Ang Babae sa Kabilang Upuan (Finale)

abku2Biglaan ang uwi ni ate galing Singapore. Hindi na nagpasabi. Tinext lang ako ni ermats, nasa ‘Gapo na daw siya, kagabi lang. Buti pinayagan ang leave ko kahit last minute na. Kaya pagka-out ko kanina, dumiretso na ko sa terminal. Bitbit ko naman na yung mga bagahe ko kaya wala ng problema.

Halos tatlong taon din ata bago ang unang uwi niya dito sa ‘Pinas. Akala namin ni ermats, nag-asawa na dahil bibihira magparamdam. Tamad din kasi mag-update ng FB (nagsalita ang masipag), kaya wala kaming idea kung ano-ano na nangyayari sa kanya. Yung huling p-in-ost niyang picture, last year pa ata yun. Kung tatawag man, tatlo o apat na beses lang sa isang buwan. Nung una e halos mapraning si ermats pag hindi tumatawag si ate linggo-linggo. Ngayon, nasanay na lang siya sa lifestyle niya. Hinayaan na lang. Tutal matanda na raw naman siya, nasa sa kanya na kung magpaparamdam man siya o hindi.

Medyo nanaba na siya, di gaya ng dati na parang tamad na tamad kumonsumo ng bitamina sa pagkain. Baligtad nga, kung kelan natatagtag ang katawan sa trabaho, saka nananaba. Sabagay, ako rin pala.

Wala rin kaming idea kung may lovelife na ba siya o wala. Walang pino-post na lalake, single din ang status. Pero dati ko ng inisip yun, nung naging madalang na ang pagtawag niya. Baka kako may kinalolokohan ng lalake kaya nadoble ang pagiging busy. Well, matanda na siya. At labas na ko sa anumang desisyong gagawin niya pagdating sa pag-ibig. Hindi rin naman niya pinakekelaman ang gusto ko, e di ganun din ako. Para kwits.

Maulan ang biyahe ko ngayon. Masarap sana umidlip muna, kaso ginugulo ako ng diwa ko. Nagpapalitan ang mga alaala ni Lyla at Tunyang. Di naman sinasadya na biglang naalala ko yung biyahe namin dati ni Tunyang, na napunta sa mga moments namin ni Lyla. Tinimbang-timbang ang mga eksena. Sandaling kumirot ang puso, minsan napapangiti. Ending, buntong-hininga. Pailing-iling, pangiti-ngiti. Hanggang dun na nga lang siguro ako. Hanggang dun na lang kami. Okey na ko kay Lyla (sana), si Tunyang naman ang walang closure.

Pambihira talaga ‘tong magkapatid na ’to, ang weird ng similarities. Sarap bigyan ng magkapatid na kotong.

Ta*****a, kung ganito nang gantio pa rin ang problema ko sa kanila, pa’no pa ko makaka-move on?

May halos tatlong buwan na rin nung huli kaming nagkausap ni Lyla. Ganun na rin katagal yung huling kita ko kay Tunyang. Simula nung huling usap namin ni Lyla, hindi na rin talaga nagparamdam si Tunyang. Hindi ko alam kung nagpa-clearance pa ba yun. Basta, bigla na lang namatay yung isyu ni Tunyang sa office. Hindi na pinag-uusapan after 2 weeks simula ng mga pa-absent-absent niya. Nakapag-adjust na rin ang team, kahit papano. Si Stephen, sumuko sa pagiging TL after 1 month. Hindi ko alam yung buong istorya kung bakit siya sumuko. After nun, kinausap ulit ako ng visor ko. Ayun, tinanggap ko na ang pagiging TL. Bale magdadalawang buwan na kong feeling boss.

Wala namang problema sa trabaho, akala ko nga lalo akong mai-stress. Medyo-medyo lang. Sa una akala ko bibigay na ko agad. Napasubo na ko e.  Ginusto ko naman ‘to, e di sige. Ang problema e minsan nauubusan na ko ng english kapag kausap ko yung client naming indyano. Nauubos minsan ang oras ko sa mga pasagot-sagot sa e-mail, sa pagko-construct ng basic english na pareho naming maiitindihan, na minsan e matatawa na lang ako kung tama ba pinagsasabi ko o nagyayabang na lang. Basta makapag-english lang. Natuto tuloy akong gumamit ng auto-correct pag nag-e-mail. Kelangan daw e simple lang, pero in a professional way.  Ang kaso, ang hirap minsan kausapin o intindihin. Alam mo yung barok-english? Pabarokin mo pa ng isang beses. Yun. Nahihirapan pa ko minsan intindihin yung tawag nila (pag may conference meeting) dahil sa accent. Masyadong mabilis na ewan. Pasalamat na lang din ako na naiintindihan nila ako pag ako naman ang nagi-english. Kaya madalas para akong natatae pag may meeting. Ewan ko ba, kusa na lang nauubos ang IQ ko pag kausap ko sila. Pinipilit ko na lang manahimik kahit may gusto akong i-suggest o manaka-nakang comment.

So far, okey pa naman ako bilang trainee na TL. Buti na lang at nataon sa panahon na hindi gaanong madami ang volume ng trabaho, kaya nakakapag-relax-relax pa ko kahit papano. Paulit-ulit lang din naman ang ginagawa ko, may template naman na yung mga report. Kelangan lang e mabilis gumamit ng keyboard. Lalo na yung copy + paste. Gamit na gamit sa’ken yan.

Simula ng mawala na sa eksena sila Lyla at Tunyang, naging tahimik na ulit mundo ko. Sumabay na rin si July, hindi na nagpaparamdam. Wala na ang mga araw-araw at gabi-gabing quotes. Ang bawat gabi at araw na pumapasok ako, normal na lang. Paulit-ulit. Parang déjà vu na nga sa sobrang replay ng mga nangyayari. Nag-iiba lang ang kinakain, depende sa gutom. Nag-iiba lang din ang oras ng pasok, depende sa traffic. Pati pag-uwi, nag-iiba lang din depende kung maaga ako nakakatapos, o may pahabol pang extra curricular ang visor ko. Pero kung isa-summary ko ang takbo ng buhay ko ngayon, para akong robot. Ganun at ganun lang ang din ang ginagawa ko. Same old shit. Merong invisible na taong kumokontrol sa’ken, na kahit ayoko na e ginagawa ko pa rin. Sa ngalan ng sahod.

Gusto ko na tuloy maniwala minsan, na kung gusto mong mabuhay ng Sabado at Linggo, kelangan mong magpakamatay mula Lunes hanggang Biyernes. Hindi man literal, pero parang ganun na nga ata talaga ang batas ng tao. Kung wala kang kinikilalang trabaho sa buhay mo, hindi ka rin kikilalanin ng mundo bilang tao. Masasabi lang na isa kang responsableng tao kung nagbabayad ka ng buwis at magiging sunud-sunuran sa gobyerno. Sinumang papalag, kalaban ng gobyerno. Sinumang susuway, bukas gigising ng bangkay. Sinumang tutuligsa sa kagustuhan nila, madiya-diyaryo. Swerte na kung mahe-headline, yung broadsheet. Malas ang mapupunta sa mga tabloids, sa tabi ng kolum kung saan may nadiskubreng manananggal at duwendeng manyak.

Isipin mo, halos dalawang dekada kang mag-aaral (o higit pa), tapos magtatrabaho ka ng halos tatlong dekada (o higit pa) para lang masabi na isa kang ganap na tao? So ano na lang ba talaga ang papel ng tao sa mundo? Magsisimula ka sa ospital, palalakihin sa bahay, imumulat ang ispiritwal na pagkatao sa simbahan, magkaka-malisya sa paaralan, tutubuan ng common sense sa trabaho at pagpapahingahin sa sementeryo. Ganun na lang ang life cycle ng tao sa ngayon. Parang sinadyang program sa computer. Kung sisingitan man ng mga magaganda at panget na eksena, highlights na lang ang tawag dun. Kung yumaman ka man, achievement. Kung namatay kang mahirap, kasalanan mo. Yan ang itinuturo sa’ten ngayon ng modernisasyon. Kung hindi ka sasabay, either maaga kang sasablay, o maaga kang magiging bangkay.

Kumakain, natutulog, tumatae, umiihi, umiibig, lumalanghap ng oxygen, etc. Pero ano-ano pa ba ang magpapatunay na tao ka nga maliban sa mga nabanggit?

Kung aakyat ka ng langit at itatanong sa’yo ni San Pedro kung anong klaseng tao kung nabubuhay ka, pano mo ipapaliwanag to?

Ikumpara mo ang necessity nga tao noon para mabuhay, sa ngayon. Di ba ang layo-layo ng diperensya? Masyadong payak ang buhay ng tao noon, kumpara sa ngayon na sa sobrang dami ng puwedeng gawin libangan at entertainment, nabo-bored pa rin tayo. Noon, kelangan mo lang ng matutulugan, pagkain at tubig, pwede ka ng mabuhay. Ngayon, may kakulangan sa pagkatao mo kapag walang internet sa bahay nyo. Na loser ka kapag tumanda kang virgin. Hindi ka ‘in’ pag wala kang android/apple phone. Bisaya ka pag inosente ka sa mga bagay-bagay. Laos ka pag baduy kang pumorma. Na kung tutuusin, mabubuhay ka pa rin naman kahit hindi mo nakilala kahit minsan ang internet.

At ang mga yan ang tinuturo NILA sa’ten. Kung sino-sino man ang mga miyembro ng NILA, hindi ko na alam.

Minsan, gusto ko sisihin ang pagkakaron ng curiousity ng tao sa buhay-buhay kung bakit nagkakanda-letse-letse ang mundo sa ngayon. Curiousity ang may pasimuno talaga kung bakit mismong mga tao ang nagpapatayan, to the point na parang tinatawanan na tayo ng mga hayop sa takbo ng pag-iisip natin. Simula ng dumami ang mga curious, dumami rin ang conflicts at complications ng sangkatauhan. Kasalanan nga ata na kinagat ni Eba ang mansanas, nagkaron tayo ng malisya sa utak at masyado tayong naging matalino. Kung mahahanap lang talaga ang pandora’s box.

Hmp, maka-idlip nga muna.

*             *             *

Naabutan ko pang nagkukuwentuhan si ermats, ate at tiyang Nora sa kusina pagkadating ko. Inaya din nila ako agad kumain pagkakita sa’ken. Nasa kalagitnaan pa lang ata sila ng almusal. Niyakap ko naman agad si ate matapos makapagmano kila ermats at tiyang. Naiiyak ako sa pagka-miss ko sa kanya, pero pinigilan ko. Umupo ako sa tabi niya saka siya kinamusta.

“Ang taba mo naman?” bati ko.

“Oo nga e.” tiningnan-tingnan pa nito ang magkabilang braso. “No choice kelangan ko kumain. Bawi sa stress.”

“Stress eating?”

“Medyo. Wala naman akong choice. Kesa manlambot ako sa gutom.”

“So kamusta ka naman dun?”

“Okey lang ako, sorry naman kung masyadong busy. Night shift din kasi ako dun kaya pag weekends, natutulog lang ako. Minsan pinapapasok pa ko kahit dayoff ko kaya ayun, haggard at stress talaga. Minsan pa nga 24 hours yung shift ko nun, ay grabe talaga. Pero ayos lang.”

“Kala ko nag-asawa ka na e…”

“Yan nga din tinatanong ko sa ate mo. E wala naman daw.” Si ermats.

“E sa wala naman talaga, anong gagawin ko?”

“Weh, kahit boyfriend?”

Umiling lang siya habang ngumunguya. Tumayo ako saglit para magtimpla ng kape. Masarap ang menu sa mesa kaya di puwedeng absent si kape: tocino, itlog at sinangag. “Late na ata kayo nag-almusal?”

“Hay naku, madaling-araw na rin kami nakatulog ng tiyang mo dahil sa ate mo. Ala-una na ata dumating yan…” sagot ni ermats.

“Mabuti’t gising pa ko, napagbuksan ko agad siya ng pinto. Ang akala ko nga e kung sino.” Si tiyang.

“E bakit naman kasi bigla-bigla kang sumusulpot sa Pilipinas? Ni hindi ka man lang nagpasabi, e di sana nasundo kita.” Tanong ko. Umupo rin ako agad matapos makapagtimpla, saka sila sinabayan kumain. Sakto hindi pa ko nag-aalmusal.

“Eeee, ayoko na mang-abala pa. Andito na nga ako o? Okey na di ba?”

“Next time magsasabi ka kasi.”

“Ano ba pinagkaiba ng nagsabi sa nang-surprise?”

“Pag nagsabi ka, may manunundo sa’yo, walang biglang mapupuyat at magluluto ng marami si mother. Pag surprise naman, eto ang mangyayari. Ayan, etong eksena natin ngayon. Sisihan, sermunan at tocino ang pagkain.” Biro ko. Medyo natawa naman sila.

Masaya na rin naman ako na nakauwi na rin si ate, kahit talagang na-surprise kami. Ni hindi nga nagbigay man lang ng clue na may balak pa lang siyang umuwi.

“Anong oras ka umalis dun?” tanong ko ulit.

“Halfday lang ako e. Mga hapon na ko umalis dun. Ilang oras lang naman biyahe ko. Mas mahaba pa nga biyahe ng ‘Gapo kesa Singapore.” Uminom muna siya ng tubig saka nagpatuloy. “Biglaan din yun, naisipan ko lang. Buti nga napayagan ako.”

“Gano katagal bakasyon mo?” si ermats na nagtanong. Tumayo saka sumandok ng sinangag.

“One week lang.”

“Bilis naman.” sabi ko.

“E yung mga kasama ko uuwi din e. Walang maiiwan sa team namin kun’di ako uuwi agad.”

“Baka naman buntis ka kaya bigla ka umuwi? Putsa, ilang buwan na yan?” biro ko ulit.

“Oy, Juan, yang bibig mo. Nasa harap ka pa ng pagkain.” Suway ni ermats.

“Sorry naman…”

“Wala ngang boyfriend e, pano mabubuntis? Sira-ulo ka talaga.” Sagot ni ate. Tumayo ito saka kumuha ng tubig sa ref. “Naisip ko lang na it’s about time na umuwi naman ako. Siyempre, homesick na rin. Miss ko na rin kayo. Ang hirap kaya dun, solo lang ako.”

“Naks, miss pala e, hehe. Almost three years bago mo kami na-miss? Grabe kang anak…”

“KJ ka kamo. E sa busy nga e. Bakit, bawal ba kayong ma-miss?”

“Nagbabangayan na naman kayong dalawa. Para kayong mga bata.” Pero makikita sa facial expression ni ermats na natutuwa naman siya sa eksena namin. Matagal-tagal na rin ata nung huli niya kaming sinuway na nagbabangayan sa harap ng pagkain.

“Mother, bata pa kami. Kita mo nga wala pa kaming asawa. Di ba ate?”

“Korek.”

“Mag-isa ka lang sa tinutuluyan mo kamo? Hindi naman ba delikado, babae ka pa man din.” Tanong ni tiyang na kakatapos lang din kumain. Kape na ang pinagbubuntunan.

“May mga kasama po ako dati, kaso nag-transfer sila ng ibang ospital kaya naiwan ako dun sa apartment. Safe naman ako dun, kasi karamihan ng mga tenant dun e mga nurse din. Tsaka yung iba kong mga kasama baka dun na rin lumipat. Mas mura kasi. Tapos malapit pa sa ospital.”

“Madaming Singaporean dun?” tanong ko. Basag-trip. Pang-asar lang.

“Ay malamang! Singapore nga kasi e no? Baliw ka talaga. Ikaw, baka nakabuntis ka na dun a? Umayos ka.”

“Wala ngang dyowa, mabubuntis pa kaya?”

“Kelangan ba ng dyowa para makabuntis?”

“Wow, nagsalita ang henyo sa pag-ibig.”

Nagpatuloy pa ang kwentuhan namin hanggang abutin kami ng tanghali. Si ermats naman, saglit na naidlip. Iilang oras lang din kasi nakatulog. Naiwan naman si tiyang na naghuhugas. Sa sala namin pinagpatuloy ni ate ang kamustahan at asaran. Para pa rin kaming mga bata kung magbangayan at magbarahan. Pero iba na ngayon. Dati naga-asaran kami dahil asar at badtrip kami sa isa’t isa. Ngayon, naga-asaran kami kasi na-miss namin ang isa’t isa.

Naikwento ko na rin sa kanya ang tungkol kay Lyla at Tunyang nang mapunta sa lovelife ang topic. Hindi ako sanay na nagkukuwento sa kanya ng seryoso, pero parang pakiramdam ko nung mga time na yun isa siyang bestfriend ko na ang sarap-sarap paglabasan ng sama ng loob. Ine-expect ko ngang aasarin niya ko, pero himalang seryoso siya at interesado sa buong istorya.

“Minahal mo yung Tunyang?” tanong niya pagkatapos kong magkwento.

“Yung totoo, hindi ko alam. Hindi ko masabi na totally minahal, pero on the other side nami-miss ko siya.”

“Kasi nga walang closure…”

“Ganun na nga.”

“Yung pagka-miss mo ba kay Tunyang, ganun din kay Lyla?”

Good question. Hmm, parang hindi ko rin alam. “Actually hindi ko rin alam.”

“Hindi ka sure sa nararamdaman mo sa kanila? Mahirap yan.”

“Wala talaga. Hindi ko talaga alam.”

“Si Lyla, ex mo right?” tumango ako. “Si Tunyang, kapatid ni Lyla, na na-link sa’yo, na bigla na lang naglaho?” tango ulit. “Weird. Ang awkward. Gusto kong isipin na lokohan lang yan, or naglalaro lang kayo. Pero hindi e. Kita mo, hindi ka naman mako-confuse kung laro lang to. Putsa tol, baka true love na yan.”

“Baliw.”

“Pero in fairness a, medyo interesting ang love story nyo kahit ang daming arte. Yung isa umuwi para lang sa closure. Yung isa naman biglang missing in action, na hinahanap mo naman ng closure, na ewan kung bakit kelangan mo ng closure, e hindi naman naging kayo, tama?”

Tumango lang ako. May point siya. Walang duda, kapatid ko nga siya.

“So what’s the catch? Yung isa nag-explain na nung side nila. Yung isa pinoproblema mo lang naman yung biglang alis. Ano ba talaga ang gusto mo pang mangyari?”

 

(Click here to continue reading…)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.