Ang Lapis at Ang Pambura = Ako at Ang Aking Ama

Lapis: I’m sorry.  Nagkamali na naman ako

Pambura: Hindi mo kailangang mag-sorry.  Don’t worry.   Ok lang yun sa akin.  Lahat naman ng mali mo ay puwedeng itama at kaya kong burahin. 

Lapis: I’m sorry kasi nasasaktan ka nang dahil sa akin.  Tuwing nagkakamali ako, lagi kang nariyan para burahin ang mga ito.  At dahil sa mga pagkakamaling iyon, paliit ka na nang paliit at nadudumihan din.

Pambura: Tama ka dun, pero wala yun. Ganun talaga eh. Yun ang purpose ko kaya ako ginawa at nandito ako sa tabi mo – para burahin ang mga mali mo.

Lapis: Kaya nga natutuwa ako at nagpapasalamat sa iyo dahil sa mga ginagawa mo para sa akin.  Hindi ko alam kung anong gagawin ko pag wala ka sa tabi ko.

Pambura: Kaligayahan ko ang tulungan ka. Pero alam ko namang  balang-araw, mawawala din ako at makahahanap ka ng bagong pambura.  Pero habang narito pa ako, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para sa iyo.  Kaya please lang, huwag ka nang mag-alala. Ayokong nakikita kang malungkot.  Basta huwag ka lang mapapagod magsulat at matatakot na magkamali ulit, kasi laging may isang pambura na nasa tabi mo para itama ang mga ito.

Ang simpleng pag-uusap na ito ng lapis at pambura ay umantig sa aking puso.  Kung susuriin ay napaka-simple lang ng istorya, pero naisip ko na ang Lapis at ang Pambura = Ako at ang aking Ama.

Galing ako sa isang broken family.  Ako ay solong pinalaki ng aking ama.  Bata pa lang ay namulat na ako na walang ina – sumama lang naman siya sa ibang lalaki at bumuo ng sariling nilang pamilya.

Galit… yun ang  unang naramdaman ko, normal lang naman yun sa isang tao.  Later on, natutunan ko na ring tanggapin ang katotohanan at magpatawad.  Ayokong magpatalo sa galit kasi alam ko na walang magandang idudulot ito.  Para itong isang baga ng apoy  na kapag tuluyang hinawakan ko ay makapapaso lang at ako rin ang masasaktan.  Inisip ko na lang na siguro may sarili siyang dahilan kaya niya kami iniwanan; mga dahilan na kahit baligtarin ko man ang mundo ay hindi ko kailanman maiintindihan.

Isa daw sa mga dahilan ng mga taong naligaw ng landas ay ang pagiging member ng isang broken family.  Nagiging bulakbol, tambay, basagulero, sugarol, addict, prosti, etc.  Tinatak ko sa isip ko na ayokong matulad sa kanila… mga pasaway.

Hindi ba nila naisip na sila ang lugi sa bandang huli?

Binigyan tayo ng sariling utak para mag-isip.  Tayo pa rin ang nagpapatakbo ng buhay natin at hindi puwedeng isisi sa pagiging broken family o kung anumang sumpa o kamalasan ang mga maling ginagawa.

Para sa akin, napundi man ang ilaw ng aming tahanan, mayroon pa naman akong ama na nagsilbing lampara.  Hindi nga lang ganun kaliwanag tulad ng totoong ilaw, ngunit nagsisilbi pa ring tanglaw.

Bata pa lang ay nakita ko na ang sakripisyo ng aking ama.  Siya ang tumayong ama’t ina sa amin ng aking kuya.  Pati nga gabi ay ginagawa na niyang araw para matugunan lang ang mga pangangailangan namin.  Pero lahat nang yun, nasuklian naman namin nang tama, sa pamamagitan ng pagiging mabubuting anak at kahit hirap sa buhay ay nakapagtapos kami ng pag-aaral.

Bilang sukli sa mga sakripisyo niya, lahat ng best ko ginagawa ko; lahat ng utos niya ay sinusunod ko at lahat ng mga pangaral niya, pinapakinggan ko.  Lumaki akong matalino, matino, mabait at mapagmahal na anak.  Ayokong maging sakit ng ulo niya; ang gusto ko lang ay maging proud siya na ako ang naging anak niya.

Pero mahirap din pala kapag ang lahat sa ‘yo ay puro tama…  ang taas ng tingin nila sa ‘yo, ang taas ng expectations ng mga tao.

Dumating ang time na nagkamali ako.  Bilang isang tao, hindi naman ako exempted sa tukso. Kahit matalino ay naging tanga rin ako.  Hindi ko man sinasadya, nasaktan ko ang tatay ko sa mga naging desisyon ko.

Nagmahal lang naman ako (for the first time).  Pag nagmahal ka pala, ang mali ay nagiging tama; ang matalino ay maaaring nagiging tanga. Pero kapag ang puso na pala ang nagdikta, lahat ay hahamakin mo para sa iyong sinisinta.

Nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan ako.  Ang sinunod ko lang ay ang gusto ko. Halos lahat sila ay bumaba ang tingin sa akin, itinakwil at hinusgahan ako.

Ang tanging kasalanan ko lang naman ay ang magmahal.

Ako ay naging isang pasaway na lapis na madiing sumulat ng isang malaking pagkakamali – na siyang nagpabago sa kuwento ng buhay ko.   Kahit ganun pa man, naging kahihiyan man ako ng aking pamilya,  inunawa at tinanggap pa rin ako ng aking ama (ang aking pambura).  Binura niya ang mga maling nagawa ko at tinulungang itama ang mga ito.

Batid ko na dahil sa mga pagkakamaling iyon, malaking bahagi ng aking pambura ang nabawas at tulad ng ibang pambura, darating ang panahon na mawawala din siya.  Makahanap man ako ng bagong pambura (sa katauhan ng ibang tao, maaaring  kabiyak o matalik na kaibigan), hindi ko pa rin malilimutan sa buhay ko na may isang pambura na nagsakripisyo ng sarili niya para sa akin – walang iba kundi ang aking ama. 

Patuloy pa rin ang pagsulat ko sa papel ng buhay. 

Hindi man naging maganda ang naging takbo ng aking kuwento, pinipilit ko namang magkaroon ng happy ending ito.  Bilang isang tao, OK lang ang magkamali. Dahil tulad ng isang lapis, may pambura naman na nakalaang tumulong para maitama ang mga ito. Ang importante, natuto tayo sa mga pagkakamaling iyon, nagpakumbaba at humingi ng tawad at higit sa lahat ay marunong tayong magpasalamat.

At ngayon na isa na akong ganap na ina,  gagawin ko ang lahat para sa mga anak ko.  At tulad ng aking ama, gusto kong maging isang epektibong pambura.

Ikaw?  Tulad ko, naging “pasaway na lapis” ka rin ba?

Sino ang naging “pambura” sa buhay mo?  Nakapag-sorry ka na ba? Napasalamatan mo  na ba siya?

Habang nariyan pa siya, gawin mo na.  Humingi ka na ng tawad at pasalamatan mo na.  Sabihin mong mahal mo siya para kung dumating man ang time na mawala na siya, hindi ka magsisisi at manghihinayang kasi nagawa at nasabi mo ito sa kanya.

Lapis: I’m sorry.  Nagkamali na naman ako.

Reference:

http://www.wiltimebigtime.com/blog/inspirational-conversation-of-pencil-and-eraser#more-1057