Ang Kaibigan Kong Mababa Ang Lipad

Alone and lonely (Photo credit: mindandbeyond.wordpress)
Alone and lonely (Photo credit: mindandbeyond.wordpress)
Alone and lonely (Photo credit: mindandbeyond.wordpress)
Alone and lonely (Photo credit: mindandbeyond.wordpress)

Paalisin mo ang babaeng ‘yan. Malas ‘yan sa pamamahay natin.

‘Yan ang eksaktong sinabi ng mama ko ng makita niyang isinama ko siya sa bahay. Siya si Marie, kababata ko. Maaga siyang naulila sa magulang. Pang lima siya sa anim na magkakapatid. Hinati-hati silang magkakapatid at ipinamigay patungo sa mga kapatid ng ama nila. Siya at ang bunso niyang kapatid na babae napunta sa lola niyang sobrang strikto.

Naalala ko pa, anim na taon akon noon nang una ko siyang makita. Nakaupo sa gilid ng kalsada, butas ang shorts at tumutulo ang sipon. Tinanong ko siya kung bakit hindi siya nag kinder. Hindi siya sumagot, nahiya siya sa’kin. Pinunasan ko ‘yung sipon niya. Kawawa ka naman, sabi ko. Hindi ko alam na iyon na pala ang umpisa ng responsibilidad bilang isang kaibigang nanay ko sa kanya. May baon ako noon, dalawang biscuits, binigay ko ang isa sa kanya. Doon umusbong ang malalim na pagkakaibigan namin.

Simpleng babae lang si Marie, mahinhin at pino kung kumilos. Siya ang nag-aalaga sa lola niyang matanda na at ubod ng kuripot. Kahit tunay niyang apo si Marie, kung ituring niya ito ay parang ibang tao. Ginagawang alila. Ni hindi pinagbabaon. Minsan sinasaktan. Kung anu-anong masasamang salita ang natatangap niya sa tita niya sa simpleng pagkakamali lang. High school kami nang magsimulang magrebelde si Marie.

Hindi na siya pumapasok ng regular sa school. Hindi na kami nagkakasabay kung umuwi. Naging talk of the town na siya. Isa na daw siyang puta. Nagpapabayad sa mga matatandang mayamang lalaki sa lugar namin para magkapera.

Minsan ay may ibinigay siya sa’kin na blouse. Bagong bili. Tinanggap ko kahit alam ko kung saan galing ang perang pinangbili nun. Ayaw kong ma-offend siya. Pinagbabawalan na ako ng mga magulang ko na makipagkaibigan kay Marie. Bad influence daw. Ano na lang daw ang sasabihin ng mga kapitbahay namin. Pero patuloy ko pa ring siyang kinakaibigan. Iniwan na siya ng lahat, pati ba ako iiwan siya? Kailangan niya ng isang tao na magpapalakas at gagabay sa kanya. At kahit minsan, hindi ko nakita si Marie na lumalandi sa mga lalaki pag magkasama kami. Nirerespeto niya ang pagkakaibigan namin.

Worst come to worst. Nakita ko kung paano siya pinalayas ng lola niya na parang isang hayop. Mga masasakit na salita ang natanggap niya sa mga tita nya. Oo, alam ko. Dahil dinig na dinig ko at ng buong bayan ang mga salita nila. Awang-awa ako kay Marie, sa kaibigan ko. Nasaan na ba ang dating mahiyain at mahinhin na kaibigan ko? Bakit siya binago ng panahon at pagkakataon? Hindi ko nakitang umiyak si Marie. Nakita ko sa mukha niya ang tatag ng loob. Nilapitan ko siya, doon na siya nagsimulang umiyak. Umiyak na rin ako. Niyakap ko siya, sabi ko, “hindi nila alam kung anong pinagdadaanan mo. Wala silang karapatang husgahan ka“. Wala siyang sinabi, basta patuloy lang siya sa pag.iyak. Masakit na masakit ang kalooban ko. Bakit may mga taong ang daling humusga? Bakit mismong mga kadugo pa niya ang nagtulak sa kanya papuntang putikan? Saan ka matutulog? Bahala na daw. Disisais anyos pa lang kami noon, sana sa ganyang edad na ‘yan wala kaming inintindi kundi paano magiging in sa uso. Siguro ako, oo. Pero si Marie, ang laki na ng problema niya. Ang dami na niyang pinagdaan sa buhay. Nawala ang dating mahinhin na batang nakilala ko. Pumalit ang isang matapang na personalidad. Sa awa ko sa kanyao duon ko siya pinatulog sa bahay kahit anong ayaw ng mama ko. Magdamag kaming nagkuwentuhan. Parang isang normal na teenager.

Masayahin pa rin siya kahit alam ko na sa luob ng puso niya ay naroon ang inggit sa mga kapwa nya teenager na maayos ang buhay at may mga magulag na gumagabay. Paggising ko kinabukasan, wala na si Marie. Wala na ang kaibigang nagturo sa akin sa maraming bagay. Ang maging matatag. ‘Wag mapanghusga. Dahil hindi mo alam ang buong istorya ng buhay nila. ‘Yun na ang huli naming pagkikita. Nabalitaan ko na lang na lumuwas na siya papuntang Manila.

Nasaan ka man ngayon kaibigan ko, andito p arin ako. Isang tunay na kaibigan na hindi ka iiwan. Sana maayos ang kalagayan mo. Salamat sa mga alaala.

author: hopelesslydevoted

p.e./kf

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.