Ang Liham ng Ina sa Kanyang Anak na Magtatapos

Nelson (Photo Credit: Chano Carlos Facebook)

Hindi ko makalilimutan ang unang araw mo sa eskuwela.
Takot na takot ka.
Ni ayaw mong bumitaw sa palda ko, Anak.
Nagtatago ka sa likod ko.
Umiiyak, at pinipilit mong umuwi na lang tayo.
Pero anong sabi ko sa’yo?
Anak, malaki ka na,
Marami kang matututunan sa pag-aaral,
Magkakaroon ka ng maraming kaibigan,
At simula na ito sa pagtupad mo sa iyong mga pangarap.

Pumasok ka sa silid-aralan,
Naririnig ko mula sa labas ang iyong iyak,
Halos hindi ka mapatahan ng iyong guro.
Ni ang paborito mong tsokolate ay iyong tinatanggihan,
Sapagkat kapag takot ka’y ako ang iyong sandigan.

Nasanay ka nang mag-isa,
Natuto ng pagbibilang at ng abakada.
Naisulat mo na rin ang iyong pangalan,
At nabasa ang mga nakapaskil sa daan.

Nag-elementarya ka.
Diba tama si Inay?
Marami ka na ngayong kaibigan.
Napadalas ang iyong paglalaro.
Umuuwi kang pawisan at madungis.
Minsa’y umiiyak ka pa rin
dahil inaaway ka ng ilan mong kamag-aaral.
Minsa’y may sugat, nadapa, at nabukulan.
Hindi mo alam kung ano ang nararamdaman ko
Sa tuwing ikaw ay nasasaktan.
Anak, parang ako ang laging may kasalanan,
Sapagkat dapat lagi kitang binabantayan,
Subalit lumalaki ka na at natututo sa mga karanasan.

Kaya nang nagsekondarya ka’y halos hindi na kita kaya.
May sarili ka nang desisyon,
Subalit kalimitan ay mali.
Nadadala ka ng iyong emosyon,
At naaakit ng mga bagay na masaya,
At hindi mo naiisip ang maaari nitong idulot sa iyo.

Nagkaroon ka ng barkada.
Hindi naman ako tutol subalit sana’y hindi ka madala
Sa mga gawaing hindi maganda.

Natuto kang umibig.
Hindi naman ako nagbabawal
Subalit unahin mo sana ang iyong pag-aaral.

Natuto kang magsinungaling.
At masakit ito, Anak.
Para lang makasama sa mga lihim ninyong lakad
Ay kung ano-anong paalam ang iyong sinasabi
Na alam ko namang hindi totoo.

Natuto kang magbisyo.
Anak, nasasaktan ako sa ginagawa mo.
Hindi ka namin tinuruang uminom at magsigarilyo
Pero ayan ka’t sinisira mo ang iyong sarili.
Alam mo ba kung paano pinaghihirapan
Ng iyong ama ang perang iyong winawaldas
Sa walang kapararakang mga bagay?
Dugo’t pawis ang kanyang ipinupuhunan sa ibang bansa.
Mahirap ang mag-isa roon,
Pero ni minsan ay hindi mo siya mabati sa Facebook,
Ni mapasalamatan sa lahat ng kanyang sakripisyo.

At ang masakit, Anak:
Natuto kang sumagot at magmura.
Isang gabi,
nang pinagsabihan kita dahil alas dose ka na umuwi
Ay ikaw pa ang nagalit.
Minura mo ako anak,
Narinig ko kahit bumulong ka lang.
Nagdabog ka, nagbasag, at nagkulong sa kuwarto.
Buong araw kang hindi kumain,
Na para bang ipinararamdam mo sa akin
Na kasalanan ko ang lahat at dapat kitang suyuin.
Oo, Anak, sinuyo kita.
Kinalimutan ko ang lahat kahit wala akong natanggap
Na paumanhin at pagsisisi mula sa iyo
Sapagkat anak kita, at hindi ako sanay na galit ka.

Anak, naaalaala mo pa ba noong naglayas ka,
dahil hindi ka na namin kayang pag-aralin sa kolehiyo.
Nalumpo ang itay mo sa trabaho kaya napilitang umuwi.
Nahihiya kami sa iyo dahil hindi na namin kayang
bigyang-katuparan ang pangarap mong buhay:
Ang maging enhinyero.
ilang araw kang hindi umuwi,
Doon ka natutulog sa matalik mong kaibigan.
Pero dahil ayaw naming nakikita kang ganito,
Ako na ang nagsakripisyo para sa iyo.

Pinili kong lumuwas ng Maynila para magtrabaho.
Salamat sa pinsan kong nagbigay sa akin nito.
Nakapagkolehiyo ka, Anak.
Masayang masaya ako.
Nakita ko kung paano ka muli nabuhayan ng pag-asa.
Nakikita ko sa mga istatus mo sa Facebook
Ang iyong magandang uniporme,
Ang iyong ID,
Ang ayos ng iyong buhok,
Ang mga bago mong kaibigan,
Ang mga lugar na iyong napupuntahan,
Ang inyong paaralan,
At ang iyong mga guro
na instrumento ng iyong karunungan.

Bumagsak ang iyong katawan, Anak.
Pumayat kang tingnan sa larawan.
Ang balita ko’y lagi kang puyat dahil sa pag-aaral.
Maganda naman iyan,
Nakita ko ang iyong pagbabago mula noong bata ka pa.
Nagsusumikap ka ngayon, Anak,
Nakapaninibago.
Pero sana’y alagaan mo rin ang iyong sarili.

Dumaan pa ang mga taon.
Hindi na bago sa atin ang pamomroblema
Sa mga bayarin sa paaralan.
Madalas ay hindi ka nakapag-e-exam sa itinakdang araw
Dahil kailangan pang mangutang ni Inay.

Lagi nating suliranin ang mga pambayad.
At salamat, Anak, sa pagtulong sa iyong sarili.
Naghanap ka ng trabaho noong nasa ikatlong taon
Ka na sa kolehiyo.
Kasabay ng pagpupuyat mo sa thesis ang iyong trabaho.
Naawa ako sa iyo, Anak.
Kung kaya ko lang sana ang lahat,
Hindi ka sana nahihirapan nang ganito.
Pero sana, sa kabila ng mga pinagdadaanan mo
Bilang mag-aaral ay marami kang natututunan.
Hindi lamang sa mga aralin,
Kundi mahalaga rin ang mga aral sa buhay.

Nabalitaan kong mayroon ka nang kasintahan ngayon.
Gamitin mo ang pag-ibig bilang inspirasyon
Upang lalo pang magsumikap sa buhay.
Anak, balang araw ay mag-aasawa ka,
Kaya hangad ko ang tagumpay mo sa buhay
Upang maibigay mo sa kanila ang ginhawa.

Nakasampa ka sa huling taon, Anak.
Matagal-tagal din ang limang taon.
Dumating ka rin sa punto na halos parang suko ka na.
Na ayaw mo nang ituloy dahil ang akala mo
Ay hindi mo kaya.
Umiyak ka dahil sabay-sabay ang lahat.
Lalo na noong naranasan mo ang unang kabiguan sa pag-ibig.
Natanto mong masakit pala ang mabigo
Kaya sinabi kong: magdasal ka.
Lalo nang masakit ang mabigo sa pangarap.

Sinikap ko talagang ituwid ang landas mo, Anak.
Hindi maaaring mabigo ka sa lahat
Dahil lang sa pag-ibig na nagtapos.
Anak, alalahanin mong mas importante sa ngayon
Ang makapagtapos ka ng pag-aaral.

At kelan lang, Anak.
Pinadalhan mo ako ng pinakamasarap sa pakiramdam na mensahe.
Nakapaloob sa binasa ko na isa ka sa mga magtatapos
Ngayong taon, at hindi lamang iyon,
May mga parangal ka pang tatanggapin.
Anak, salamat sa pagsisikap.
Naalaala ko noong bata ka pa.
Na takot na takot bumitaw sa aking palda.
Nakikita ko ngayon ang anak kong handa nang lumipad
At hindi na takot bumagsak sapagkat kaya mo nang masaktan.
At ang mga sakit na iyong daranasin sa buhay
Ang laging magtuturo sa iyo kung paano lalong maging matibay.

Anak, natutuwa ang iyong ama.
Kahit may saklay siya’y siya raw ang magsusuot sa iyo ng medalya,
Siya rin ang eeskort sa iyo sa pagtanggap ng diploma.
Anak, sabik na sabik na kaming makita kang nagmamartsa.
Magkakaroon ka ng larawang suot ang itim na toga.
Matutupad mo na ang iyong pangarap.

Anak, ang dasal ko’y maging matagumpay ka.
Maging makatao.
Sapagkat ang anumang mataas na pinag-aralan
Ay nawawalan ng saysay kung nakapananakit tayo ng kapwa.
Gamitin mo ang karunungang bunga ng pawis at tiyaga
sa pagtulong sa mga taong nangangailangan.
Simula muli ito ng panibagong yugto ng iyong buhay,
At naniniwala ako na ang lahat ay kakayanin mo.
Huwag mong iwawaglit sa iyong puso’t isipan
Ang Diyos na sa simula pa lang
ay nagbigay na sa iyo ng kakayahang matuto.
Siya ang dahilan ng lahat, Anak.

Muli, binabati kita.
Wala nang sasaya pa sa narating ng mga anak
Kundi ang kanilang mga magulang.
Iiyak ako sa iyong pagtatapos
Pero ang luha’y magkakaroon ng tamis.
Hanggang dito na lang,
Heto na nga ako’t nag-eempake na para makauwi.

About sherald salamat