Ang Hiyaw ng Libo-Libong Ligaw na Tinig

Ang paghalik ni Imelda Marcos, ang maybahay ni Pangulong Ferdinand Marcos, sa glass coffin na kinahihimlayan ngayon ng diktador.
Ang paghalik ni Imelda Marcos, ang maybahay ni Pangulong Ferdinand Marcos, sa glass coffin na kinahihimlayan ngayon ng diktador.

Siguro naman, batid na ng sambayanang Pilipino ang mga kaganapang bumabalot ngayon sa bansa magmula sa pulitikal na aspekto nito hanggang sa kalagayan ng lipunang ating ginagalawan. Maaaring sabihin na ang taong 2016 para sa kasaysayan ng bansang Pilipinas ang isa sa kritikal na taon lalo na sa henerasyong kinabibilangan ko, ng ating mga magulang, ng ating mga lolo’t lola, at sa mga batang sasalo ng mga epektong naghihintay sa kanila ng mga kaganapang ito, ngunit wala na tayong magagawa kung hindi ang harapin ito.

Halos isang dekada bago ako maipanganak sa mundong ito nang maganap ang People Power o rebolusyon na naganap sa Epifanio de los Santos Avenue o EDSA na naglalayong pababain, palayasin, at patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos mula sa kanyang dalawampu’t isang (21) taong panunungkulan sa pwesto bilang isang pangulo at diktador ng bansang Pilipinas. Magmula sa pagpapatalsik sa administrasyong Marcos ay muling nanumbalik ang diwa ng demokrasya at kalayaang ating tinatamasa ngayon na siyang pangunahing dahilan kung bakit ko naisulat ang artikulong ito at kung bakit mo ito nababasa sa mga oras na ito.

Sa usapin ng kasaysayan, napakahalaga na balikan ng mga taong interesado sa mga kaganapan noon sa isang lipunan o bansa ang bawat petsa kung kailan ito naganap at nangyari. Ngunit habambuhay na marahil tatatak sa mga Pilipino ang petsa kung kailan pinaboran ng Korte Surpema ang pagpapalibing kay Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) na naghudyat ng mas malawakang pagkakahati sa pagitan ng mga maka-Marcos at ng mga taong salungat sa kabuuang ideya na ituring na bayani ang dating pangulo.

Tunay ngang wala ako at ang karamihan ng mga kabataang “milenyal” na namumuhay sa kontemporanyong anyo ng lipunang Pilipino (isang lipunang malayang nakakapagpahayag ang mga tao ng kanilang mga saloobin kahit pa man sumalungat ito sa opinyon ng iba, isang lipunang malaya kang makapanlait at makapanghusga ng iba sa social media, isang lipunang napakabilis ng takbo na kahit ang nakaraan ay mabilis na ring malimutan) sa mga kaganapan noong Batas Militar, ngunit hindi ito kailanman naging hadlang upang manatiling tikom ang bibig ng henerasyon na aking kinabibilangan sa mga usaping huhubog sa kinabukasan ng bansa.

Sang-ayon ba ako sa pagpapalibing kay Pangulong Marcos sa LNMB? Hindi. “Dilawan” ba ako, kampo ng mga “Yellowtard” o binayaran ng mga taga-Liberal Party? Hindi. Edi ano ako? Anong silbi ko sa lipunang ito?

Napakasimple ngunit komplikado – isa lang naman akong Pilipinong naniniwala na may maibubuga pa ang lipunang ito sa mga bagay na baluktot, sa mga problemang lalo lamang pinapalawak, at sa mga pagkakamaling inuulit pa ng inuulit ng karamihan. Napakadaming diskusyon, talakayan, at sagutan sa social media at maging sa mga pahayagan na bumabagsak sa paghahanay ng mga Pilipino – mga maka-Marcos, maka-Aquino, maka-Duterte, at marami pang ibang hanay. Kung tutuusin, hindi naman talaga pulitikal ang usapin dito. Ang pagpapahalaga na lamang sa sangkatauhan ang isinaalang-alang ko sa pagsusulat nito.

Alam kong hindi sapat ang mga salitang ito upang maipadama sa inyo ang hinanakit na aking naramdaman nang malaman kong ipalilibing na nga si Pangulong Marcos sa LNMB. Hindi rin sapat ang mga salitang ito upang maramdaman ng mga pumapabor sa pagpapalibing kay Marcos ang hinanakit at hinagpis na nadarama ng mga biktima ng Batas Militar. Pabor man sa batas ang pagpapatuloy ng pagpapalibing kay Marcos sa LNMB dahil sa mga serbisyong kanyang inihandog noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan (kung totoo man ito) at nakatatak din ito bilang isang pribilehiyo ng mga naging pangulo ng bansa, ngunit may mga pagkakataon na ang mga batas na ito ay wala namang matibay na pundasyon at nakatirik lamang sa napakarupok na prinsipyong pinanghahawakan nito.

Kung ilalagay ito sa isang simpleng sitwasyon, isipin na lamang ang isang kalesa na tuloy-tuloy lamang ang pagtakbo sa iisang linya nang walang taong nagmamaneho nito sa kahabaan ng EDSA. Maraming sitwasyon ang maaaring mangyari sa kalesa sa kabuuan at sa mga sasakyang matatagpuan sa naturang kalsada – maaaring mabangga ang mga sasakyan sa daang dadaanan nito, maaaring biglang lumikong pakaliwa o pakanan ang kabayo na siyang sanhi ng pagkamatay nito, o hindi kaya maaaring maraming sasakyan ang iiwas na lamang sa linyang tinatakbuhan ng kabayo. Ano’t ano pa man ang maging sitwasyon, mananatili pa ring baluktot ang kinalalabasan at paniguradong may masasaktan. Ito ang sitwasyon ng batas sa bansa sa kasalukuyan – nandiyan nga ngunit mailap, manhid, at magulo.

Ang larawan ng mga desaparecidos.
Ang larawan ng mga desaparecidos.

Maaari bang ituring na bayani si Pangulong Marcos? Maaaring oo, maaaring hindi. Ano man ang maging sagot sa tanong na ito, hindi pa rin kailanman nababagay sa LNMB si Pangulong Marcos hindi dahil sa hindi siya bayani kung hindi dahil sa mga taong una nang nailibing sa limot mula pa noong panahon ng kanyang administrasyon. Karamihan pa rin ng mga desaparecidos ang patuloy na pinaghahanap sa kasalukuyan, na kahit ilang dekada na ang nakalilipas ay sariwa pa rin sa alaala ng kanilang mga mahal sa buhay ang huling araw nilang nakapiling, nakausap, nayakap, at nakasama ang mga ito. Kung may mga bayani mang nararapat na ilibing sa LNBM, iyon ay walang iba kung hindi ang mga taong nakipaglaban sa diktadurang Marcos maibalik at makamtan lamang muli ang kalayaang ginagalawan natin ngayon.

Sa wakas, nakuha na rin ng pamilyang Marcos ang inaasam nilang titulo na “bayani” para sa kanilang kaisa-isang “pinakamagaling” na pangulo ng Republika ng Pilipinas. Sa wakas, nakuha na rin ng pamilyang Marcos ang pagsisimula ng “proseso ng paghilom ng sugat at nakaraan” sa oras na mailibing na sa LNMB ang pangulo. Sa wakas, nakuha na rin ng mga maka-Marcos ang pinapangarap na “katahimikan” mula sa kanilang mga kaaway at kalaban sa social media. Sa wakas, natuldukan na rin ang pag-asa ng mga biktima at pamilya ng mga biktima ng administrasyong Marcos na makuha ang hustisyang ipinagkait mismo ng institusyong magsisilbi sanang kasangga at kakampi ng mga taong tinanggalan at inalisan ng karapatang mamuhay ng malaya.

Maaaring bangkay lang naman ang ihihimlay at ibabaon sa libingang iyon, ngunit hindi kailanman mababago sa mata ng karamihang Pilipino ang kahihiyan na mailibing ang isang taong nagsilbing daan upang makapaghasik ng lagim ang kanyang mga kapulisan at sandatahang lakas, isang taong naging simbolo ng paghihirap, pagkatakot, at pagyurak sa pagkatao ng mga Pilipino, at isang taong nagsilbing diyos at idolo ng mga pulitikong patuloy na nangungurakot at nagnanakaw habang naghihikahos at nagdurusa ang milyon-milyong Pilipino sa hirap.

Sa huli, ang matuto mula sa mga kaganapan sa nakaraan ang siyang tanging panghahawakan ng mga Pilipinong namumuhay sa kasalukuyan. Para sa mga Pilipinong naniniwalang wala namang silbi ang pakikibaka ng mga sumasalungat sa pagpapalibing kay Pangulong Marcos sa LNMB, magpasalamat ka na lamang sa demokrasyang ito sapagkat malaya kang paboran o laitin ang opinyon ko. Gaya nga ng sinabi ko sa una, napakakritikal ng taong ito para sa lipunang Pilipino at habambuhay nang nakatatak sa kasaysayan ng bansa ang mga kaganapang ito. Walang nakakaalam kung mananatili pa bang buhay ang kaalaman ng mga susunod na henerasyon sa isa sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa, ngunit nakasisiguro akong hindi kailanman sasayangin at makakalimutan ng henerasyong ito ang pawis, dugo, at buhay na inialay at isinakripisyo ng mga taong nakibaka, nakipaglaban, at nakiisa makamtan lamang ang kalayaang tinatamasa ng lipunang ito ngayon.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.