Ang Buhay ng isang Tattoo Collector (Chapter 1)

(Ganito kasi ‘yan eh)

IMG-20140322-01530Paubos na naman ang mga gatas nila, langya!”

‘Yan ang nasabi ko sa sarili ko noon; anim na taon na ang nakalipas. Napapaisip na talaga ako ano pa ba ang gagawin ko matapos kong sumuong sa iba’t ibang klase ng hanapbuhay.

Mula sa pagiging empleyado na hindi ko matapos-tapos bawat kontrata dahil sa maliliit pa sila at kailangan talaga na nasa bahay ako para asikasuhin at alagaan sila ay isama na diyan ang pagtitinda ng kahit anong makakain para kumita.

Parang ugat na ng puno ang mga kamay ko kaka-ihaw ng isaw at karne ng baboy, kaka-prito ng fishball, kikiam, burger at kahit ano pa na pwedeng prituhin sabay kaskas ng yelo para sa halo-halo. Darang na ako sa init at lamig. May tindahan nga kami pero tatlong ulit na nagbukas at nagsara dahil puro utang lang naman ang inaabot.

Masaklap pa niyan eh minsan nagsi-siesta ka tapos gigisingin ka lang para bumili ng pisong kendi! O kaya naman pag utang, sa ‘kin kukuha pero pag bibili eh sa ibang tindahan. Lintek din makapangutang ng alak na akala mo eh ice tubig lang ang gusto nilang ipaluwal ko. Ang lagay eh lugi na nga, abonado pa! Mapapamura ka na lang talaga, p***ta!

“Ok, so paano na?”

Eh ano pa nga ba? Eh ‘di manghihingi na naman ako sa nanay ko. Nahihiya din ako noh! Alam ko naman na imbes na matuwa siya na makita niya ang pangalan ko sa inbox niya eh kinakabahan na naman ‘yung bungangerang yun kasi malamang eh PERA na naman ang sasabihin ko. At tama naman siya hehe!

Minsan naman eh nangungutang ako sa iba. Siguro naiisip mo kung nasaan ba ang tatay nila noh? ‘Wag na nating pag-usapan, sasakit lang din ang ulo ninyo. Basta naisip ko noon eh gagawin ko na lang ang makakaya ko. Ano nga ba? Naku! inaatake na naman ako ng pagka-bipolar ko, nabubuang na naman ako kakaisip.

“Luluwas pala ang kababayan kong mananato! Madadagdagan na naman ang mga itinatago kong tattoo sa katawan neto hehe!”

‘Yan ang naging diversion ko ng stress noon. Nagsimula akong magpa-tattoo noong 2009. Sabi ko noon, isa lang, maliit lang at nakatago pa kasi malamang mamumura na naman ako ng nanay ko kung magkita man kami. Paano naman kasi noong kabataan ko, marami talaga akong kagaguhan. ‘Yung tipong ipinagdadasal na nga lang na sana mamatay na lang ako kesa daw mahatulan ako ng bitay balang araw.

Lupit noh? Baka kasi ‘pag nakita niyang may mga tattoo ako eh isipin niyang adik na ako o kaya naman eh napariwara na at baka miyembro na ako ng gang o sindikato. Exag pa naman mag-isip ‘yun. Tipong kung ang tao eh na-ospital lang pero pagdating sa kanya eh, nakaburol na.

Naalala ko ‘yung una kong tattoo. Namahalan na ako sa ilang libong sinisingil sa ‘kin eh ang liit lang naman. Akala ko kasi noon eh mura lang. Gumana na naman ang pagkabarat ko, tinawaran ko nang tinawaran hanggang sa nagkasundo kami sa presyo, yehey!

At dahil na rin sa likas akong maboka eh sa katagalan naging tropa na kami at ng iba pang mga tattoo artist kaya ayun, halos araw-araw yata na kinakati akong magpatattoo. Pero sa mga tagong parte lang ng katawan ko. Takot pa kasi ako noon kasi nga iba ang tingin ng tao sa may tattoo lalo na at babae ako. Oo, babae ako haha!

Bzzt… Bzzt…! Ayan na, nakakasa na ang karayom sa tattoo machine! Umpisa na ng masarap na sakit!

Oo, ganyan ang turing namin sa sakit na dulot ng ilang oras na pagdutdot ng karayom sa balat. Basta ako ang dahilan ko eh pakiramdam ko mas lalo akong tumatapang sa buhay ko tuwing session ko. ‘Yan ang tawag namin sa oras ng tatuan. Tattoo Session, Sked (Schedule) o Session. Sa biruan naman eh kung magtanong kami sa mga tattoo artist namin eh, “KELAN MO AKO SASAKTAN?”  at ibig sabihin noon eh kelan ang session namin.

“Ano ba yang yosi mo! Ang sakit sa ilong!”  

Laging sinasabi sa ‘kin yan pag natataong hindi nagyoyosi ang nagta-tattoo sa ‘kin. Para nga kasi akong pugon kung manigarilyo. At masarap magyosi habang nagpapa-tattoo kasabay ng kwentuhan ng buhay-buhay namin pati nga buhay ng iba haha! Libangan lang pero hindi naman sa mapanirang paraan. Eh kahit naman saang lupalop ng mundo eh hindi nawawala ang tsismisan o chikahan na ‘yan noh, ‘wag nga ako!

Hindi kaya barilin ako ng nanay mo pag nakita niya itong bagong tattoo mo? Ito ang una mong colored at kahit maliit pa ito sa lagay na ito eh ito na ang pinaka malaki kumpara sa ibang tattoo mo.”

Hindi naman siguro. Mag-bulletproof vest ka na lang kung sakaling madadayo ka sa lugar namin sa probinsya haha!”

“Sayang, ikaw na lang sana ang kinuha kong model noong compi kaso takot ka naman kasing mag-model. Sabagay malaki kasi yung piyesa ko noon baka doon na talaga ako mabaril ng nanay mo. Libre pa naman yun kasi ako naman ang namili ng design na panlaban namin. Kesa gagawa ako ng libre sa iba eh sa ‘yo na lang sana.”

COMPI.  ‘Yan ang tawag namin sa Tattoo Competition na nagaganap o kaya naman eh Tattoo Event o Event. Hindi naman talaga dapat libre ‘yan pero madalas libre lalo na kung tropa naman ng tattoo artist ang gagawan niya ng piyesa. ‘Yan ang simpleng pagtitipon namin na kadalasan sa mga bar ang venue.

PIYESA o DESIGN  na ang ibig sabihin kadalasan ay orihinal niyang disenyo at konsepto. Puwede rin naman na ang piyesa nila eh hindi nila orihinal na likha pero siyempre igagawan pa rin nila ng twist ‘yun para hindi naman kopyang-kopya lang  o matawag na Google  lang. Maliban na lang siguro kung magpapatattoo ka ng logo eh siyempre dapat kopyang-kopya ‘yun.

MODEL naman ang tawag sa amin na handang mag-alay ng balat para sa isang piyesa. Walang kinalaman diyan kung pogi ka ba o maganda o kung may abs ka ba o sexy ka. Kahit ano ka pa basta matibay ka sa sakit at handa mong i-alay ang balat mo at i-represent ang art ng mananato eh MODEL kang matatawag.

“Pwede ka bang mag-model? Umatras ‘yung model ko eh! Sayang naman kung hindi ako makakasali.”

‘Yan ang tawag na natanggap ko makalipas ang ilang buwan mula noong huling session namin. Ow syet! Ano magmo-model na ba ako? Malaking design ‘yun malamang. Kung sa sakit lang eh kaya ko at nae-enjoy ko ‘yun, pero ano? Handa na ba ako? Malamang makakatikim na naman ako ng mura kay ermat nito, pihado yan.

Ambilis ng takbo ng isip ko noon. Kliyente lang naman akong matuturingan, tipong gusto ko lang ng tattoo pero hindi pa napasok talaga sa isip ko na magpadami o magpagawa ng malaki. Noong una talagang nakakita ako kahit sa picture lang na maraming tattoo eh nagugulat ako. Ang sakit kaya niyon! Ang dami at malalaki talaga at halos wala nang bakanteng balat. Aabot ba ako sa ganoon?

Hindi siguro…

Sige, puwede ako kaso wala akong pamasahe saka wala talaga akong ibabayad sa entrance fee sa bar at sa registration fee natin ha!”

Ambilis kong nagdesisyon ano? Kasi ganoon din naman talaga ang ugali ko. Mas matagal pa nga ang magpalit ng napkin kumpara sa bilis ko sa pagdedesisyon.

Hindi ko naman masabing nagpadalos-dalos ako kundi nataon naman kasi na gusto ko talaga ang tattoo. Nagustuhan ko na kasi at habang tumatagal, kahit sa iilang pirasong tattoo ko sa katawan noon eh ramdam ko na gustong-gusto ko ito at may kakaibang idinudulot na satisfaction sa pagkatao ko.

Ayan, nakaligo na ako at nagbibihis na. Ano bang isusuot ko? Balak ko kasi sa gilid ng hita ako magpapalagay. Sakto malaki ang hita ko. Pwede nga akong hulihin ng DENR kasi mapagkakamalan akong illegal logger sa mala-troso kong hita haha!

At saka para kapag naka-pajama ako sa bahay eh hindi muna makikita ng mga tsismosa dito sa amin at kung ano-ano na naman ang sasabihin sa ‘kin eh mabubwiset lang ako. Ayoko pa naman talaga ng pinakikialaman ako, sa totoo lang. Isa pa, hindi pa rin naman talaga akong handang magladlad ng mga tattoo ko.

Kaya ayun, lumabas ako ng bahay na naka-short pero may baon akong pantalon para pag-uwi ko eh tago pa rin ‘yung magiging bagong tattoo ko. Naks! Model na ako, magre-represent na ako ng disenyong panlaban ng isang mananato. Bago talaga ‘yun sa pakiramdam ko. Pero parang mas excited yata ako sa alak na naroon.

Noong mga panahong kasi ‘yun eh nananabik ako sa alak. Paano, mula noong dumami ang mga anak ko eh umiwas na ako sa alak. Sa dami ba naman ng gawain ko eh alangan namang lasinggera pa rin ako at yumayakap sa inidoro tuwing nasosobrahan sa alak. Graduate na ako sa ganoong bagay kasi.

T***na! Ito pala ang MOA!”

Ewan ko ba. Laking Manila naman ako kaso mula nang lumagay ako sa tahimik eh bahay, anak at trabaho lang ang ikot ng buhay ko. Mamasyal man kami eh sa malapit lang.

Aba! Nakarating ako ng MOA dahil sa likod nito gaganapin ‘yung Tattoo Event. At ang matindi pa eh nakarating ako doon na walang pamasahe pero naka-taxi pa! Doon na lang ako ibinayad pagdating ko sa venue.

Ayos! Maganda ‘yung bar, sosyalin! Ipinakita na sa akin ang magiging design namin. Habang nagsasalita ang artist ko eh umiikot naman ang mga mata ko sa mga taong nagdadatingan na siyempre puro mga tattoo. Grabe! Aabot ba ako sa ganoon kadami?

Hindi siguro…

“ANO GAME NA? NAKA-SETUP NA AKO. HUMANAP KA NA NG PWESTO MO NA MAGIGING KOMPORTABLE KA. MGA LIMANG ORAS NA TATUAN ITO.”

Limang oras?! Buti na lang eh noong huling session namin na inabot ng apat na oras na siyang naging unang pinaka mahabang session ko eh naihanda ko na ang sarili ko sa mahabang proseso ng sakit. Handa na ako, this is it pansit! Model na ako, bahala na haha!

Pero kabado pa rin ako kahit paano dahil sa mga naririnig ko na mas masakit daw ang tattoo kapag sa isang compi ginagawa. Siguro nga kasi dahil sa may time limit so may pressure sa part ng artist na medyo magmadali pero magiging maayos pa rin naman ang kalalabasan ng tattoo.

Langya! Bawal palang magyosi sa bar na ito. Nalungkot ako doon ah! Eh ano na lang ang libangan ko eh ilang oras din akong hindi puwedeng maglilikot. Wala naman akong ka-text. Eh ‘di sige, nanamnamin ko na lang ang sakit.

Dahil na rin sa likas akong komportable kahit saan man ako mapunta, ‘yung tipong wala akong pake kung paano ako kumilos o umupo sa public place eh nahiga ako sa mga upuan sa bar na ‘yun para mas komportable ako habang tinatatuan. Pake niyo ba? Masakit kaya!

Dahil first time ko nga eh ayan, ganoon pala sa isang event. Maraming manonood sa iyo at kukuhanan ka ng litrato. Langya naman! Kailangan ko palang magpanggap na hindi gaanong masakit para makuhanan man ako ng litrato eh hindi naman ako mukhang tanga at pagtatawanan ang itsura dahil sa sakit. Kunwari keri ko lang bawat moment noong mga oras na ‘yun.

Hindi naman puro sakit lang ang bawat proseso. May parte rin naman ng balat mo ang kayang ma-tolerate ang sakit. Partida nga eh nakuha ko pang kamayan kahit nakahiga ako ‘yung idol kong babaeng tattoo artist na umikot sa pwesto namin para panoorin ang pagtatattoo ng artist ko sa kin. Aba eh sa Facebook ko lang kasi siya nakikita at ang mga gawa niya. Pakiramdam ko nakakita ako ng artista eh!

Naiihi na ako, pwede bang mag-break muna? Hindi kasi ako nag-diaper. Baka magkasakit pa ako sa bato nito kakapigil ko ng ihi ko.”

Pabiro pa akong nagpaalam na iihi. Pero seryoso naiihi ako. Hindi naman dahil sa gusto kong tumakas sa sakit hehe! Ta**a! hapit pa man din ang short kong maong noon, ang hirap ibaba! Tinamaan yung parte ng bago kong tattoo, ang sakit!

Humarap ako sa salamin, mukha na pala akong bruha. Retouch muna para fresh! Panay pa naman ang daanan ng mga tao na kumukuha ng litrato eh dyahe naman ang itsura ko. Ok, tama na ang kalokohang ito, babalik na ako sa pwesto ko. Susunod kong ihihirit eh baka puwede namang magyosi kahit isang mabilisan lang.

Makalipas ang ilang oras, nakaramdam ako ng pagkahilo at parang sobrang sakit na yata ng hita kong tinatatuan eh noong nakaraan naming session eh kayang-kaya ko naman ang sakit.

Engot din ako eh. Hindi ko naman alam na makaka-apekto pala sa pain tolerance ko na sumabak ako sa sakit na wala akong matinong tulog at kain.

Ang aga naman kasi ng tawag sa ‘kin at dahil sa na-excite ako eh hindi ko na nakuhang kumain pa. Nanlalamig na din ako. Hindi ko malaman kung dahil ba sa pagkahilo ko o dahil ba sa aircon sa bar. Nagdesisyon na ang artist ko na break muna at kakain kami para may lakas ulit at makabalik agad kasi baka hindi kami matapos. Madi-disqualify kasi kami, sayang naman.

Kain construction ako noon, naka-dalawang jumbo na hotdog sandwich ako. Pero kinakabahan ako kasi mahiluhin talaga ako at ninenerbiyos ako bigla pag ganoon. Pero kaya ko pang magpatattoo. Gusto ko ‘yun eh. Ang dapat sanang 5 minute break eh inabot ng 30 minutes. Nagyosi na din ako siyempre, dalawa agad!

“Kumusta naman ang buhay mo, kumusta ang mga anak mo?”

Ano ba namang tanong ‘yan?! Gusto yata nitong kaibigan kong artist na ma-depress ako eh! Malungkot na kasi ang buhay ko noon. Siyempre, masaya akong maging nanay. Ang ikinalulungkot ko lang naman eh ‘yung mga hindi inaasahang pangyayari sa paglagay ko sa inakala kong tahimik. Ang alam ko punong-puno ako ng pressure noon sa kung paano ko matutustusan ang panggatas nila at umaabot na rin sa punto na naiisip ko na hindi man ako nakatapos pero alam kong hindi lang sa pagtitinda dapat mauwi ang buhay ko.

Masakit din kasi sa akin na alam kong maraming dismayado sa ‘kin. Alam kong ramdam nilang hindi dapat sana ako ganito lang. Wala namang masama sa pagtitinda at sa pamumuhay nang simple, pero siyempre mahabang panahon pa na gagatas ang mga anak ko. Hindi naman pwedeng hindi ako makaalagwa sa buhay dahil mabigat na responsibilidad ‘yun.

Bumalik na kami sa puwesto namin. Sa unang tusok pa lang ulit ng karayom eh mas grabe yata ang sakit. Paano ba naman eh matagal na napahinga ang balat ko, natuyo na ang ibang dugo na kahit linisan pa eh siyempre masakit na ‘pag binalikan ulit ng karayom dahil nauna nang nasugatan.

Bigla akong napaisip. Ano ba’ng ginagawa ko sa sarili ko? Ganito ba talaga kasakit? Oo nga, ganito pala talaga kasakit.

Iniba ko pa ang tanong sa sarili ko. Kailangan ko ba talagang saktan ang sarili ko para mamanhid ako sa ibang sakit na nararamdaman ko sa buhay ko?

Ganito na ba ako kamiserable na dahil sa wala naman akong nakakausap na makakaunawa at nakakaunawa sa ‘kin eh mas pinipili ko pang dumepende sa isa pang sakit para lang makaluwag sa kalooban ko?

Malalim ba? Oo, malalim ang pinagmulan ng istorya ng buhay ko bilang Tattoo Model/Collector. Akala kasi ng iba trip-trip lang ang lahat ng ito.

Ayan, natapos na at maya maya lang ay rarampa na kami sa harap ng judges para makilatis na nila ang tattoo namin. Sa wakas, pwede nang magpahinga at siyempre may beer at yosi! Bawat lagok ko noon iniisip ko eh kasama kong nilalagok lahat ng bigat ng loob ko. Kahit yata isang case ang ipainom sa ‘kin eh hindi ako malalasing noong gabing ‘yun.

Judging time na! Ano ba’ng gagawin ko? Aba eh wala! Ipapakita mo lang ang tattoo mo sa bawat hurado na nandoon, tatapatan ng ilaw para mas makilatis mabuti saka nila bibigyan ng karampatang puntos. ‘Yun na ‘yun, ganoon kasimple. Olats kami, pero ok lang.

Panalong-panalo naman ang pakiramdam namin na nakasali kami. At mas panalo ang pakiramdam ko kasi unang pagsali ko ‘yun sa isang on-the-spot tattoo competition. Kung bilang kliyente ko lang ipapagawa ‘yun eh ilang libo din ang gagastusin ko. Mahal na bigla ang halaga ng parteng ‘yun ng balat ko. Nakaraos ako sa sakit at masayang-masaya ako sa resulta. Proud na proud ako sa sarili ko sa mga oras na yun.

TAPOS NA ANG EVENT. UUWI NA AKO. UUWI NA AKO NANG MAY KAKAIBANG SAYA SA AKING SARILI AT PAKIRAMDAM KO AY IBANG TAO NA AKO.

PAKIRAMDAM KO MAY BAGO AKONG NA-ACHIEVE SA LOOB NG MAHABANG PANAHON MULA NANG MAGDESISYON AKONG MAGING SIMPLENG NANAY NA LAMANG AT MAG-HANAPBUHAY DIN NG SIMPLE.

IBANG TAO SA KADAHILANANG HINDI KO INAKALANG MAGMO-MODEL AKO PARA SA ISANG MALAKING PIYESA. MAY NAGAWA AKONG BAGO PARA SA SARILI KO.

AT DIYAN NA RIN NAGSIMULA ANG MALAKING PAGBABAGO SA BUHAY KO. PAGBABAGONG HINDI KO INAKALA NA MAGIGING GANOON KALAKI ANG MAGIGING EPEKTO SA MGA TAO SA PALIGID KO AT SA MAGIGING TAKBO NG BUHAY KO.

(Itutuloy…)

About hellraiser1117

Sabi nga nila may sarili akong mundo. Malalim depende sa tumitingin pero madalas hindi nila ako masakyan o maarok. Ang katahimikan ng gabi ang pinaka gusto ko sa lahat, pakiramdam ko andoon ako sa mundo kong ako lang yata ang mayroong ganoon. Hindi naman sa lahat ng oras ay dapat bumabase ang pakiramdam at pananaw natin sa klase ng basehan ng mga tao sa paligid natin sa kung ano ang tama o kaaya-aya sa paningin nila. Dahil pag dumating na ang dilim, ikaw lang mag-isa ang andyan. Maaaring ang mga bagay na hindi mo naiintindihan pero tinatanggap mo na lang ang maging karamay mo pero tuloy-tuloy ka lang hanggang may liwanag na ulit at pag bayad na ang kuryente niyo. Malamang naputulan lang kayo. But wait, there's more! Ah oo ganyan ako, 'yung madadala ka sa lalim ko tapos biglang magiging gago. 'Yung paiyak ka na sana eh kaso naudlot pa. Kaya nga kung tawagin nila ako eh baliw, bipolar, topak, gaga o siraulo. Kahit alin doon ok lang, ganoon din naman ang tingin ko sa kanila kaya quits lang hehe! Tara! Yosi at kape muna...