Ang Kuwento ng Estudyanteng Bulakbol

Photo Credit: markfullmer.com
Photo Credit: markfullmer.com
Photo Credit: markfullmer.com

May mga bagay ang ating pinagsisisihan,mga panahong pinanghihinayangan, ngunit ang mga ito ay hindi na maibabalik pa. Ako si Rupert at isa akong bulakbol na estudyante.

Ano Pakner, tuloy ba tayo sa Linggo?” tanong ko sa aking kaibigang si James, niyayaya ko kasi siyang makipaglaro ng basketball.

Napapaisip ako, malapit na ang midterms; baka mabokya na naman ako” sagot naman nito

Ikaw naman, minsan lang tayo magiging estudyante, kaya sulitin na natin” tila Diyablong pang-eengganyo ko at napapayag ko nga siya.

First year college na ako sa kursong Edukasyon, nag-aaral ako sa isang pribadong kolehiyo. Nasa abroad ang aking ina; babysitter siya sa London. Ang Ama ko naman ay may puwesto ng karne sa Palengke. Aaminin kong isa akong bulakbol, hindi naman ako masama he he. Ang bulakbol ay iyon bang tipo ng mag-aaral na hindi isinasa- puso ang pag-aaral. Pinagsasabay ang laro sa pag-aaral, hindi seryoso at pa-banjing-banjing he he.

Imbes na mag-aral ay paglalaro ng bola ang inaatupag ko kahit malapit na ang exam. Minsan nagcu-cutting classes ako para makapagbilyar at makapaglaro sa computer. Siyempre kasama na rin ang panliligaw sa magagandang Chiching he he.

Masaya ba ang buhay bulakbol? Siyempre he he, happiness is a choice, ‘ika nga. Pero talagang nangangamote ako sa exams. Hindi iilang ulit na naibagsak ko ang mga major exams ko at tumagilid sa quizzes. Naipatawag na rin ako ng Academic Dean at ako ay kinausap nang masinsinan. Ngunit, hindi pa rin ako nagbago. Kung alam lang sana natin ang hinaharap baka ako ay nagpakatino.Ang mga proyekto ko ay ibinabayad ko na lamang sa mga working student para sila ang gumawa.

Naalala ko iyong una kong nililigawang si Laarni. Maganda siyang babae, taga- Pampangga kaya ang puti niya at ang kinis. Maraming lumiligaw sa kaniya kaya pinagbuti ko ang pagdiga. Nauubos ang pera ko kabibili ng regalo. Wala namang problema sa datung at may kaya si Ermat at Erpat eh he he. Aba! Ako ay nabasted at alam n‘yo ba kung sino ang sinagot. Iyong schoolmate naming may pagka nerdy, nakasalamin ng makapal at mukhang library; laging may tangang aklat. Kunsabagay ay Albert Einstein ng school iyon. Hindi ko naman masisisi si Laarni na gumusto ng Nerdy, karaniwan nga naman sa matagumpay sa buhay ay iyong mga walking encyclopedia at hindi gaya kong bulakbol. Pero ha, hindi hamak na pogi ako roon; tipong machete yata ang Carribean body ko he he.

Lagi akong may naibabagsak na subject dahil sa pagbubulakbol ko. Minsan nga ay pinagpapa- charmingan ko na ang Teacher ko para ako ay ipasa pero wala ‘epek. Lagi akong nagsa-summer. Napapagalitan din naman ako ni Erpat tuwing may bagsak pero hanggang nguso lang ang galit niya he he.

Minsan may nakausap akong working student, amoy sibuyas pa dahil nagtatrabaho sa Caferteria.

“Classmate, sana mag-aral kang mabuti, kasi ako heto naghihirap; sumasampung taon na. Ngunit ikaw pinagpala ka he he” pangaral nito sa akin.

Pero hindi ako nakinig, patuloy ako sa pagbubulakbol.

Hanggang sa naunahan na akong gumradweyt ng mga ka-batch ko. Pambihira ang apat na taon sana sa kolehiyo ay naging pito dahil nga sa lagi akong nababagsak. Gayunpaman ay very proud si Ermat, umuwi pa noong graduation ko at ipinagmalaki pa ako sa mga kaibigan niya. Naghanda pa ng engrande, na-guilty tuloy ako.

Heto na, siyempre para maging licensed teacher kailangang mag-board exam. Nagpa-enroll ako sa Review Center. Linsiyak, parang first year ulit ako. Ang dapat review ay nauwi sa pag-aaral, pati mga basic ay nakalimutan ko kabubulakbol.Nagpakaseryoso ako sa pagre-review, kumuha ako ng eksamin subalit ako ay bumagsak. Napaiyak ako sa unang pagkakataon. Proud pa naman sana ang mga magulang ko pero nabigo sila. Hiyang-hiya ako sa mga tao lalo na at nagtatanong kung nakapasa raw ba ako. Inggit na inggit ako sa mga kasabayan ko na ngayon ay may magaganda ng trabaho.Sising-sisi ako, sana pinagbuti ko ang pag-aaral.

Sayang sana hindi ako naging bulakbol, sanay pinahalagahan ko ang pagkakataon at pera na ginugol ko.

Gayunpaman ay hindi ako sumuko, nag-review akong muli at nang sumunod na eksamen ay nakapasa na ako. Wow! He he, para akong nasa Cloud nine. Heto na, siyempre mag-aaply ako, halos ayaw akong bigyan ng rekomendasyon ng akong mga teachers ko; alam kasi nila ang attitude ko noong nag-aaral. Mabuti na lamang mas malaki ang puso ng aking Depatment Head. Binigyan ako ng recommendation for employment. Nakasarado ang envelope at hindi ko alam kung ano ang nilalaman.Siguro naman maganda, rekomendasyon nga eh ‘di ba.

Ang hirap, apply ako nang apply pero laging iba ang nakukuha, ang bababa kasi ng mga marka ko sa Transcript of Record. Isang taon at kalahati ang hinintay ko para lamang makapasok bilang Substitute Teacher sa isang Private School.Once again, nagsisisi na naman ako sa kabulakbulan ko noong nag-aaral. Nasayang talaga ang mga panahon at hindi ko na maibabalik pa. Gayunpaman, siyempre kailangang mag move on hindi ba?

Ngayong nagtuturo na ako, pakiramdam ko ay nangangapa ako. Bakit nga ay tila nakalimutan ko nang gumawa ng lesson plan.Pakiramdam ko ay mas marurunong pa sa akin ang mga estudyante ko. Nagtuturo kasi ako sa hayskul, hindi iilang beses na ikinorek ako ng mga estudyante ko.

Dahil sa kabulakbulan ko kaya ngayon ay nahihirapan ako. Ang pag-aaral pala ay preparasyon sa iyong magiging karera. Kapag pinabayaan mo ito ay aanihin mo rin ang kalituhan at hirap na pinagdaraanan ko ngayon.

Maganda nga lang patuloy akong nagsusumikap. Pilit ko ngayong sinasariwa ang aking mga pinag-aralan sa pamamagitan ng mga aklat at tutorial sa youtube. Sayang! Ang mga kasabayan ko ay may mga masteral na at regular na sa pinapasukan, samantalang ako ay substitute pa rin at umaasa pa rin sa Erpat at Ermat.

Kayong mga mag-aaral, learn from my story. Kung mag-aaral kayo, magseryoso kayo. Isaisip ninyo at isapuso ang kahalagahan ng edukasyon. Tandaan n’yo rin na ginto ang bawat panahon at oras na kapag nasayang ay hindi na maibabalik pa. Huwag ninyong pagsabayin ang pag-aaral at pagbubulakbol, pagsisisihan n’yo rin iyan balang araw.

Sana tumatak sa isip ninyo ang kuwento ng isang Bulakbol.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.