Ang Buhay ng Isang Entertainer

image
Pangarap ko lang noon na masilayan ang airport kung paano ang mga eroplano ay lumalanding at umaalis sa runway,musmos pa lang curious na akong pinagmamasdan ang mga ito sa kalangitan.Pero hindi ko inakala na ang unang punta ko sa paliparan ay siya ring una kong sakay ng eroplano.

Masaya,excited at higit sa lahat nakakatakot na kinakabahan, kulang na nga lang ay mahimatay ako nung time na yun sa loob ng paliparan habang nakapila kami para magcheck in, nilakasan ko na lang ang loob ko nakakahiya naman kung gagawa pa ako ng eksena dun.

Halo-halong emosyon ang naramdaman ko ganun din ang aking kasama dahil dalawa lang kami na aalis at pareho pa kaming first timer sa pupuntahang bansa.

Ilang oras ng paghihintay…nakasakay na rin kami buti na lang meron akong katabing japanese gusto kong magtanong pero hindi pa ako bihasa sa nihonggo kaya kinuha ko sa aking bag ang dala kong dictionary na english to japanese.(Girl scout lang ang peg) Nilakasan ko na lang ang aking loob na magtanong at ituro sa dictionary ang gusto kong ipabatid,sa awa ng Diyos buti na lang mabait yung japanese at sinabi niya na huwag kaming mag-alala dahil iguguide niya kami pagdating ng Narita airport,at tinupad naman hindi niya kami iniwan sa arrival area hangga’t wala pa ang aming sundo. Sobrang pasasalamat namin talaga sa taong iyon.

Pag dating ng aming sundo inihatid na kami sa aming tutuluyan na apartment mga past 8:00 pm na rin kami nakarating.Pagkatapos naming kumain, nagbihis na rin kami at nagayos dahil kailangan na rin daw naming magwork. Sobrang kaba dahil hindi ko alam kung ano naghihintay sa akin puro na lang ako dasal at lagi kong baon ang dala kong rosaryo na nilagay ko sa isang maliit na make up kit bag para kahit nasa work dala dala ko pa rin. Inisip ko na lang na nasa kabilang kanto lang ang bahay namin para di ako mahomesick:(

Iyon na nga ang simula ng aking trabaho bilang isang entertainer sa Japan.Noong bata pa ako marami nagsasabi na mapanirang puri at tsismosa sa aming lugar na masama ang trabahong ito dahil meron din kami noong kapitbahay na nagjajapan, pero hindi naman pala kung hindi ikaw mismo ang susubok, dahil doon ko rin napagtanto na magkaiba ang “Japayuki at Entertainer” Ang Japayuki ay nagsimula sa salitang karayuki na tinatawag na mga babaeng casa noong unang panahon ng Ikalawang digmaan Pandaigdig. At ang mga “Entertainer” naman ay mga tinatawag na performing artist na meron talento sa pag-awit at pagsayaw.

Tunay nga naman at walang halong kasinungalingan dahil pinaghirapan namin magensayo ng ilang buwan para makapasa sa tesda at kung ano pang ahensiya ng gobyerno para makakuha ng working visa at Artist Record Book(ARB) papuntang Japan.

Gayunpaman, nasanay na talaga ang mga pilipino sa pagtawag ng Japayuki sa mga taong nagtatrabaho sa bansang japan kahit na hindi nila alam ang tunay nitong kahulugan.

Kasama pa niyan ang panghuhusga sa trabahong hindi naman nila alam kung ano ba talaga ang ginagawa. Minsan hindi na makatao ang pang-aalipusta ng ilan sa mga talentong babae o hosto sa japan, hindi ba nila alam na ang mga taong ito ang bumubuhay sa kanilang pamilya sa pilipinas,nagpapaaral sa kanilang mga kapatid, at kung minsan pa nga pati pinsan, pamangkin at ibang kamag-anak ay kargo na nila tapos panlalait pa ang makakamtan nila sa iba.

Ano nga ba ang ginagawa ng entertainer sa Japan?Mga totoong kasagutan:Singer,Dancer,Group Dancer, taga timpla ng alak ng customer, entertain ibig sabihin communication skill sa customer para malibang ay kausapin mo at matuto ka rin magjapanese…dahil ang mga Japanese na ito ay pumupunta sa omise na mga pagod o stress sa trabaho.

Nasa tao mismo ang responsibilidad niya sa kanyang sarili kung gusto niya bang mapariwara o hindi kaya hindi lahat ng entertainer ay ganun din ang ginagawa na kumakapit sa patalim sa ngalan ng pera,marami pa rin ang iniingatan ang dangal at puri.

Meron nga na may disenteng trabaho o professional na maituturing pero napapariwara at mas malala pa ang ginagawa kesa sa mga nagtatrabaho sa club.

Sa madaling salita hindi natin pwedeng husgahan ang isang tao base sa kung anong uri ng trabaho meron siya,dahil ang taong hindi naman nagbebenta ng laman,pumapatay at nagnanakaw ay matatawag na marangal.

Proud ako at hindi ko ikinahihiya ang trabaho ko bilang isang entertainer dahil alam ng Diyos na kung ano yung pinahalagahan ko at iningatan na dangal ng isang babae bago sumabak sa trabaho pagkatapos ng anim na buwan na kontrata umuwi ako na baon ko pa rin iyon,dahil nangako ako sa aking sarili na maging masama man ang tingin sa akin ng iba hindi ko hahayaan yun para wasakin at dungisan ang sarili kong pagkatao at pagkababae.

Sinuwerte at pinalad din ako hindi dahil para magasawa lang ng hapon o magkaroon ng visa;kundi dahil dito ko natagpuan ang true love ko,Oo’Japanese ang napangasawa ko binata sya ng magkakilala kami,disente,matalino,edukado at higit sa lahat gwapo na mabait pa.(hehe san ka pa)

Hindi siya perpekto kahit malapit na dun kaya pinagmamalaki ko siya at hindi ipinagmamayabang.Magsasampung taon na rin kaming kasal,permanente ng naninirahan sa japan at biniyayaan na rin ng dalawang anak.

Siya ang nagtulak sa akin at nagbigay ng pagasa upang magpatuloy na mag-aral muli,nakapagtapos ako kahit nursing aide, kumuha ng mga short courses at ngayon nag-aaral ng Ab political science na sana sa awa ng Diyos kasama ng aking pagtitiyaga ay matapos ko rin at maipagpatuloy sa law kung mabibigyan pa ng pagkakataon, rumaraket din ako sa pagtuturo ng english sa mga batang japanese para meron sariling kita.

Kaya sa mga nagwowork ngayon na entertainer sa japan alam ko na mahirap na masaya ang buhay talento, magtrabaho ng marangal,ingatan ang sarili, mag-ipon huwag waldas dito, waldas doon, huwag masilaw sa pansamantalang karangyaan dahil pag uwi ng pinas ubos agad ang ilan buwan pinaghirapan kung di gagamitin ng tama.

Sa mga mapanghusgang tao naman na walang alam, dapat natin tandaan na “May mga taong nakakakita nga, pero nabubuhay sa dilim..Mabuti pa ang isang bulag na di nakakakita pero nabubuhay sa liwanag.”

About Butterfly Kisses

Just simply love to write on my spare time and I love web designing too.I started writing from a young age and most of my writing skills are self taught.My goal in any of my writing is to uplift and encourage people,sharing my thoughts to express myself and convey message to others.