Ang Hiling Para sa Isang Kaibigan

Shrine of the Divine Mercy

Ang mga pagsubok daw kapag dumating sa buhay natin, minsan ay  sunod-sunod. Mga patong-patong na problema na susukat ng iyong katatagan bilang tao.

Napatunayan ko ‘yan sa kuwento ng kaibigan kong si Caloy – isang chef sa Gitnang Silangan.

Nagkaroon ng masamang bisyo ang asawa niya at nakulong habang siya ay nasa ibang bansa. Kaya ang kanilang pagsasama ay nauwi sa hiwalayan. Nalugi at nagsara ang maliit na kainan na pinagsikapan niyang ipundar dahil napabayaan. May sakit na diabetes pa ang anak na lalaki na kailangan ng regular na dialysis at insulin.

Nangulila sa pagkabigo sa unang asawa. Muling naghanap. Nagmahal. Nabuntis ang babae.  Pero sa ika-anim na buwan ng sanggol, nalaman sa ultrasound na may congenital heart problem ang bata. Mahina raw ang puso ng sanggol at ang abdominal fluid na kumakalat sa katawan dulot ng kumplikasyon ay nakaaapekto rin sa asawa niya. Patuloy na lumalaban ang bata pero pinasya ng doktor na  maaaring ilabas ang sanggol via ceasarian section pagsapit ng pitong buwan upang maobserbahang mabuti ang kanyang kalagayan.

Panibagong dagok. Panibagong pagsubok.

Bakit ba ganito ang buhay?  ‘Yung akala mong okay na, hindi pa pala. Ang malungkot na sabi niya sa akin.

Isang simpleng tanong pero hindi ko naman maihanap ng kasagutan lalo pa’t di ko pa naman ito nararanasan. Magiging ipokrita lang ako kung sasabihin kong, “Naiintindihan kita“.  Hindi rin tamang sabihin na , “Naku, lahat naman tayo may pinagdaraanan.” O kaya ay . . .  “Huwag kang mag-alala, kaya mo yan,”  na parang wala lang. O sisihin sila sa mga maling desisyon at sabihing, “Kasalanan mo rin naman kasi.”

Wala nang sermonan. Walang sisihan. Walang personalan.

Dahil sa mga ganitong pagkakataon, sa taong may problema ang alam lang niya ay  kung gaano kabigat ang mundo para sa kanya.  

Maraming klase ng pagsubok. May mabigat at mayroong magaan dalhin. Maraming mga tanong na madali at mahirap sagutin.

Bilang isang kaibigan, minsan kahit na nagkakaroon tayo ng mga ‘di pagkakaunawaan sa mga ibang tao, pagdating sa oras ng pangangailangan, isasantabi muna natin ang mga hidwaan. Hindi na mahalaga kung sino man ang may kasalanan. Dahil lahat naman ng bagay sa mundo ay may kaukulang sagot para sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan. Sabi nga ng netizens, bahala na si Batman.

Pero sa kabila ng mga iyan, ang kaibigan ay kaibigan.

Malalim man o hindi ang pinagsamahan, mayroon mang hindi pagkakaunawaan, naging bahagi sila ng ating paglalakbay dito sa lupa. Dahil sila ang mga taong magtuturo sa atin ng ating mga kamalian o magpapakita ng tamang daan papunta sa buhay na mas maliwanag. At ganun din naman tayo sa kanila. Kahit paano, mayroon din tayong epekto sa buhay nila. Ang lahat ng karanasan natin ay mga repleksyon na sumasalamin sa buhay ng isa’t isa.

Hindi rin tamang sabihin na, “Problema mo ‘yan, bahala ka“, dahil lahat ng tao ay magkakaugnay sa mundo. Kahit nga sa isang pamilya, kahit gaano kalaki ang kasalanan ng isa ay hindi naman natin sila basta babale-walain. Dahil kahit saang anggulo mo man tignan, ang pamilya ay pamilya pa rin.

Hindi ko man alam kung paano sasagutin ang tanong niya, pero alam ko na meron naman akong puwedeng gawin – ‘yung samahan na lang siya sa ganitong pagkakataon. Hindi na kailangan ang maraming salita para mabawasan ang lungkot. Tama na ang marahang tapik o hagod sa balikat, ang dalawang tengang handang makinig at ang tahimik na presensiya na magpapakalma ng kalooban kahit sandali man lang.

Kasi hindi naman laging solusyon ang hanap nila. Minsan kailangan lang nila ng mapagsasabihan at makaiintindi.
‘Yung malamang hindi pala sila nag-iisa. Para naman mabawasan ang takot at pangamba.

Ilagay na lang muna natin ang ating mga sarili sa katayuan ng iba kahit wala tayong karanasan sa mga ganyang problema. Dahil kung sakaling dumating ang araw na tayo naman ang mangailangan, hindi na sila magdadalawang-isip pa.

Sa ngayon ang tanging magagawa ko na lang bilang kaibigan ay samahan siya. Ipagdasal na huwag  pabayaan ang kanyang mag-ina. Hilingin sa Diyos na sana maging matatag siya at makalagpas silang  dalawa sa problema.

Isang simpleng hiling lang na magpapagaan na rin sa aking damdamin.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.