Ang Huling Katanungan

Girl Flying (Photo Credit: blogspot.com)
Girl Flying (Photo Credit: blogspot.com)
Girl Flying (Photo Credit: blogspot.com)

Matagal ko nang hinintay ang pagkakataong ito. Noong bata pa lamang ako, nasubukan ko nang itanong sa sarili kung ano ang tingin ng mga tao sa akin. Madami naman akong kaibigan, madali ko namang nakasusundo ang mga taong nakikilala ko. Hindi ko na sila mabilang sa kamay, ang mga taong nagsabing mabait daw ako. Ang tanong eh, ‘yun ba talaga ang laman ng mga isip nila?

Ang sabi eh, saka mo lang daw malalaman ang ugali ng isang tao kapag namatay na siya. Kung isa kang bayani, isang bansa ang dadalo sa araw ng lamay mo. Ngunit kung isa kang kriminal, yung mga malalapit mo lang na kamag-anak, nakatakip pa ang mga mukha.

 Sa lamay ko kaya? ‘Di bale, maya-maya lang malalaman ko na.

Ang akala ko dati kapag namatay na ang isang tao, patay na talaga. Although naririnig ko nang mayroon daw lalabas na isa pang persona sa katawan mo, hindi ako naniniwala. Naniniwala naman ako sa Diyos, pero sa kaluluwa na gagala-gala pa? Sa mga multo? Imposible. Pero ngayon? Totoo nga pala ano?

Ang pagkakaiba lang, hindi ito transparent na tulad ng mga nakikita natin sa mga pelikula. Kung ano ako dati, iyon pa rin ako. Nahahawakan ko ang sarili, nararamdaman ko ang lamig ng hangin na galing sa aircon kung saan ako ngayon nakatapat. Nahahawakan ko rin pati ang mga bagay sa paligid. Pero hindi ko pagagalawin iyon para lang manakot, tulad sa mga napapanood natin sa telebisyon. Iba ang nasa isip ko ngayon.

Hindi ko kasi maalala kung paanong humantong ako dito, kung paano ako namatay. Nalulungkot ako, oo, lalo na nang makita kong namamaga ang mga mata ng pamilya ko dahil sa kaiiyak. Pero walang tumutulong luha sa sarili kong mga mata dahil wala talaga akong maalala. Marahil mahahanap ko rin ang mga kasagutan mamaya. Siguro kailangan ko lang muna ngayong…

Teka, nariyan na sila. Nagdadatingan na ang mga bisita. Naunang dumating ang mga dati kasama ko sa trabaho. Si Cathy, Jed at Noemi, mga matatalik kong kaibigan… teka, pati Rizza.

Si Rizza ang pinakatahimik sa lahat ng naging kasamahan ko. Laging nasa isang tabi at kuntento nang walang kausap. Lagi nilang pinagtatawanan siya dahil mayaman daw, may sariling mundo raw  kasi. Hindi naman kami malapit nito sa isa’t isa. Maliban sa ilang mga pagkakataong niyayaya ko siyang sumabay na kumain kasama namin. Nakaaawa kasi, walang nagyayayang isabay siya sa ano mang lakad ng opisina. KJ daw kasi, tingin ko hindi naman, masyado lang silang mapanghusga.

May naririnig ako, may sinasabi siya. Siguro kailangan ko lang lumapit.

“Kahit hindi tayo naging masyadong malapit sa isa’t isa, naramdaman ko kung gaano kabuti ang kalooban mo. Ikaw sa lahat ‘yung nag-aksaya ng oras upang mas lalo pa akong makilala. Hindi tulad ng iba, mapanghusga, parang hindi ako nakikita. Gusto pa sana kita lalong makilala, nagbalak pa akong magbaon kanina  ng makakain para makisabay muli sa inyo. Gusto ko pa sanang maging isa sa mga malapit mong kaibigan, pero huli na. Salamat.”

Nakatutuwang marinig iyon mula sa taong akala ko dati eh, hindi ko na makaka-usap. Nakatutuwang malaman na kung sino pa yung taong hindi mo masyadong pinahahalagahan eh, siya pa pala ang nagpapahalaga sa iyo ng sobra. Sandali lang, nababasa ko ang utak niya? Ang galing! Ganito pala ito ano? Teka, baka may mabasa pa ako galing sa iba.

 Si Jed! Isa sa mga malalapit na kaibigan ko. Dati gusto ko siya, hanggang sa naging malapit kami sa isa’t isa. Sobrang malapit, kaya ang naging tingin niya na lang sa akin, isang kapatid. Hindi ko na nasabi sa kaniya ang nararamdaman ko noon, hanggang sa nawala nalang. Malapitan nga.

“Isa ka sa mga espesyal na tao para sa akin. Nakalulungkot, sana pala sinabi ko dati pa na…”

“Jed!”

Na? Ano  ba ‘tong si Noemi! Ah, kung sa bagay, dati pa ganito na ito. Hindi maitago-tago kung gaano siya ka-in love kay Jed.

 “Tayo pa lang ang tao, gusto mo munang lumabas?” Sabi ni Noemi.

Pero narinig ko kung anong tunay na sabi ng utak niya. “Nakaiinip naman, wala pa bang pagkain?” Natawa na lang ako.

Hindi pala talaga maitatanggi na kahit na ang isang malapit na kaibigan eh, may ugali rin na kahit kailan hindi natin malalaman.

Si Cathy naman, iyak lang ng iyak. Mas lalo tuloy akong nalulungkot. Sa aming apat, siya ang una kong nakilala. Kasabay kong umuwi, kasabay kong kumain noong unang mga araw pa lang namin sa trabaho. Kasundo ko siya sa lahat ng bagay. Parang magkapatid na kami. Gusto kong malaman ang nasa isip niya ngayon. Baka malaman ko kung anong dahilan at humantong dito ang lahat.

“Sorry, sorry talaga…” sabi niya habang humihikbi-hikbi.

Sorry saan? Bakit siya nagso-sorry?

Sandali, nagsidatingan na ang mga tao. Nandito na ang mga iba ko pang kamag-anakan, sila tito, tita, at ang mga malalapit kong pinsan. Halos kasunod lang nilang dumating ang ilan sa mga kapit-bahay namin, kasama ang ilan sa mga kababata ko. Pati mga kaklase ko noong highschool at college.

Lalo akong nalungkot.

Ibig sabihin ba nito hindi ko na sila makakasamang kumain, hindi na ako makikipagtawanan sa kanila, hindi ko na sila makaka-usap? Halos lahat sila naging kabahagi ng buhay ko, ng maikli kong buhay dito sa mundo. Nakalulungkot talaga, nalaman ko na pati pala ang patay nalulungkot din.

Pero bago ang lahat, kailangan kong malaman ano ang dahilan kung bakit kailangang humantong dito ang lahat. Si Cathy parang may alam, kaya lang parang tumahimik na siya. Wala na akong naririnig na sinasabi ng utak niya. Ano bang alam niya?

Tinignan ko muli ang lahat ng mga nakikiramay. Iba-iba ang pinagkaka-abalahan ng bawat isa. Naririnig ko ang mga sinisigaw ng utak nila, madami, iba-iba. Mayroong naghahanap kung saan pwedeng maglaro ng baraha, mayroong naghihintay ng makakain, may ibang hindi na mapakali sa upuan kahit kadarating pa lang, may naghihintay ng text galing sa kasintahan niya, may totoong nalulungkot, mayroon ding natutuwa.

Akala ko noon kapag namatay ang isang tao, malalaman niya na kung anong tingin sa kaniya ng mga taong nakasalamuha niya dati. ‘Yun pala, mas maraming malalaman yung namatay tungkol sa mga totoong ugali at iniisip ng mga naiwan niya.

Sinubukan ko pang muli na magbasa ng isip ng mga tao, baka malaman ko kung bakit kailangang humantong dito ang lahat.

Bigla akong nagulat nang may nakita akong pulis sa ‘di kalayuan. Nalaman kong nagugulat din pala ang patay. Napa-isip ako kung bakit may pulis, hanggang sa parang naaalala ko na ang lahat. Biglang nagliwanag ang buong paligid. Parang flash-back! Bumalik ulit ako sa nakaraan!

Ika-apat iyon ng hapon, araw ng Linggo. Nakita ko pa nang tumingin ako sa relo bago lumabas ng bahay. Kailangan kong bumili ng mga makakain dahil Lunes na naman bukas, abala na naman sa trabaho. Siksikan noon ang mga tao sa palengke, galing silang magsimba. Natawa pa nga ako noon dahil sa labas lang ng simbahan, may nagtatalo na dahil sa taas ng presyo ng isda. Hanggang sa nagsabihan na sila ng mga masasakit na salita, naglabasan na ng lansa ng isa’t isa. Mga tao nga naman, sa loob ng simbahan banal, sa oras na tumapak na sila sa labas nagiging garapal.

Nakasalubong ko si Cathy noon, pinipilit niya akong sumabay sa kaniya pauwi. Sasabay na sana ako nang may naalala ako na kailangan kong bilhin. Hindi ako nagpapilit, naisip ko tuloy na kung pumayag lang sana ako noon, hindi siguro hahantong dito ang lahat. Hindi pala dapat siya humingi ng tawad. Ako pala. Pero huli na.

Papatawid ako noon ng kalsada nang may biglang bumangga sa akin, isang batang gusgusin. Para bang nagtago pa siya ng matagal sa likuran ko. Humihingal siya, samantalang ako ay pilit na lumalayo sa kaniya. May inabot siyang maliit na supot, kulay puti. Saglit ko lang tinignan ang bagay na inabot niya, nalaman ko na agad kung ano iyon. Isang bawal na gamot.

Hindi ko alam noon kung anong gagawin kaya naman hinabol ko ang bata. Pinatitigil kami ng pulis. Ngayon, dalawa na kaming tumatakbo. Pakiramdam ko may kasalanan na rin ako. Nagsisi ako kung bakit ako biglang tumakbo. Lumiko ang bata sa isang eskinita, nakita ko siya kaya’t sumunod ako. Kailangan ko siyang maabutan upang maipagtanggol ang sarili ko.

Naabutan ko ang bata, hinila ko siya sa isa pang bahagi ng eskinita. Parehas pa kami noong hinihingal. Binatilyo na pala siya, nasa mga sampung taon. Pawisan, madungis, mabaho.

“Kunin mo ito! Hindi ito sa akin! Kung ako yung taong inaakala mong pag-aabutan mo niyan, puwes hindi ako ‘yun! Kunin mo na ito, sasamahan kita sa pulis! Sino ba ang mga magulang mo? Nasaan sila?”

“Wala na po akong mga magulang. Paki-usap, dalawa ang mga kapatid ko na kailangan pang kumain sa bahay! Iniwan ko lang po sila! Kailangan ko na pong bumalik, pasensiya na po,” nanginginig at paiyak na sabi ng bata.

Sa oras na iyon, narinig ko kung anong gusto niyang sabihin. Napilitan lang siya, hindi niya iyon kasalanan. Kung kasalanan man niya, hindi lang siya ang dapat na sisihin.

Napatulala ako, nabitawan ko siya, hindi ko alam kung bakit ayaw ko na siyang habulin. Natakot ako nang biglang sumigaw ang pulis at nagpaputok ng kaniyang baril. Wala akong maisip gawin kung hindi tumalikod at muling tumakbo. Tila ba guilty din ako sa kasalanan ng batang iyon. Kasalanan ko nga rin yata kung bakit siya ganun. Gusto ko pa sanang humarap sa mga pulis at sabihing:

“Walang kasalanan ang bata! Kasalanan ko, kasalanan mo, kasalanan nating lahat kung bakit niya nagawa iyon.”

Ngunit huli na yata ang maglitanya pa. Bigla akong nakarinig ng isang putok ng baril, saka ako nawalan ng malay. Nagising na lamang sa isang silid na puno ng nag-iiyakang tao. Nagising ako, sa araw ng sariling lamay ko.

Maaaring sinasabi ng lahat ngayon na kasalanan ko nga ang aking pagkamatay. Maaaring ang iba ay kunwaring nakikiramay lang ngunit iba ang iniisip. Dati tinatanong ko ang sarili ko kung ano ba ang tingin ng tao sa akin, kung anong maririnig ko sa oras ng kamatayan ko. Isa nga ba akong bayani upang daluhan ng buong bansa ang lamay ko? O isang kriminal na kinahihiya ng mga kamag-anak at kaibigan ko?

Dati, ang sabi nila mabait daw ako, ngayon kaya? Ang huling ginawa nga ba ng isang tao ang magtatakda sa kaniya kung ano ang buong pagkatao niya? Malungkot, pero minsan ganun nga. Madali nating makalimutan ang mga kabutihang nagawa ng isang tao dahil sa isang pagkukulang niya.

Hindi ko na mababago ang tingin ng lahat dahil huli na. Sana alam nila ang katotohanan ng buong istorya upang silang mga buhay ang bumago nito, dahil sa ngayon hindi ko na kaya.

Sa wakas, tumulo na ang mga luha ko sa aking mga mata. Alam ko na hindi ito dahil sa kalungkutan, kung hindi dahil sa kasiyahan. Kung bakit ako masayang patay na ako? Hindi ko alam. Isa lang ang alam ko, nasisiyahan din pala ang patay.

Ngayon, magpapaalam na ako. Saan ako pupunta? Bakit? Ikaw pa rin ba ang huhusga?

2 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.