Ang Huling Pagtatagpo

(Photo Credit: footage.shutterstock )
(Photo Credit: footage.shutterstock )
(Photo Credit: footage.shutterstock )

Mahalumigmig na hanging umaga ang sumalubong sa aking humpak na pisngi, kasabay sa pagpatak ng mga mumunting yelo mula sa kalangitan dala ng taglamig dito sa bansang aking kinaroroonan. Iniwanan ko muna ang aking mag-aamang naghihilik pa at sarap na sarap sa pagnamnam ng lamig sa umaga.

Araw ng Linggo, tila hinahatak ang aking mga paa patungong simbahan; ‘di nga ako nakatulog masyado kagabi dahil sa mga kung anu-anong bagay ang nagsusumiksik sa aking magulong isipan.

Dinadala ako ng aking mga paa patungo sa simbahan na ‘ di masyadong kalayuan sa inuupahan naming bahay. Kay bigat ng aking dibdib at hindi ko mawari ang dahilan at tila baga sasabog na. Halos hindi na ako makahinga sa sikip ng aking nararamdaman. Mamasa-masa ang aking mga matang tila nagbabadyang ulap sa kalangitan na maaaring pumatak ang ulan nang ilang sandali.

” Father in heaven, how we loved you. You left your name in all this earth, may your kingdom be establish in all places…… blessed be the lord God Almighty…”

Umaalingawngaw sa aking pandinig ang kantang ito habang ako’y papasok sa simbahang pinangungunahan ng Pilipinong pari para sa Filipino Community dito.

Hindi pa nga ako nakauupo sa may harap mismo ng altar ay nag-uunahan na ang “ulan” sa pagdaloy sa aking pisngi.

” Mga kapatid, tila bagang epidemya dito sa mundong ibabaw ang pakikiapid, para itong sakit na kay daling makahawa sa ibang tao. Ito’y aking maihahalintulad sa HIV na unti-unting linalamon ang inyong lakas, kinukutkot at inuuod ang inyong pagkatao sa kasalanang ito. Walang gamot o lunas dito kundi ang pagbabago. Pagtigil sa baluktot na gawain. Ang nagpapahirap sa inyong mga dibdib ay inyo nang palayain. Sana patnubayan kayo ng mahal na Panginoon at patawarin kayo sa inyong mga kasalanan.” Sermon ng Pari.

Ano ito? Pinariringgan ba ako o nagkataon lang?

Ako si Lyn, isang nars dito sa bansang Canada, labinlimang taon na akong naninirahan dito bago pa dumating ang aking pamilya. Nagtatrabaho ako sa isang pang gobernong Hospital ng Ontario. Masasabi kong isa ako sa mga swerteng narses na nakipagsapalaran dito. Bukod sa may magandang prebilihiyo at benipisyo kaming natatanggap, pwede pa namin kunin ang aming pamilya.

Maglilimang taon pa lang ako dito ng aking makapalagayang loob ang aming Radiologist isa ring Pinoy. Si Randy isang binata. May sense of humor at marespeto. Tulad nang maraming istoryang namumuo sa kapwa OFW kami ay napasama sa trademark na ” kabitan sa ibayong dagat” pikit mata ko itong pinasok kahit mulat ang aking diwa sa aking tunay na kalagayan. May asawa at anak akong naghihintay sa Pinas. Maaring sa una ay tawag ng pangangailangan lang ang habol na dala sa init ng katawang hindi makuha paliligo at patak ng snow. Maaring nangangailangan lang nang kausap at kaibigan. Ngunit ang lahat ay nahulog sa isang makasalanang relasyon. Relasyong nabuo at may nabuo pang bata. Bunga ng aming bawal na ligaya at sarap.

Sa bawat pagniniig namin ng aking kaulayaw ay pumapasok ang imahe ng aking asawa at mga anak, pilit ko itong iniignora. Sapilitang iwinawaglit sa aking isipan.

Laging namumutawi sa aking bibig ang ” bahala na, saka na.”

Nagsama kami ni Randy sa iisang bubong na parang tunay na mag-asawa. Nakikita niya rin minsang ako ay balisa. Alam niyang iniisip ko ang aking pamilya, alam niyang inuusig ako ng aking konsensya.

Na-grant ang petisyon ko para sa aking pamilya.

Dumating ang aking asawa at mga anak ngunit patuloy pa rin ako sa pakikipagtagpo sa aking isang pamilya. Nahihirapan mang hatiin ang oras ngunit kailangan. Lingid pa rin ito sa kaalaman ng aking totoong asawang si Christopher.

Napakahirap ng aking sinuong na “tunnel, maluwag ang pagpasok ngunit napakakipot ang daanan palabas.

Isang umagang puno ng determinasyon sa isipan at dibdib.

Tinutungo ko ang aming bahay ni Randy, buo na ang aking desisyon ngayon. Makikipagkalas na ako, tatapusin ko na ito. Ako lang naman ang magdedesisyon para rito. Para sa ikatatahimik ng aking konsensya.

Sinalubong ako ng aming magtatatlong taong gulang na anak.

” Mama, saan ka ba naglalagi? Minsan lang kita makita. Nasa hospital ka ba? Malami bang maysakit ikaw inaalagaan?” Agad nagpakandong sa akin.

” Halika ka anak, kukunin natin ang iyong mga damit, pupunta tayo sa isang magandang bahay, pero kylie hindi natin isasama si Papa ha?”

” Bakit po? Dapat kasama natin si papa para masaya,” pangungulit nito.

“Hindi puwede, anak.”

Si Randy matamang nakikinig sa aming usapang mag ina. Sinabihan ko na ito sa maaring mangyari sa araw na iyon. Ito na ang huli naming pagkikita, pumayag naman siyang sa aking kalinga mapunta ang aming anak.

” Mahal na mahal kita, Lyn, alam kong darating ang araw na ito sa ating buhay, alam kong darating ang panahong isasauli kita sa tunay na nagmamay-ari sa ‘yo. Sana tanggapin ka niya at patawarin dahil kung hindi; narito lang ako para sa ‘yo at sa anak natin,” maluha-luhang sabi nito.

Ang aming yakapan ay muling nauwi sa malalim na romansa, romansang kailan man ay hindi na mauulit pa. Habang kami ang magkaisa sa aming naging kama ng maraming mga taon, panay ang bulong nitong mahal niya ako. Pinipigil ko ang aking emosyon at umaalinsunod sa ritmo na kami lang ang nakararamdam at nakaririnig sa tugtog.

Umuwi akong bitbit ang aking anak, ipakikilala ko ito sa aking asawa at mga anak kasabay ang paghingi ng tawad.

Tatanggapin ko ang anumang ibabato sa aking hindi magandang salita at kung anumang sumpang maaaring mamutawi sa bibig ng aking asawa. Buong puso akong magpapakababa alang-alang sa aking naging kasalanan. Kasalanang ang Diyos lang ang maaaring humusga sa akin.

Pagdating namin sa bahay. Ang aking mag-aama ay nasa aming sala, tila ako ay kanilang hinihintay. May ngiti sa labi ang aking mister at ang aking dalawang anak ay agad lumapit sa kanilang kapatid at kinalong ito.

“Mahal kong asawa, hindi lingid sa aking kaalaman ang lahat ng iyong ginawa, matagal ko na itong nararamdaman, matagal ko nang kinikimkim at ikaw ang hinhintay na magtapat sa akin, ngunit ‘di na kailangan. Ramdam kong ikaw ay mananatili na sa aming piling nang buo. Napagdesisyunan namin ng mga anak mo na malugod at maluwag naming tatanggapin ang iyong kasalanan. Ang Panginoon nga ay nagpapatawad, kami pa kaya? Ang pagmamahal ko sa ‘yo’y hindi basta-basta maglalaho kahit pa isang dipang kasalanan. Iyan ang tunay na pagmamahal.”

Nag-uunahan ang masaganang luha sa aking pisngi: luha ng kaligayahan at luha ng pagsisisi. Pinahid ito ng aking asawa sa pamamagitan ng kanyang mga halik at boung puso nila akong niyakap kasama ang aking mga anak.

About Mary Adelleine J.Esic

I write to please myself...out of passion.