Ang Babae sa Kabilang Upuan (Chapter 17)

abku2Naabutan ko pa ang papaalis na bus papuntang ‘Gapo. Sakto dating ko, ‘di na ko mag-aantay. Tumabi na ko kay ate na bising-busy sa pagbabasa ng libro. English novel. Pang-best seller ‘yung title at kilala ko rin ‘yung author. Inayos naman niya ang pagkakaupo niya pagkaupo ko. Salpak agad ng headset, adjust ng kaunti sa upuan saka sumandal.

Mabilis kong natapos ang trabaho ko kanina. Buti mababa ang load. Wala pang alas-singko tapos na trabaho ko kaya nag-ayos-ayos na ko. Mabilisang hilamos at toothbrush. Ni-ready na ang bagahe. Kaunting muni-muni, saka saktong nag-timeout pagpatak ng alas-singko. Wala nang maraming seremonyas. Dire-diretso ako sa locker saka kinuha ang gamit sabay sibat.

Isang linggong walang kibuan kami ni Tunyang. Kung may kailangan man siya, idinadaan niya sa e-mail. Puro work related. Napaka-unusual at nakakapanibago. Pinangatawanan na ang pride. Ganun din ako. Di na ko nag-attempt mag-sorry ulit. Okey na yung isang beses na sorry. Ano siya, chicks? Kung uulitin ko pa e magmumukha lang akong engot. At ayokong maging engot dahil lang sa isang argumentong puwede namang intindihin na lang. Nabastos ko siya, oo. Pero kung pahahabain niya pa ang away namin e nasa sa kanya na ‘yun. Isip-bata. Korni.

Umabante na yung bus. Nagsimula na ring kumilos ang konduktor, nangolekta ng tiket. Nakabukas ang tv pero maba-badtrip ka sa ‘sobrang linaw’ ng palabas. Mumurahing antenna yata ang gamit. Tatamarin kang tiyagain ang tv na parang may static ng radyo. Mas okey pa nga kung nag-radyo na lang sila.

Wala pa ring balita kay Lyla. Halos maya’t maya na nga ako mag-check ng FB. Baka sakaling may maligaw na message galing sa kanya. Zero pa rin. Napraning na ko kakaantay kaya sinubukan ko ring i-miss call ang ginamit niyang number, unattended. Di ko alam kung sinasadya o ano. Baka tinamad na. Nagbago isip. Natauhan. O baka na-realize niya na mali yung ginawa niya.

Pero parang hindi naman.

Wala naman kaming binanggang relasyon. Single kami parehas. May pinagsamahan naman kami, kahit papano. Well, hindi ko alam kung mali na may mangyari sa’min dahil hindi naman kami.

O baka naman…hindi talaga siya single?

Baka nga yun yung reason kung bakit niya nasabi na “thank you” and “I’m sorry?”

Bigla akong nakaramdam ng kirot. Di naman dapat, pero parang sumama loob ko bigla.

Ewan. Bahala na nga.

Medyo matagal din akong naka-idlip. Di ko na namalayan na nasa Pampanga na kami. Saka ko lang din napansin na napuno na ang bus at may ilang nakatayo na. Ayos. Mabilis-bilis ang biyahe. Si ate, busy pa rin sa pagbabasa ng libro. Ang tiyaga niya. Ako, di ko matagalan ang pagbabasa pag nasa biyahe. Nahihilo ako. Mahirap maghabol ng mga letra pag gumegewang at naghe-headbang ang sasakyan.

Stopover muna sa Double Happiness. Fifteen minutes munang inat-inat, muni-muni at mabilisang foodtrip. Diretso ako ng CR para maglabas ng likido sa puson. Madami-dami din, at kulay dehydrated. Gumaan ang pakiramdam ng kidney. Saglit akong naghilamos saka nag-abot ng limang piso sa receptionist ng banyo. Maintenance fee.

Naalala ko tuloy yung isang mall sa Alabang. Sampung piso ang entrance fee. Nung una akala ko joke lang. Aatras na nga sana ako kun’di lang talaga sasabog ang pantog ko kakapigil sa ihi. Pero nung inabutan ako ng ticket, dun ko lang na-realize na seryoso nga si ate (kalahating kilong pulbos yung nakasabog sa mukha niya tapos 2-3 cm yung kapal ng lipstick na kulay galit-na-red). Hanepasyet, para akong papasok sa CR ng Broadway! Biruin mo yun, sampung piso ang presyo ng pag-ihi ko, saglit na paghihilamos at ilang segundong pananalamin? Hanep talaga. Pero ayos lang naman. Dahil di tulad ng mga ilang public restroom na parang set sa mga zombie movies, malinis at sulit(?) nga naman ang sampung pisong maintenance-con-entrance-fee. Mabango sa loob. Malinis at maayos ang flush ng kubeta. May nakahandang tissue at sabon sa lababo. AT HIGIT SA LAHAT, gumagana ang hand dryer.

May nakausap ako dating maintenance ng CR nun isang araw habang nagaantay ng bus (terminal ng bus sa Cubao). Saglit lang naman na kwentuhan habang naiinip. Tinanong ko kasi sa kanya kung para saan ang limang pisong entrance fee ng mga banyo. “E sir, pambili po ng sabon panlinis ng kubeta. Yung sosobra po e pinaghahatian namin. Dagdag panggastos.” So, pambili pala yun ng sabon. Saglit akong nag-accounting sa utak ko. Ang halaga ng sabon panlaba na powder e naglalaro sa anim hanggang sampung piso. Puwedeng gamitin yung ng isang araw, depende sa dami ng gagamit, laki ng banyo at kung galit siya sa sabon. Ngayon, puwede kong isipin na ang average na gagamit ng banyo sa magdamag e singkwenta katao. So, times five is equals to P250. Minus sa sabon, siguro mga tatlo o apat na beses, meron pa silang 200+ (depende pa yun kung mas maraming tao ang papasok, at depende na rin kung matigas ang mukha mo). Paghahatian ng tatlo hanggang apat na tao. Equals? Considered na yung limang piso. Hindi na masama. Tulong na lang talaga.

Kumpara sa mga city ordinance na pagbabawal umihi sa kung saan-saan na may multang P500, hindi na masama ang limang piso lalo pa’t ginhawa sa sakit sa pantog at hassle sa sikmura ang kapalit. Hindi ka pa nagkasala sa taong-bayan. Di naman gaanong mabigat sa bulsa ang barya-baryang tulong lalo na sa mga oras na nagwawala ang bahay-tae dahil sa diarrhea. Ang hindi ko lang talaga maintindihan e yung trip ng MMDA na paglalagay ng public urinal na kulay pink. Susmaryosep talaga. Alam mo yun, thanks but no thanks? Kesyo wala kang babayaran na anumang maintenance o entrance fee, mas gugustuhin mo na lang mamawis ang singit mo kakalakad para maghanap ng mga fastfood restaurants na libre at de-aircon ang banyo kesa makalanghap ng kili-kili ni Lucifer habang nagdadasal.

Sumakay na ko ulit ng bus matapos magtawag ng konduktor. Nagbabasa pa rin si ate, nag-iba lang ng posisyon. Hindi ko alam kung nakapag-CR na ba siya o kumain muna sdahil wala namang nabago sa hitsura niya, maliban sa paiba-ibang puwesto at paghawak ng libro.

Nagsaksak ng palabas sa dvd si mamang konduktor pagkaabante ng bus. Action yung movie. At dvd copy sa linaw. Hindi gaanong kilala yung mga artista pero pwede na rin pagtiyagaan. Pampalipas ng oras.

Nakarating din ako ng bahay pagkalipas ng halos dalawang oras. Sa labas na ko nananghalian. Di na kinaya ang matinding gutom. Naabutan ko pa sina ermats at Tiyang Nora na kumakain.

“O, naligaw ka?” si ermats pagkatapos kong magmano, sunod kay tiyang. Inalok naman ako ni tiyang pero tumanggi ako. Umupo ako saglit sa bakanteng upuan sa tabi ni ermats.

“Magkikita kami ni Ada mamaya. Babalik na kasi siya sa states.”

“A, kaya naman pala bumiyahe. Kala ko pa naman kung ano na. Ba’t di mo man lang padaanin dito?”

“Busy daw e. Daming lakad.”

“Kumain ka na?”

“Tapos na…”

“Sa’n ka kumain?”

“Sa labas. Gutom na e.”

“Gumastos ka pa. Tiniis mo na lang sana. Uuwi ka pala ngayon di ka man lang nagsabi.”

“Biglaan naman yun.”

“O siya, andito ka na e. Ano, diretso ka dito pagkalabas mo ng trabaho?”

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.