Ang batang palangiti

Ano ba ang mayroon sa isang ngiti?

Noong siya ay bata pa lamang, palangiti na siyang talaga. Lalo na pag naglalaro silang mag-kakaibigan o magkakapatid.

Hindi mo iisipin na maraming pinagdaraanan ang batang ito, kasi nga sinisikap niya na laging ngumiti upang kahit paano ay huwag malulungkot ang mga tao sa kanyang paligid.

Dahil sa kakapusan ng kanyang pamilya sa pera, kakambal na noon ang kakulangan nila sa pagkain lalo pa at malaki silang pamilya.

Nakaranas mapatigil sa pag-aaral, magkasakit nang walang pambili ng gamot, matulog nang kumakalam ang sikmura — naranasan na iyan ng batang babae.

Mahirap man ang buhay lalo na pag may mas mabibigat pang pagsubok na dumarating,sinisikap ng batang ito na mas lalong ngumiti at ipakita sa pamilya na ‘magiging ok rin ang lahat,. tiwala lang.’

Napansin niya kasi na kapag nagpapasaya ka ng tao sa kabila ng personal mong pinagdaraanan, parang mas nakikinabang ka rin dahil sasaya ka sa bawat ngiti na ibibigay rin sa iyo.

Kung tutuusin, napakahirap nitong gawin…lalo na kung mahapdi ang iyong sikmura dahil sa gutom. Mapapadasal ka na lang talaga na sana huwag laging ganito. Magsisikap ka na lang na gumawa ng paraan para kahit paano ay may maipambili ka ng pagkain, maitulong sa iba mo pang nagugutom na kapatid.

At akalain mo…ang pagiging palangiti pala ng batang ito ang humila sa ibang tao para siya ay mapansin.

Sino ba naman ang hindi matutuwa na makakita ng batang nakangiti kahit ang dungs-dungis dahil siya ay nangangalakal — naghahalukay ng maibebentang kalakal sa mga tabi-tabi, naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw o kaya’y malakas na ulan.

Dahil sa kanyang pagiging palangiti, naakit niya ang ibang tao na sila ay tignan, kausapin at nang lumaon ay tulungan.

Opo…may tumulong sa kanilang magkakapatid upang sila ay muling makapag-aral. Ginabayan sila at hindi na sila hinayaang mangalakal pang muli dahil ito ay mapanganib at nalalantad sila sa mkrobyo at disgrasya.

Dahil sa kanyang mga ngiti sa kabila ng kahirapan ay nagbukas ang maraming pinto upang sila ay gumaan sa buhay at muling maranasan ang mundo ng mga bata – masasaya, nagkakasiyahan at tuloy-tuloy na nag-aaral.

Ang saya-saya, ‘di ba?

Siguro, masuwerte talaga ang may pangalan na ‘Angel’…. dahil para siyang anghel na nagdala sa kanila sa mabuting kalagayan.

Kaya tandaan, lagi tayong ngingiti dahil ito ay nagtatawag ng mabuting kapalaran!

a3
Masaya kami dahil sa aming mga sponsors na gumagabay sa amin

 

 

a2
Itinuring kaming kapamilya ng taong tumulong sa amin. Lahat yan ay ibinigay sa amin!

 

 

a1
Nararanasan na namin ang mga bagay na dati ay hindi namin alam dahil isinasama nila kami sa pamamasyal.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.