay. Maaga kasi kaming iniwan ni Tatay eh.” sagot nito
“E ikaw kumusta naman ang pag-aaral mo? Tanong nito
“Ok lang naman; alam mo, siguro mag- kakaroon ako ng award at the end of the school year.’’sagot ko naman
“Aba maganda iyan, sige pagbutihin mo” sabi nito sa akin
Pinapangarap ko na tanungin niya kung may mga nanliligaw sa akin, pero hindi naman siya nagtanong; kaya ako ang nagsimula
“Ikaw Jonathan, may girl friend ka na ba? Tanong ko rito
“Wala pa,” napahalakhak na sabi nito, pamaya-maya ay sumeryoso ito” alam mo dapat ang lalaki, manligaw sa kaniyang nagugustuhan kapag may ipagmamalaki na siya. Sa ngayon wala pa akong maipagmamalaki, at saka bata pa ako; napakarami ko pang pangarap sa buhay at siempre tinutulungan ko si Nanay.” Paliwanag nito, na lalo kong hinangaan
Pinagmamasdan ko siya habang pinuputol ang tuod. Talagang gwapo siya, macho pa, ang lalaki ng mga masel niya sa braso. Halos nakabisado ko na yata ang gilid ng kaniyang mukha. Nagulat pa ako ng bigla itong tumingin sa akin, huli-huli niya na ako ay nakatitig. Nang ibalik niya ang paningin sa ginagawa ay nakita ko ang lihim niyang ngiti. Namula ako sa kahihiyan
Nakuha na namin ang tuod, sinabi pa niya sa akin na kung gusto ko raw, siya na ang maglilinis at mag- aayos sa tuod. Lalagyan na rin daw niya ito ng varnish at mga dekorasyon. Natuwa ako dahil magkakaroon na naman kami ng pagkakataon na muling magkausap.
Nilisan na namin ang tumana, masayang-masaya si Buchoy at marami siyang nahuling gagamba; siempre masaya rin ako at kinikilig dahil nakasama ko ang aking lihim na pag-ibig.
Itutuloy

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.