“Ang LDR Kong Tila Panaginip”

Photo credit: Kisspng/LDR Facebook page

May ka-LDR ka rin ba? Ok ba lagi ang relasyong long distance? Ibabahagi ko ang isang kuwentong-liham mula sa isang babaeng tatawagin nating “Madonna.”

Dear MJ,

Isa po akong Pinas-based na empleyado at solo parent. Hiwalay na po kami ng naging asawa ko at mayroon na siyang ibang pamilya. High school na po ang dalawa kong anak at mababait naman po; nag-aaral nang mabuti kaya masasabi ko pong masaya ako bilang solo parent sa kabila ng struggles namin sa pinansiyal. Nang nagsabay-sabay po ang problema namin sa pera dahil naospital ang isa kong anak, natuto po akong mag-loan at dumating sa puntong depressed na depressed ako dahil sa nagkapatong-patong na utang. Grabeng tipid po ang ginawa namin.

Isang araw, habang nililibang ko ang aking sarili sa paghahanap ng iba pang puwedeng pagkakitaan online, may bigla pong nag-pm sa akin at nagpakilala na siya ay kababata ko. Nagulat po ako at natuwa dahil siya po ay dati kong manliligaw at naging kaibigan rin noong aking kabataan. Ako raw po ang kanyang first love kaya’t hinanap niya ako sa FB nang mag-open siya ng account. Hindi raw po niya ako nakalimutan sa kabila ng maraming taon.

Sa madaling salita po, dahil na rin siguro sa depression ko at kalungkutan, naging magiliw ang aming pagkukumustahan at nalaman kong isa na siyang biyudo at nasa Australia na. Ilang araw lamang ang lumipas mula noon at tila nagkaroon kami ng mutual understanding. Umabot na kami sa halos dalawang taon at hindi man ako humihingi ay pinadadalhan niya ako ng tulong pinansiyal at ilang bagay mula sa Australia.

Photo credit: LDR Facebook page

Labis-labis ang saya ko noon, MJ. Araw-araw kaming nag-chachat at text. Nagsisimula at natatapos ang araw ko nang may ngiti sa labi; napakabuti niya at kalog din. Nagsimula kaming humabi ng mga pangarap at plano. Dalawa rin ang anak niya at kaedaran lamang ng aking mga anak. Gusto niya akong pumunta sa Australia bilang tourist muna, ngunit hindi ko kayang iwanan ang mga anak ko lalo na’t napakaraming tukso sa kabataan at wala rin akong mapag-iiwanang kapamilya sa kanila dahil ulila na po ako.

Napakabigat pong desisyon, ngunit sa pag-udyok na rin ng aking mga anak ay sinubukan kong magpasok ng visa application, kaya lang ay na-deny po ako. Hindi pa rin kami annulled ng dati kong asawa kaya napilitan din akong gamitin ang married name ko. Wala rin po akong property o savings na naitala sa application ko, kaya siguro nadeny lalo.

Anyway, nagpasya ang bf ko na siya na muna ang uuwi at tuloy ay maasikaso ang mga naiwan pa niyang mga dokumento sa Pinas at madalaw na rin ang ilang kapatid niya… at siyempre, ako ang primary reason, ayon sa kanya.

Tatlong linggo lamang ang nahingi niyang bakasyon sa trabaho, kaya’t mabilisan din ang kanyang mga nilakad. Nagkasama kami sa loob ng mga panahong iyon at nagdate nang ilang beses. Ngunit tila hindi naging maganda ang aming pagkikita; parang pilit lamang. Hindi ko mawari kung bakit, ngunit parang nawala ang magic na dati ay aming nararamdaman sa aming pag-cha-chat.

Nang makabalik na siya, dama ko ang kanyang panlalamig. Hindi na siya gaanong nag-oonline at napakasungit niyang kausap. Nang tinanong ko siya kung ano ang nangyari, wala naman daw. Ibang level na daw kami at matatanda na kaya hindi na dapat naghahanap ng kagaya ng una naming pagkikita.

Lumipas pa ang ilang buwan at nagdesisyon akong makipaghiwalay na sa kanya. Hindi ko kasi ramdam na espesyal pa rin ang namamagitan sa amin, lalo na sa side niya. At hindi ko rin nakikita na makararating ako sa Australia; parang mag-aaksaya lamang kami ng pera at pagod dahil ayaw ko rin naming iwan ang mga anak ko.

Sa totoo lang, marami rin naman ang nanligaw sa akin noong ako’y hiwalay na, ngunit hindi ko hinayaang mangibabaw ang damdamin kaysa sa aking isip. Mas pinahalagahan ko ang aking mga anak, ngunit saglit akong nadala ng aking damdamin sa kanya. May edad na po ako, at alam kong may nagbago nang siya ay umuwi. Bakit po kaya nagkaganoon?

Photo credit: LDR Facebook page

Mahigit isang taon na po ang aking pakikipaghiwalay sa kanya; paminsan-minsan ay nagp-pm kami ng pangungumusta, ngunit hanggang doon na lamang iyon. Napakabigat at napakasakit isipin noong una, ngunit naka-move on na naman po ako, pero paminsan-minsan ay napapaisip ako kung ano na kaya ang nangyari kung hindi ako nakipaghiwalay. Nagpasalamat naman ako sa kanya na kahit sumandali ay nakaramdam ako ng kakaibang saya lalo na sa mga panahong iyon na down na down ako. Sa ngayon, feeling ko ay napanaginipan ko lamang siya; kay bilis kasing natapos.

May pag-asa pa kayang magkabalikan kami? Mali kaya ang pakikipaghiwalay ko sa kanya?

Salamat po,

Madonna

* * *

Dear Madonna,

Sa tingin ko, Madonna, sa mga inilahad mo ngayon, may panghihinayang ka dahil naranasan mo ang kakaibang saya (ayon nga sa iyo) sa loob ng halos dalawang taon. Sino ba naman ang ayaw ng may minamahal at nagmamahal, ‘di ba? Someone to grow old with happily, ‘ika nga.

Hindi natin mahihinuha kung magkakabalikan pa nga ba kayo; dahil kung may tsansang interesado pa siya, sana ay hindi ka niya natitiis. Hindi ko masabing mali ang pakikipaghiwalay mo dahil gaya ng dahilan mo, naniniwala rin ako na hindi na dapat pinagtatagal pa ang bagay na hindi mo naman kayang panindigan. Unfair naman kasi. Besides, kung ayaw niya ang desisyon mo, sana naghabol pa siya at nag-try na kumbinsihin kang huwag kayong susuko, right?

Alam mo, ‘nak, minsan talaga nangyayari ang ilang bagay sa tamang panahon. Parang may divine intervention. Sa panahong down na down tayo, may taong darating sa buhay natin upang maging salbabida natin. O ‘di ba’t naging katuwang mo siya sa pagharap sa problema mo kahit hindi ka humihingi? May nag-udyok sa kanyang tulungan ka sa panahong iyon. Sadyang may mga bagay na mahirap ipaliwanag, pero nangyayari. Nagdala siya sa ngiti at saya sa puso mo, pero hindi ka naman naiwang giba-giba nang makipaghiwalay ka. KASI mas nanaig ang pagmamahal mo sa mga anak mo. KASI strong woman ka. Hindi naman porke nawala siya, hindi mo na kayang maging masaya. Saludo ako sa iyo dahil pinanindigan mo ang pagiging ina mo kaysa sa iyong sariling kaligayahan.

Huwag ka nang manghinayang. Ganyan talaga ang relasyon; sinusubukan ng panahon. May tinatawag na CHEMISTRY sa pagitan ng dalawang tao. Maaaring nadala kayong dalawa ng kilig ng kahapon, kilig ng inyong kabataan. Ang imahe pa ng nakaraan ang nakatatak sa kanyang isipan nang mahanap ka niya sa FB. Marami na akong narinig na ganyan. Nang magkita ay hindi na ganoon ang alab dahil kilig lamang ng kahapon ang naramdaman nang nagsimula. Maaaring pareho kayong malungkot nang mga panahong iyon at ikaw rin ang kanyang naging salbabida sa kanyang kalungkutan. May iba rin kasing excitement sa online relationships; may ibang dating. Pero kapag nagkita na ay saka napatutunayan kung may chemistry nga bang namamagitan, kung may spark pa rin.

Sadly, nawala kamo ‘yung magic. Sayang , but life is like that. It can be unpredictable at times. Kaya lang, huwag na huwag kang manghihinayang sa pinagdaanan n’yo kasi magaganda naman ang inyong naging memories. ^_^ Aba, marami diyan na never nakaranas ng saya ng pagmamahal kahit saglit!

Kung tama o mali ang inyong desisyong makipaghiwalay… well, hindi mo naman siguro iyon nagawa KUNG hindi mo nafeel na parang bumibitaw na siya. Malamang sa alamang, ginawa mo rin ‘yun bilang last straw – kung maghahabol ba siya o hindi. Hmmm… style din kasi ng mga umiibig ‘yan; papainan ng pakikipaghiwalay upang malaman kung maghahabol ba o naghihintay lang na hiwalayan mo. L

Anyway, tulad nga nasabi ko kanina, mukhang destined na mangyari ang nangyari sa inyo sa tamang panahon; nang kailangan n’yo ang atensyon ng isa’t isa. Naging galante rin siya sa panahon na kailangan mo ng tulong kaya lagi mo pa rin siyang ipanalangin. Huwag ka na lang siguro umasa na babalik pa siya. Kung sakaling mangyari nga iyon sa future …. Kung ma-realize niyang gusto niyang tumanda nang kasama ka… well, ma-surprise ka na lang ulit!

Kung hindi man iyun mangyari … balikan mo na lang minsan sa iyong isipan ang masasaya n’yong sandali at – – – – ngiti-ngiti na lang pag may time! ^_^

Empowered woman ka, Madonna. You’ll always be OK!

[Kung nais n’yo ring magpadala ng kuwentong-liham, mag-submit lamang dito. Ang inyong hiling na itago ang pangalan ay amin pong susundin. -MomJ]

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!