Ang Guro ng Katuwiran, Katotohanan at Paglaban

Teacher (PHoto Credit: Everything Waldorf - WordPress.com)

Madilim.

Balagwit…
sa balikat…

ang dalawang timbang puno ng tubig.
Na sinalok sa balon malayo sa aming kubo.
Pampaligo, panluto, at inumin.
Takot na nagpapabalik-balik upang punuin ang limang tapayan,
Tanglaw lamang ng buwan ang itinuturing na gabay.
Ang mga huni ng kuliglig at ibon ang aking kaaway,
Tinatakot sa banta na baka bigla na lang akong humandusay.

 

Tinanggap kong maging guro sa pinakaliblib na lugar,
Isinasaalang-alang ang dunong na maibibigay
Sa mga katutubong ginagawang mangmang ng mga nasa kapatagan.
Umaasa, na sa pamamagitan ng aking pinag-aralan,
Ay matuturuan ko silang bumasa at sumulat…
Ng katuwiran, katotohanan at paglaban
Sila’y may karapatang manatili, magkaroon,
at kilalanin ng lipunan.

 

Hindi ang mga kulot nilang buhok,
Madidilim na kulay,
Namumulang mga ngipin
Ang dahilan ng pag-iral,
Kundi ang makakapal nilang mga kamay,
At ang kalyadong talampakang
Bumubungkal at lumalandas ng lupang sakahan
Upang busugin ang mga taong may tuwid na buhok,
Mapusyaw na kutis,
mapuputing ngipin,
At ang may malalambot at maninipis na palad
at talampakan.
Silang mano-manong tinatapos ang maghapon
Sa pamamagitan ng sipag at tiyaga,
Hindi ng mga makinang wumawasak ng kanilang lungga.

 

Kaya bakit ako tatamaring umahon sa mga bundok,
Naroon ang karunungan, ang kuwento at ang katiwasayan.
Kaya bakit ako tatamaring umahon sa mga bundok,
Guro ako’t misyon ang magbigay-karunungan.
Kaya bakit ako tatamaring umahon sa mga bundok,
Kung sila’y lumulusong upang hatdan ng ginhawa ang bayan?

 

Lumbay ang nabubuo sa tuwing iigib ako sa kalaliman ng gabi,
Ang banghay-aralin na kailangang matapos ay laging naisasantabi,
Sapagkat nilulukuban ako ng lungkot at pangungulila.
Naririnig sa kapanglawan ang tinig ng pamilyang naghihintay.
Kung bakit ibang mga bata ang aking inaalagaan,
Gayung hindi maturuan ng matematika, gramatika, at siyensya ang mga supling sa sariling tahanan.

 

Mahal kong asawa,
Paumanhin kung hindi ako ulit makauuwi,
Malakas ang ulan at baka kung mapaano ako sa daan.
Mga anak, pasensya na kung hindi ako makauuwi,
Tuturuan ko pa bukas ang mga bata ng ingles.
Alam kong nagseselos na kayo,
Kaya patawad,
Kailangan kong gawin ito sapagkat guro ako.
Pero alam ko rin namang asawa at ama ako,
Kaya patawad kung sila ang kailangan kong unahin.
Kailangan ng guro sa mga bulu-bundukin.

 

Patawad!
Noong gabi ng Biyernes, pauwi na ako matapos ang pulong.
Sabik na sabik na akong makita at makasama kayo.
Pinasya kong lumusong sapagkat kabilugan.
Kita ang tinabas na daan,
Ang tulay na kawayan,
Ang ilog na rumaragasa,
Ang mga bituin sa pagitan ng mga dahon at sanga,
Ang buwan na bagama’t nag-iisa,
ay kayang magningning.

 

Mahal, narinig ko ang isang hikbi.
Nakikisabay sa mga huni ng ibon at kuliglig.
Mahina ngunit nakapanginginig.
“Inay, itay, inay, itay.
Inay, itay, inay, itay.”
Paulit-ulit ang pagsamo.
“Inay, itay, inay, itay.
Mang Tikboy!”

 

Mang Tikboy.
Isang Tikboy lang ang kilala ko,
Si Tikboy na anak ng kapitan.
Nasaan ka?
Tumahimik ang paligid sa hiyaw ko,
na para bang pinagtaguan ako ng puno,
ng ilog, ng daan, ng bituin, ng buwan.
At isa lang ang tangi kong nakikita:
Isang dalagitang nakabulagta,
Kapipikit lang ng mga mata,
Kabibitaw lang sa kinakapitang pag-asa,
Kapuputol lang ng hininga.
Si Marissa.

 

“Marissa. Marissa. Marissa gumising ka!”
Kinarga ko siya.
Hindi ko malaman ang gagawin at kung saan pupunta.
Tumatakbo ako na tila hinaharangan ng mga punong biglang nagpakita,
Nilulunod ng mga ilog na biglang lumawak at lumalim,
Binabaril ng buwan na nakatutok at ang mga bituin ang kanyang bala.
Sinusundan ako ng kaba.
Umaagos sa braso ko…
Nagmamantsa na sa damit ang dugo.
Marissa, gumising ka.
Gumising ka!

 

Narating ko ang kapatagan.
Binulaga ako ng ingay at kaguluhan.
May mga kamerang nagkislapan.
May mga kamao at paa akong sinalubong
na hindi ko na naramdaman.
Mga hampas ng tubo, kahoy,
At pukol ng bato.
Na kung dadamhin ay kay husay sigurong ipansaka.

Tumutulo ang luha ko habang nakatitig sa batang karga kanina,
Ako na pala ang pasan ng lupang pinagmulan.
May posas sa magkabilang braso,
Sugatan, duguan, at patuloy pang tinatadyakan.

Mahal kong asawa at mga anak,
Naririnig ko pa…
Ang mga sinasabi nila…
“Guro ka pa mandin,
Nakakahiya!”

Mahal kong asawa at mga anak, patawad,
Nagkamali ako.
Nagkamali ako.
Nalaman kong: Hindi lamang pala ang mga katutubo ang dapat na turuan,
Maging silang mga may pinag-aralan na.

Mahal kong asawa at mga anak,
Baka hindi na ako makauwi.

At Marissa,
Mabuhay ka.
Mabuhay ka.
Parang awa mo na.
Tinuruan kitang sumulat at bumasa…
Ng katuwiran, ng katotohanan, at paglaban.

Teacher (PHoto Credit: Everything Waldorf - WordPress.com)
Teacher (PHoto Credit: Everything Waldorf – WordPress.com)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.