Ang Hiwaga ng Nunal

 Pag- usapan naman po natin ngayon ang nunal o mole sa wikang Ingles, mahiwaga daw po kasi ang mga ito.Sang- ayon sa sinaunang kasabihan,ang nunal daw o ang” tanda” ay may bagay na ipinahihiwatig sa nagdadala nito. Maraming gamit ang nunal,maaari itong maging pagkakakilanlan ng isang tao, noon nga may kaklase akong kambal as in identical twins, ang pagkakaiba lang ang nunal ng isa sa kaliwang pisngi. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa tanyag na kasabihan at paniniwala ukol sa nunal.

Kapag may nunal daw sa noo o sa ulo at maaari ding sa sintudo, ito raw ay nangangahulugan na matalino ang taong may dala nito. Kung ang nunal naman daw ay nasa mukha, na kapag tiningnan ang isang tao ay ito agad ang mapapansin, nangangahulugan daw ito na hindi mamamatay na mahirap at magiging tanyag sa lipunan ang mayroon nito, he he, kunsabagay kilalang personalidad sila Nora Aunor, Lorna Tolentino, dating Presidente Gloria Arroyo, lahat nga sila ay mayayaman at sikat at pare-pareho silang may kapansing-pansing nunal sa mukha.

Kung ang isang tao raw ay may nunal naman  sa may hingahan, ibig sabihin daw ay luluwag ang buhay ng taong iyon.  Kung ang nunal naman ay nasa hita, ibig sabihin daw ay magaling sa sport o palakasan ang may dala nito. Ang may nunal rin daw sa batok ay habulin daw o yung bang tinatawag na malakas ang sex appeal. he he.

Heto naman ang medyo negatibo, tamad raw ang taong may nunal sa likod, mahilig rin daw itong matulog kaya hindi raw aasenso sa buhay. Alam ninyo may nunal ako sa likod, medyo mahilig nga akong matulog, pero hindi naman ako tamad, ganon pa man, kasabihan lang naman.

Kapag may nunal daw sa bibig, ang taong ito raw ay tsismosa o madaldal.  Ang may nunal na pula naman daw sa kamay ay maaaring magnanakaw o yun bang tinatawag na malikot ang kamay.

Ang pinakamasaklap sa lahat kapag may nunal daw sa mata na malapit sa tutuluan ng luha, ang taong mayroon daw nito ay mababaluhin o mamamatayan ng asawa he he.Isang kaibigan kong lalaki ang nagpatanggal ng nunal sa ibabang bahagi ng kaniyang mata, dahil nang ipakilala siya ng girlfriend niya sa mga kamag anak nito ay sobrang pag-ayaw ng mga ito dahil daw nga sa nunal na iyon. Mamamatay daw nang maaga ang sinumang maging asawa nito.  Ang tao na may nunal naman daw sa paa ay mahilig  pumunta kung sa kung saan –saan.  Kapag ang nunal daw ay nasa lihim na bahagi ay babaero daw o lalakero ang mayroon nito.

Hayys, kasabihan lamang po ang mga ito, kaya kung mapapansin ninyo, labis na yata ang pag gamit ko ng raw at daw ,he he, at wala namang patunay ang siyensiya.

Sa tuwing maririnig ko nga po ang mga ito ay hindi ko maiwasan na tumawa hanggang sa sumakit ang aking tiyan. Pero ang mga nunal ding ito ay may taglay na panganib, isang kaibigan ko ang nagpadoktor kamakailan lamang dahil cancerous daw ang kaniyang nunal sa braso.  Napansin niya ito, na lumilipat-lipat, nag-iiba ang kulay at minsan ay sumasakit at dumurugo.  Mabuti na lang at naagapan, inalis ito ng doctor. Hay, nunal ikaw talaga ay mahiwaga

Enhanced by Zemanta

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.