Ang Batang Mahilig Maghakot ng Lata…

Taong 1979, mainit ang panahon. Habang ang ibang bata ay abala sa paglalaro, mayroong isang batang babae, edad pitong taong gulang ang abala sa pamumulot ng mga lata at plastik sa lansangan. Dala-dala niya ang isang sakong marumi habang binabaybay nya ang daan at pumupulot ng mga bagay na maaaring pakinabangan.

Pagkatapos niyang mapuno ang sako ng mga lata at plastik, deretso siya sa isang junk shop kung saan ibebenta niya ang mga napulot. Tatlong piso ang halaga ng lahat ng nakuha niya. Masayang-masaya ang bata kasi may pandagdag baon na naman siya para bukas pagpasok niya sa eskwela…Subalit ang saya ay napapalitan ng pangamba sa kanyang pag-uwi. Nakahanda na kasi ang pamalo ng kanyang nanay.

Pak! “Ano ka bang bata ka? Ginugutom ka ba namin ng tatay mo? Bakit kailangan mong maghakot ng kung ano-ano, tingnan mo yang leeg mo, puwedeng pagtaniman ng gabe sa sobrang libag ..

Tinutukoy ng nanay ang malakuwintas na libag sa leeg  ng bata, nakuha marahil sa alikabok at dumi habang nagkakalkal ng mga basura. Sa kabila ng pamamalo ng kanyang nanay, patagong ginagawa ng bata ang kanyang pamumulot ng lata sa daan upang may pandagdag na baon kinabukasan.

Kilalang-kilala ko ang batang marusing na yun dahil ako po ang batang yon na naghangad na magkaroon ng extrang baon kahit ilang palo pa ang makuha ko sa aking nanay. Nagbunga lahat ng aking pagsisikap; hindi lamang para sa aking sarili kundi ganun na rin para sa aking pamilya.Nakatutuwang isipin na ang batang yun ay ang inyong lingkod.

Kasa-kasama ko ang aking mas maliit na kapatid noon sa paghahakot ng mga lata. Parang kailan lang…Malinaw pa sa aking isipan ang mga eksenang paluan sa akin ng aming nanay dahil sa kunsumisyon sa aming kakulitan.

Sinong mag-aakalang ang mga latang aking napupulot noon ay nagbigay ng tsansa sa akin upang mas maging masigasig sa pag aaral?  Ilang lata lamang yun subalit malaking tulong para sa akin upang magkaroon ng extrang baon sa eskwela.

Wala naman talagang imposible kung gugustuhin mong umunlad. Sikap, tiyaga at dedikasyon lamang sa iyong napiling karera ang bukas na sekreto para sa isang matagumpay na bukas….

Marami kasi sa mga tao, kaunting hirap lang ..pagdaing at pagsuko agad ang nasa isip..Sabay pagsasabing ‘hindi ko kaya…’

Ang pag-unlad ng bawat isa ay nasa ating mga sarili lamang…..Walang mahirap para sa isang taong matiyaga at masigasig sa pagtuklas ng kanyang kakayahan upang mapaunlad lamang ang kanyang sarili.

 Walang imposible kung iisipin mong kaya mo lahat..

Hanggang sa muli …

Ms. J

Enhanced by Zemanta